IKA-LIMANG LINGGO SA KUWARESMA B

-->
PUSO SA PUSO





Nang magkasabay ang Miyerkules ng Abo at Balemtayms (gets nyo?), maraming ang naaliw. Paano kaya magdiriwang ang mga magsing-irog? Ia-advance kaya o gagawing belated ang pagdiriwang? Naisip nang ibang baka umiwas ang mga Katoliko sa anumang romantikong kilos, samantalang hula ng iba, baka umiwas ang mga Katoliko sa gawaing pang-relihyon sa ngalan ng pag-ibig.



Kung iisipin, may kaugnayan talaga ang Miyerkules ng Abo at Valentine’s. Ang araw ng abo, simula ng Kuwaresma, ay isang matinding paalala sa atin ng pinakadakilang pag-ibig sa lahat. Ang Valentines naman, pista ng mga nagmamahalan, ay isang tumpak na panahon upang limiin ang pinakaganap na pag-ibig, ang tunay na paghahandog ng sarili, at ang sakripisyong sinasagisag ng Krus ni Hesus.



Ang Kuwaresma ay isang mahabang Valentine’s day ng Panginoon. Ang pagbasa mula kay Jeremias 31 ay tungkol sa tipan ng Diyos at ng bayan. Higit pa sa isang kasunduan ng pagiging magkaugnay, matapat, at magkatali sa pangako, ang tipan ay higit sa lahat, tungkol sa puso. Ang sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking batas sa kanila at isusulat sa kanilang puso… patatawarin ko ang kanilang kasamaan at kalilimutan ang kanilang kasalanan.” Subalit para sa maraming mga Israelita, ang tipan ay naging sistemang legal at mapanlupig, na naging dahilan upang ang buhay na pananampalataya ay maging relihyon ng takot at panghuhusga.



Ngayong Kuwaresma, ang hiling ng Panginoong Hesus ay ang ating puso. Makakatulong ang mga prusisyon, debosyon at tradition. Pero hindi nawa tayo mailiko nito sa ating landas. Nangungusap ang Panginoon sa ating puso at dapat lang na tumugon tayo sa pamamagitan din ng ating puso sa tulong ng panalangin, sakripisyo at kawanggawang bunsod ng pag-ibig. Maraming mga Katoliko na sa tuwing Kuwaresma nakatutok lang sa mga panlabas na gawain at hindi nakakatuklas ng pagmamahal at kabutihan sa kapwa-tao.



Bago ang mga Mahal na Araw, manalangin tayong magkaroon ng masidhing pagmamahal sa Diyos sa ating pagdarasal, kumpisal , Komunyon at pakikiisa sa mga rituwal. Buksan natin ang ating puso sa pagmamahal sa kapwa na kikilalanin bilang larawan ni Hesus. Higit sa lahat, hayaan nating mahalin, patawarin at baguhin tayo ng Diyos. Ikalat natin ang pag-ibig!!!



Oo nga pala… ang Linggo ng Pagkabuhay ngayon ay natapat sa April Fool’s Day!!!


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS