PAANO IPALIWANAG ANG KRUS: PART 3
-->
KASALUKUYANG PAGTALAKAY
Tinatanggap ng kasalukuyang
teyolohiya ang mensahe ng kaligtasang dulot ng krus ni Kristo, habang
sinusuring mabuti ang "modelo ng batas" (juridical model) na ginagamit sa ibang paliwanag tungkol
sa “pagbabayad-puri ni Kristo para sa atin.”
Lalo na ngayon, may malakas na
pag-aatubili ukol sa ideya na si Kristo ay kailangang gumamit ng impluwensya sa
Ama upang ito ay magpatawad sa sangkatauhan.
Matatagpuan ang ideyang ito sa
ilang kataga sa bibliya:
Iginigiit ni Pablo ang
“katarungan ng Diyos”: ayon sa kanya ito ay nagliliwanag sa pagpapakasakit at
kamatayan ni Kristo (Rom 3.24-27) – nalalantad sa pagpapaubaya ng inosentong si
Kristo sa kamay ng mga kaaway niya.
Sa Lumang Tipan pa lamang, ang
“katarungan ng Diyos” ay higit sa lahat ang katapatan ng Diyos sa mga pangako
niyang kaligtasan, na siyang buod ng tipanan sa kanyang bayan.
Ang Diyos, sa kabila ng
pagtataksil ng bayan, ay hindi naisip na iwanan ang Israel, kundi nagpahayag ng
bagong tipan (na tumatawag para sa isang tahasang pagbabago ng puso). Naganap
sa Bagong Tipan kay Kristong namatay at nabuhay muli para sa ating kaligtasan,
naging sanhi para sa simbahan ng kaloob ng Diyos na Espiritu, nagbigay sa mga
sumampalataya sa kanya ng pagkakataong mamuhay nang sumasailalim bilang anak sa
Ama tulad ng ginawa niya.
Sa Ebanghelyo nabunyag ang
“katarungan ng Diyos”- hindi ang Diyos na naghahanap ng kabayaran sa kasalanan,
kundi ang lumulutang ay ang katapatan ng Diyos sa kanyang mga pangako na
naganap nang may katiyakan kay Kristo.
Ang pagkukusa ng katubusan ay galing
sa Ama na kay Kristo ay nagkasundo sa kanyang sarili ng buong mundong na
kanyang mahal at patuloy na minamahal sa kabila ng pagkalugmok at pagkakamaling
dulot ng kasalanan.
Ang pagmamahal ng Diyos, na nalantad
sa pakikipagkasundo sa mundo, ay hindi tulad ng pagmamahal ng tao: ang sa tao
ay naghahanap dahil laging kulang; ang sa Diyos ay nagbibigay dahil laging
puno.
Ang katarungan-pagmamahal ng
Diyos, na siyang nagdala sa Ama na ipadala ang Bugtong na Anak sa mundo upang
magkaroon ng buhay, ay hindi pag-ibig na nasiphayo o nangangailangan ng
kabayaran, kundi pag-ibig na lumilikha, kumakalat, naghahanap ng tatanggap.
Ang gampanin ni Kristo sa gawa ng
pagkakasundo ay hindi ang ibigay sa Ama kung ano ang wala sa Ama o kung ano ang
gusto ng Ama, kundi ang tanggapin kung ano man mayroon ang Ama at nais ng Ama
na ipamahagi.
Ang pagmamahal ni Kristo sa Ama
(at ng Ama sa mundo) ay ang daluyan kung saan ang mapanlikhang pag-ibig ng Ama
ay makatatagos sa mundo, magiging ganap na katanggap-tanggap ng mundo, at patuloy
na magiging sanhi ng pag-ibig sa mundo.
Sa pananaw na ito, ano ang gamit
ng krus?
UNA, ang krus ang natural na bunga ng situwasyon ng Anak ng Diyos
na nagkatawang-tao sa mundong puno ng kasalanan. Ang Diyos-na-naging-tao ay
hindi makaiwas na maramdaman ang tunay na pakikipag-isa sa kanyang mga kapatid,
hindi makaiwas na kumilos para sa kalayaan ng mga tao sa kasalanan at
kamatayan, hindi maaaring hindi italaga ang sarili sa pagpapanariwa ng
sanilikha, gawin itong maningning na salamin ng luwalhati ng Amang nais
makipag-ugnayan.
Dama ito sa mga pagsaksi, sa
pagpapahayag ng mensahe, sa mga himala atbp., at hindi rin maaaring ang Diyos-na-nagkatawang-tao
ay hindi makatanggap ng pagsalungat at pagtanggi ng mundong makasalanan (Jn
15.18).
