PAANO IPALIWANAG ANG KRUS: PART 1
ANG KRUS NI KRISTO:
BUKAL NG KALIGTASAN
ANG BAGONG TIPAN:
Isang malaking tanong para sa mga
sinaunang Kristiyano mula pa sa simula ay kung paano nga ba ipapaliwanag na si
Hesus, “propetang dakila sa gawa at salita sa harap ng Diyos at ng tao,” ang
pinakahihintay na magliligtas sa Israel, ay hinatulan at ipinako sa krus ng mga
pinuno ng bayan (Lk 24:19-20).
Maging Griyego o Hudyo ay
kahibangan o iskandalo ang maging tagasunod ng isang naipako at namatay sa krus
at umasa sa kanya ng kaligtasan (1 Cor 1: 23).
Sa liwanag ng mga pangyayari sa
Paskuwa at sa pagkakasunod sa Lumang Tipan, ang katotohanan ng nakahihiyang
kamatayan ay ipinaliwanag bilang siyang “dapat” maganap ayon sa plano ng
kaligtasan, dahil si Kristo ay pumasok sa kanyang lubos na kaluwalhatian at
naging sanhi ng pagbabagong loob at kapatawaran para sa lahat (Lk 24, 26, 46;
Phil 2: 6-11).
Ang pinagmumulan ng “teyolohiya
ng krus” (pag-unawa at paliwanag ukol sa krus) ay ang mismong pangangailangan
na unawain ang nakakahiyang kamatayan ni Kristo, sa diwa ng pananampalataya kay
Kristo na Tagapagligtas.
Sa katunayan, hindi lamang
ipinahayag ng sinaunang simbahan na si Kristong Ipinako sa krus ang siyang
TANGING daan ng kaligtasan kundi MAGING ang kanyag kamatayan sa krus ay may
gampaning nakapagliligtas: si Kristo “ay namatay para sa ating mga kasalanan
ayon sa Kasulatan” (1 Cor 15:3). Ang mga salitang ito, ipinahayag ni San Pablo
bilang bahagi ng ebanghelyong tinanggap niya, ang siyang UGAT ng ng teyolohiya
ng krus.
Ang kahalagan ng misteryo ng krus
ay nasa mga Ebanghelyong Sinotiko (Markos, Lukas, Mateo): ang mahabang salaysay
ng paghihirap at kamatayan ni Hesus, na isang pagpapalawig na kaugnay ng
mensahe ng Lumang Tipan.
Isinisiwalat nito ang dalawang
pangunahing bahagi ng misteryong ito:
a) Ang krus bilang kalooban ng Ama at tinanggap
naman ng buong pagsunod bilang Anak ni Kristo
b) Ang paglalarawan sa krus bilang itinalaga para
sa kaligtasan ng tao sa mga kasalanan
Ang unang bahagi – direksyong pababa
(vertical)
- Makikita sa 3 pagpapahayag ukol sa paghihirap ni
Kristo - Mk 8: 31, 9:31, 10:33-34f at sa salaysay ng pagdurusa ni Kristo sa
halamanan
- Ang krus ay hindi kamalian kundi kasangkapan ng
kaligtasan
Ang ikalawang bahagi – direksyong
pahalang (horizontal)
Pinagtitibay ni Kristo ang
kanyang pagdating upang ibigay ang buhay bilang katubusan ng marami (Mk 10:45,
Mt 20:28) at sa mga salitang binitiwan sa hapunan na ang kanyang dugo ay
ibubuhos para sa kapatawaran ng mga kasalanan (Mt. 26:28, MK 14:24, Lk 22:20).
Ang maraming mga salitang ginamit
para isalin ang formulang “para”/ “sa” – ay nagpapakita ng gampanin ng krus
tungo sa kaligtasan (soteriological function)
Kay Juan, makikita ang bahaging
pababa (vertical): sa misyong tinanggap ni Kristo mula sa Ama Father (Jn 12:27, 14, 30, 19:30) at sa kaganapan
nito sa krus.
