IKA-30 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B




NAGBABAKA-SAKALI!



Pinadilat si Bartimeo! Grabe na ito! Tiyak lahat ng nakakita nito ay nagulat at naniwala matapos masaksihan ang himala. Kilala ng lahat ang bulag na ito, alam nila pati ang pangalan ng kanyang ama (Mk. 10: 46ff). Bawat himala ay isang okasyon para maniwala. Ang himala ay nagdadala ng pananampalataya.

Pero sa Mabuting Balita ngayon, hindi lamang kuwento ng himala. Higit sa lahat, ito ay kuwento ng pananampalataya.

Alam ninyo, dalawa ang uri ng pananampalataya. Ang una ay pananampalatayang sigurado, iyong tiyak na tiyak kumbaga. Kung maayos ang buhay, tiyak nandiyan ang Diyos. Kung kumportable, madali, walang gusot, mas madaling magpuri sa Diyos. Kung tila nakatuntong sa matibay na bato at sigurado na ang buhay, pera, kalusugan, at kinabukasan, bakit ka pa hindi mananampalataya at magpapasalamat sa Diyos?

Pero may isa pang uri ng pananampalataya: iyong pananampalatayang nagbabaka-sakali, nagtitiwala kahit hindi pa sigurado ang lahat. Kung tulad ni Bartimeo, wala tayong makita kundi kadiliman… kung walang solusyon sa mga problema ng buhay… kung hindi mo alam kung buhay ka pa bukas… kung nag-iisa ka sa pagharap sa mga pagsubok… panahon din ito upang manampalataya, magbaka-sakali na may isang mahabaging Diyos na nakikinig at isang araw ay hihinto sa tapat natin at hihipuin ang ating buhay ng isang himalang hindi natin inaasahan.

Hindi naman kilala ni Hesus is Bartimeo. Narinig lang ng bulag sa iba kung gaano kabuti ang Panginoon. Ni hindi niya alam kung hihinto nga ito kapag sumigaw siya habang dumadaan ito. Pero nagtiwala si Bartimeo, kahit nagagalit na ang iba sa ingay na ginagawa niya. Lalo pa siyang sumigaw: Hesus, Anak ng Diyos, maawa ka sa akin!

Nagbaka-sakali siya. Baka nga naman hindi na dumaan pa dito muli si Hesus. Paano naman kung matabunan ng sigaw ng ibang tao ang kanyang boses? At sino ba siya upang pansinin? Isa lamang siyang bulag na pulubi sa daan. Pero sa kanyang puso, damang-dama niya na mahal ni Hesus ang mga tulad niya. At ang kanyang pagbabaka-sakali ay nabiyayaaan ng Diyos.

Meron din ba tayong ganitong pananampalataya? O nagtitiwala lang tayo kapag sigurado ang lahat? Kaya ba nating maging tulad ni Bartimeo na naniwala sa Diyos na maawain sa mga dukha, maysakit, itinapon at nag-iisa, walang makapitan, basura ng lipunan?

Panginoon, bigyan mo po ako ng ganitong kaloob, ng pananampalatayang nagbabaka-sakali, nagtitiwala sa gitna ng dilim. Amen. 

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS