DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS 2017
-->
SIMULAN ANG TAON
KASAMA SI MARIA
Bakit sinisimulan natin ang taon kasama ang Mahal na Birheng
Maria? Bakit hindi ipagdiwang ang kapistahan ng Diyos Ama na bukal ng lahat? O ng Panginoong Hesus, ang
Diyos Anak na isinilang sa belen? O ng Espiritu Santo na kaloob ng Ama at Anak?
Bakit tuwing Bagong Taon, kapistahan ni Maria?
Bawat bagong taon ay bagong pagkakataon, bagong tsyansa,
bagong simula ng buhay. Pagkakataon ito upang lumago, magsimula, magbago, at
magpakabuti. Nagsisimula tayong may pag-asa na dahil sa Diyos, yayakapin natin
ang bago, ang sariwa, ang maunlad at mabuti para sa atin at sa ating mga
minamahal, para sa ating kapwa at para sa ating lipunan at daigdig.
Pero hindi po ba, lahat ng bagong taon may dalang hindi
inaasahan? Maraming bagay ang dumarating na hind mo maunawaan. Nagaganap ang
mga bagay taliwas sa ating pangarap. Maraming sorpresa ang buhay na halos ating
ikabuwal o ikahulog sa ating kinauupuan.
Bawat taon, tayo o ibang kakilala natin ay nagkakasakit at
nagsisimulang mag maintenance medicine. Bawat taon may nakakaramdam ng pagtanda
at dapat nang magsalamin sa mata. Bawat taon, maraming nagpapaalam sa lugar ng
tirahan, sa lugar ng trabaho, sa lugar na nagdadala ng sigalot sa buhay. Pinakamahirap,
bawat taon ay may dalang pamamaalaman sa mga taong naging bahagi ng ating buhay
pero nawala sa atin at hindi na muling magbabalik, dahil nag-sanga na ang
landas o kaya’y namapaya na. Bawat taon, kailangang mag-move on.
Kaya nga, bawat bagong taon ay may dalang misteryong hindi
natin malutas-lutas mag-isa. Dito natin kailangan si Maria. Sa Mabuting Balita
ni Lukas (2: 6-21), iisa ang binabasa tuwing araw na ito. Ang sentro ay: “At
itinago ni Maria ang mga bagay na ito sa kanyang puso at
pinagbulay-bulay.” Ano ba ang
pinag-isipang mabuti ni Maria? Yung mga bagay na iniisip din natin at pinipilit
maunawaan ngayon. Bakit iba ang plano ng Diyos sa plano ko? Ano ang kahulugan
ng mga pagbabago sa buhay ko? Ano nga ba ang gusto ng Diyos na gawin ko ngayon?
Bakit nagdadala ang Diyos ng mga regalo pero may kasama namang pagsubok? Bakit
dumarating ang anghel sa buhay natin pero biglang aalis na hindi nasasagot ang
lahat ng tanong natin?
Hindi ko alam kung nasagot ni Maria ang mga tanong niya. Siguro
yung iba lang, tulad din nang sa atin. Pero ganunpaman, hindi siya tumigil na
magmahal sa Ama, sumunod sa Anak at makinig sa Espiritu Santo. Sa mabuting
balita ni Lukas, naroon si Maria mula sa paglilihi, hanggang pagsilang, hanggang
kabataan, hanggang pangangaral, hanggang kamatayan at muling pagkabuhay ni
Hesus at pati na hanggang ang pagkabuo ng simbahan. Sinikap niyang maging
matatag at matapat sa kanyang pananampalataya.
Ganito rin tayo ngayon. Ang daming tanong habang nagdarasal
at nagsisismba. – “Lord, bakit ako pa ang dinapuan ng sakit? Bakit ang daming problema
sa trabaho? Bakit hindi maayos-ayos ang pamilya ko? Bakit isa-isang nawawala
ang mga minamahal ko?”
Hindi tayo nagsisimula ng baong taon sa simbahan dahil hawak
natin lahat ng sagot sa ating mga tanong. Nandito tayo upang humingi ng liwanag
(kahit konting liwanag) sa bawat sandaling darating, sa bawat araw na darating,
sa bagong taong dumarating ngayon. Tulad ni Maria, sana, hindi rin tayo susuko
o panghininaan ng loob dahil ang Diyos ay matapat, mahabagin, matulungin at
makapangyarihn. At sa kanya lamang tayo kakapit sa panahong tahimik, o sa
panahong maligalig. Siya ang kahulugan ng buhay natin sa taong ito at sa habang
panahon.
Aba Ginoong Maria!