Ang mga Hudyo at pagano ay nagkaisang
iligpit si Hesus dahil sa maraming dahilan, pero higit sa lahat, dahil sa
pagkamakasarili.
“Ninanais” ng Ama ang krus, pero
hindi bilang paghihirap na kaakibat sa buhay ni Hesus, kundi ang ninanais niya
sa krus ay ang tapat na pag-ibig ni Hesus na handang tumungo sa krus, at
handang salubungin ang pagsalungat ng mundo maging hanggang pagkapako at
kamatayan.
IKALAWA, ang krus ang kondisyon ng buhay na humahamon at
nagpapatingkad sa maka-anak na pag-ibig ni Hesus, at sa pamamagitan nito ang
pag-ibig ng Ama ay naging bahagi ng mundo.
Ang krus ay hindi bugso lamang ng
damdamin, kundi isang pinag-isipan at pinagnilayang gampanin, isang pagbibigay
ng sarili sa kapwa.
Ang gampaning ito ay hindi
nagaganap maliban kung may pagkakataon, o pangangailangan na dapat tugunan, na
siyang nagpapaningas nito; masasabi nating halos nawawasak ang pag-ibig na ito
kung hindi maisasagawa ang kanyang misyon.
Walang saysay ang pagmamahal-sakripisyo
kung walang pagkakataon, o pangangailangan na mai-sakripisyo.
Sa ganitong diwa, masasabi nating
si Kristo na yumakap sa batas ng kaisipan o sikolohiyang pantao, sa kanyang
pagdurusa sa halamanan ay doon nakaranas ng
matinding karanasan ng pag-ibig para sa Ama at para sa sangkatauhan na
siyang pag-aalayan niya ng buhay bilang mga kaibigan niya (Jn 15.13).
Habang nagdurusa, “natuto” si
Kristo ng pagsunod o pagtalima, narating niya ang karanasan ng ganap at malinaw
na pasyang pagmamahal bilang Anak.
“Ninanais”ng Ama ang krus, hindi
dahill sa mismong krus, kundi dahil “ninanais” niya ang buong puso, totohanan,
at buong-buong pag-ibig ni Kristo, kaugnay ang lahat ng sanhi, kundisyon at
resulta nito; at si Kristo naman ay “ninais” ding tumanggap ng kanyang bokasyon
o misyon bilang tagapagligtas.
IKATLO, ang krus ang saksi na ang kapangyarihan ng kalooban ng Ama
ang higit sa lahat, at nararapat ibigay dito ang lahat, at na ang paglilingkod
sa Ama sa pamamagitan ng paglingap sa kapwa ang daan upang matamo ng tao ang
kanyang ganap na paglago.
Sa Kalbaryo, sa kasaysayan ng
tao, naganap at napatotohanan ang isang bagong pangyayari, isang pagsaksi sa pag-ibig
para sa Ama at para sa mga kapatid, na higit pa sa lahat ng kasinungalingan ng
kasalanan; at kaya nga, “tinutubos” niya ito.
Ang pagtubos ni Kristo ay hindi
nagpapadukha sa tao at nagpapayaman naman sa Diyos, kundi nagpapaubaya sa Diyos
na ikalat niya ang kaganapan niya sa mga nilikha na pinagkaitan nito. Upang
ipahayag ang pagbabago na dala ni Kristo, dapat nating gamitin ang isang
salitang may kaugnayan sa pagkakasundo ng mga tao – ang “pagtubos” kaysa
salitang “bayad-puri”.
Dapat idagdag agad na ang
salitang “pagtubos” ay dapat dalisayin mula sa lahat ng magbibigay ng masamang
ideya ng Diyos – halimbawa na siya ay dukha, o makasarili, o kasangkot sa
kasamaan, o mga ideyang komersyo. Sa halip dapat unawain ang salitang ito
kaugnay ng kaganapan at kadalisayan ng pagmamahal ng Diyos.
Itinuring ni Pablo na ang usapin tungkol sa krus ay hamon sa
“karunungan ng mundo” (1 Cor 1:18-31). At sa Katesismo ng Trento, matapos
sabihing ang pananampalataya natin ay nakatayo sa kapangyarihan ng krus,
idinagdag: kaung mayroon higit na mahirap unawain ng isip at katalinuhan, ito
ay ang misteryo ng krus, ang pinakamahirap sa lahat. Makipot ang pang-unawa natin
sa kaligtasan na galing sa krus at sa kanyang napako sa krus.