PASKO 2016
-->
ANO ANG MAGAGAWA NG
SANGGOL?
Minsan, nag post ako sa FB: ‘malapit na ang Pasko; darating
na si Hesus.’ Marami namang nag-like. Pero may isang nag-comment: Bakit, wala
pa ba siya diyan sa inyo? Ano pa ba hinihintay ninyo?’ Sa halip na sakalin ko
ang nag-post, inisip ko kung may punto ba siya.
Habang nagdiriwang tayo ng dakilang kapistahang ito, mga
larawan ni Hesus na sanggol ang nakaharap sa atin. Pero alam ba natin na kahit
sinasariwa natin ang kaarawan ng Panginoong Hesus, ang ipinagdiriwang natin ay
iba naman? Oo masaya tayo pero, hindi dahil ang Salita ng Diyos ay isang
sanggol na; maligaya tayo kasi ang Salita ng Diyos, sa katauhan ni Hesus, ay ngayon,
Kapatid at Kalakbay natin! Tinugon ng Diyos ang malalim na hangad ng ating
puso; ibinigay niya ang kanyang nag-iisang Anak!
Nakakataba ng puso ang isang sanggol, pero ano ang magagawa
nito para hanguin ang mga tao sa pagdurusa at sakit? Ngayong Pasko, lumingon
ka: mga taong naglalakad na tila walang pag-asa; mahihirap na naglipana; mga
maysakit na malayo pa sa paggaling; napakaraming walang lakas ng loob na
lumaban sa hamon ng buhay. O silipin mo ang puso mo: di ba ang daming tanong,
hangarin, pangangailangan na humihingi ng tugon? Kailangan natin ng higit pa sa
isang sanggol para lutasin ang mga problema ng mundo, at ng ating puso.
Ipinadala ng Diyos ang kanyang Anak. Hindi upang tanggapin
bilang kagiliw-giliw na sanggol. Nais ng Ama na kilalanin natin ang Anak kung
sino siya talaga – ang Daan, Katotohanan at Buhay.
Ibinibigay sa atin ng Diyos ang Anak niya upang makatagpo
natin ang pinakamalalim na pagmamahal. Noong unang Pasko, ang iba, tinanggap
siya; ang iba, tinanggihan siya. Ang pagdiriwang natin ng kaarawan ni Hesus
ngayon ay okasyon upang tumugon din tayo – tanggapin o tanggihan siya sa ating
puso.
Hindi kailangang perpekto ang lahat ngayon. Maaaring ang
daming problema at gulo. Pero nais ni Hesus na sa gitna nito, makipamuhay sa
atin, makilakbay sa atin, makitrabaho sa atin, makiasa sa atin, makingiti sa
atin, makiiyak sa atin.
Iyong simple ang puso, naiintindihan ito. Kaya nga, kahit
mahirap at maysakit, walang trabaho at nagdurusa, nalilito at nababagabag, kaya
nilang ngumiti ngayon at magbahagi ng pag-ibig, ang diwa ng Pasko. Alam nilang
hindi kailangang maging perpekto ang lahat ngayon. Kasama si Hesus, darating
tayo diyan, unti-unti, araw-araw. Ang Pasko ay simula pa lamang ng pakikilakbay
natin sa Panginoon.
Salubungin natin siya! Tanggapin natin siya! Anyayahan natin
siyang makilakbay sa atin muli! Kilalanin natin hindi lang ang "maliit" o sanggol kundi
ang "malaking" Kristo na siyang kaloob ng Ama sa atin!