Ibinigay/ ipinadala ng Ama ang Anak
upang sinumang manampalataya ay maligtas, Jn 3:16
Kay Juan, kitang-kita din nag
bahaging pahalang (horizontal): ipinahayag sa 2 magkaibang istilong akma sa
sulat ni Juan, na nagpapakita ng tagisan sa pagitan ng liwanag at dilim, buhay
at kamatayan:
1. Una, ang pag-ibig sa kanyang mga kaibigan, na
pinag-alayan ni Hesus ng buhay (Jn 13:1. 10:11. 15:13)
2. At ang paghuhukom sa mundo at sa prinsipe ng
mundong ito na nalupig na ng krus (Jn 12:31. 16:11. 16:33). Kaugnay ng tagumpay
laban sa mundo ay ang pagluwalhati kay Hesus sa pamamagitan ng kanyang
pagpapakasakit at sa kanyang pagpapakasakit.
Ang dalawang bahaging ito ay
pinag-ugnay sa konsepto ng pagpapadalisay at paglilinis na dulot ng dugo ni
Kristo - 1 Jn 1:7, 5:6, Rev 1:5)
- paghahambing sa kamatayan ni Kristo at sa mga
sakripisyo ng Lumang Tipan
- ang titulo ni Hesus bilang: Kordero ng Diyos (Jn
1: 29,36; 19,36; Rev 28) – isa nang teyolohiya ng krus na gamit ang simbolo
mula sa Lingkod ni Yahweh at ng kordero/tupang pam-Paskuwa
Wala nang ibang manunulat na mas
madalas bumalik sa tema ng misteryo ng krus higit kay San Pablo. Habang ang mga
ebanghelista ay nagpapaliwanag ng iskandalo ng krus, si Pablo naman ay
nananangan sa katotohanang si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan (1
Thess. 5,9; 2 Cor. 5:14-21; Rom. 4:25) at ginagamit ang doktrinang ito upang
buuin ang kanyang teyolohiya ng kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya
(justification by faith).
Hindi umaasa ng kaligtasan ang mga
Kristiyano mula sa karunungan, pagsunod sa batas (na nagbabalewala sa krus, Gal
5:11; 1 Cor 1:17), atbp, kundi naniniwala sila sa pagpapatawad na malayang
dulot ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng katubusang dulot ni Kristo Hesus (Rom
3:24)
Madalas ipahayag ni Pablo ang kapangyarihan
ng krus, gamit ang iba’t-ibang modelo upang ipaliwanag ang misteryong ito.
Minsan kuntento siyang ipaliwanag
ito gamit ang paraang masasabing “mythical” (higit sa pangkaraniwang nadarama)
na may kasamang elemento ng espasyo at ng panahon o oras: halimbawa, na si
Hesus na namatay at muling nabuhay ay nakatayo sa kanan ng Diyos at nagdarasal
para sa atin (Rom 8:34)
Sa ibang pagkakataon, gumagamit
si Pablo ng kaisipang gamit sa daigdig ng mga Hudyo-Griyego upang bigyang linaw
ang kapangyarihan ng krus.
Mga pamamaraan ni Pablo – 3 modelo
a. modelo ng batas
Ang Diyos ay tagapagtangkilik na
nagbubuhos ng pantubos upang palayain ang alipin
Pinalalaya ng Diyos ang sangkatauhan
mula sa pagka-alipin ng batas, kamatayan at kasalanan sa pamamagitan ng
kamatayan ni Kristo (Gal 4.4; Gal 3.13; 2 Cor 5.21; Col. 2.14; Tit 2.14 also 1
Pet 1:18)
Ang katubusan ay iniaalay sa Diyos,
na kumakatawan sa mga kapangyarihang lumulupig sa tao; minsan hindi mahalaga
kung magkano ang pantubos, at ang pagliligtas o pagtubos ay halos katumbas na
ng simpleng pagpapalaya.
Sapat na sabihing sa pangyayari
ng kamatayan ni Hesus matatagpuan ang pagsasama ng 2 mahahalagang tema upang
unawain ang misteryo ng kaligtasan para sa isang Kristiyano – ang biyaya at ang
paghuhukom
Dapat tandaang ang “pagbabayad-puri”
na madalas gamitin sa paliwanag kaugnay ng krus ay wala sa Bibliya
b. isa pang modelo – mga rito ng sakripisyo sa
Lumang Tipan para sa pagpapatawad ng sala
Ang pagkamatay ni Kristo sa krus
ay “kasangkapan ng paglilinis” na nagpapakilala ng katapatan ng Ama sa balak na
kaligtasan (Rom 3.25), isang mabangong sakripisyo na alay sa atin para sa Ama
(Ephes 5.2)
Sa Ebreo 9.1-10, ang tema ay
napalago. Si Kristo ang punong pari, sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay pumasok
sa makalangit na santuwaryo, at nagbukas ng pinto para sa ating lahat (4.16,
6.19).
