PASKO 2016 - 2
IALAY SA KANYA ANG
TAKOT
Matagal nang problema ng kaibigan
ko ang anak niyang adik. Hindi na ito umuuwi sa bahay at kung saan-saan
tumitigil. Napabayaan nito ang kanyang kalusugan at kabuhayan. Isang araw, nagulat ang kaibigan ko
pagbukas ng pintuan nila, naroon ang anak at nagmamakaawang uuwi na. bakit?
Dahil sa takot, namatay na kasi ang best friend niya at baka siya na ang
susunod. Sa bahay, ligtas siya.
Sa taong ito, maraming damdamin
ang namayani sa puso ng mga tao, pero isa na dito ang takot. Takot tayong
mamatay o masaktan. Takot tayong mawalan ng trabaho o seguridad sa buhay. Takot
tayong iwanan o pagtaksilan ng minamahal. Ang mga tao sa ibang bansa ay
nagpapasko na patuloy ang sindak dala ng terorismo, giyera at karahasan.
Sa mundo ng pagkatakot, pumasok
si Hesus, 2000 taon na ang nakalilipas. Sa mundo na ating pagkatakot, babalik
siyang muli ayon sa ating pananampalataya.
Kalimitan ayaw natin aminin ang ating mga takot. Baka kasi
sabihin ng iba mahina ang loob natin o duwag tayo. Pero sa Bible, tila maging
ang mga malalapit sa puso ng Panginoon ay hindi itinago ang kanilang
pagkatakot. Napansin ito ng anghel kaya nga sinabi niya kay Maria: huwag kang
matakot, ikaw ay maglilihi at manganganak… Sinabi rin ito kay Jose: huwag kang
matakot na tanggapin si Maria bilang asawa… Sinabi rin ito sa mga pastol: huwag
kayong matakot dahil may dala akong mabuting balita…
Sa pagdating ni Hesus, bahagi ng kanyang misyon na pawiin
ang ating mga takot sa isip at puso. ginawa niya ito hindi lamang sa salita,
kundi pati sa kanyang kilos. Ngayong gabi, sinasabi muli ng Panginoon sa atin,
huwag kang matakot. Narito na ang Diyos. mahal na mahal ka ng Panginoon!
Maraming kahulugan ang Pasko: Imanuel, kasama natin ang
Diyos; incarnation, nagkatawang-tao ang Diyos; at isa pang kahulugan ng Pasko
ay “walang imposible sa Diyos.”
Walang imposible sa Diyos. Ang bata sa sabsaban ang magiging
pinakadakilang hari. Ang isinilang kasama ng mga hayop ang magdadala ng biyaya
at yaman sa bawat puso. Ang hindi tinanggap sa bahay-panuluyan ang magpapakain
sa lahat ng nagugutom at papawi ng lahat ng mga takot.
Ngayong Pasko, nauunawaan ni Hesus ang lahat ng nagaganap sa
ating puso, higit sa lahat, ang ating takot. Huwag mong itago, kundi ialay sa
kanya ang nagaganap sa iyong puso at isip. Ilantad natin sa kanya ang ating mga pangamba at takot.
Tanggapin natin ang handog niyang pag-asa kapalit ng siphayo. Tanggapin natin
ang handog niyang pag-ibig kapalit ng poot. Tanggapin natin ang buhay kapalit
ng kamatayan.
Bakit binabalik-balikan ang Pasko? Dahil sa tulong ng isang
bata, ang Anak ng Diyos, bumalik ang sigla sa mundo. Nabuo ang pag-asa sa puso
ng lahat.
Ilang araw ang nakalilipas, dinalaw ko ang pamilya ng aking
kaibigan. Masaya ang pasko ng mag-asawang kaibigan ko dahil sa unang
pagkakataon, matapos ang anim na taon, mayroon na silang anak. Iba ang
mararamdamang ningning at liwanag sa loob ng tahanan.
Dalhin natin sa batang si Hesus ang ating takot at pangamba.
Siya ang tugon ng Diyos sa ligalig ng puso. Tandaan lagi: walang imposible sa
Diyos. Amen…