Tandaan na ang kamatayan ni Hesus
ay hindi eksklusibong napapasailalim sa mga sakripisyo ng Lumang Tipan. Ito ay
hindi lamang rituwal na panay sagisag, anino, o larawan ng bagong katotohanan.
Sa halip, nalalampasan nito ang lahat
ng batas ng rituwal, kung saan ang pagpapakasakit ni Kristo ay siyang bagong
sistema, ang tanging kundisyon para ipahayag ang pagka-Anak at pagka-masunurin
ni Kristo.
k.
huling modelo: ang pagkakaisa ng Kristiyano at ni Kristo, kung saan ang pangyayari
ng Paskuwa ay mahiwagang nagaganap sa buhay ng indibidwal na Kristiyano.
Sa katunayan, ang mga tagasunod
ay nalilibing kasama ni Kristo sa binyag at nabubuhay mag-uli sa pamamagitan ng
pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay buhay sa mga namatay (Col
2:12)
Naipako kasama ni Kristo, hindi
na sila nabubuhay sa sarili kundi si Kristo ang nabubuhay sa kanila, Gal 2.20
Kaya nga ang doktina ng krus, na
isang daan tungo sa kaluwalhatian ni Hesus (Phil 2.5-11, Ebreo 1.3), ay lapat
din sa katubusan ng lahat ng tao. Makikita
ito sa Ebreo (2.9;5.7-9; 12.2)
May ilang katanungang kaugnay sa
paliwanag ni Pablo sa krus:
Hindi malinaw kung iniuugnay ng
apostol sa kalunus-lunos na kamatayan ni Hesus (ipinahahayag sa mga salitang
krus, kahihiyan, dugo) ang gampaning pagliligtas na kakaiba sa ibang yugto ng
buhay ni Hesus, o kung ipinakikita lamang nitong kamatayan at paghihirap, ang isang
sangkap ng buhay ni Hesus na palagi nang kasama ng kanyang buong buhay.
Hindi maaaring matiyak kung
hanggang saan mahahanap sa mismong mga salita ni Hesus ang interpretasyon
tungkol sa mapaglitas na gampanin ng krus, o kung ito ba ay ambag na lamang ng
pang-unawa na dala ng teyolohiyang Hudyo tungkol sa epekto ng kamatayan ng
matuwid at iyong pang-unawang Griyego naman ukol sa soter (tagapagligtas).
Hindi naman mahalaga ang mga
tanong dogmatiko o doctrinal. Ang pananampalataya sa katotohanan ng paliwanag
ni Pablo sa mga pangyayaring pam-Paskuwa ay hindi batay sa eksaktong kasaysayan
kundi sa pagbubunyag at inspirasyon ng Diyos na siyang patunay sa katotohanan
ng kanyang teyolohiya o aral.
Hindi rin malinaw ang kaugnayan
ng aral ni Pablo sa krus at ng iba pang susunod na kaisipan o pagpapaliwanag na
nagnanais saliksikin ang kamatayan ni Kristo na nagpapalaya at nagdadala ng
kaligtasan.
Sinasabing ang mga paliwanag ni
Anselmo at Luther atbp, ay hindi mahahango lamang sa mga turo ni Pablo. Malinaw
na ang teyolohiya ng mga darating na panahon ay naisalin mula kay Pablo sa
tulong ng mga pangungusap na halaw sa mga sistema at konseptong hindi batid ni
Pablo, at sa halip ay halaw na sa mga kultura at kapaligiran ng mga susunod na
henerasyon.
Ang tanong ay hindi kung ang teyolohiya ng mga scholastics ang
siyang tanging pagpapayabong ng mensahe ni Pablo kundi higit sa lahat kung ito
ay isang makasaysayang pagpapatuloy ng katotohahan sa pagitan ng mensahe ng
krus sa Bagong Tipan at ng mga lehitimo at posibleng pagpapaliwanat at
pagpapalawak.