LINGGO NG PAGKABUHAY 2018 B
-->
ANG NAGMAMAHAL ANG
NAKAKAKITA
Ang Linggo ng Pagkabuhay ay
panahon ng mga kuwento ng mga taong nakakita sa Panginoong Muling Nabuhay. Kahit
ang daming nakakita kay Hesus mula sa pagpasok sa Jerusalem hanggang sa
kamatayan sa krus, hindi lahat ng nakahalubilo niya doon ay nakatagpo niya sa
kanyang Pagkabuhay.
Sa simula, maging ang mga kasama
ni Hesus sa buhay at paglilingkod, at mga sumubaybay sa kanya hanggang sa krus,
ay nahirapan ding makita siya sa kanyang kaluwalhatian. Akala ni Maria
Magdalena ay hardinero ang kausap niya. Pero nang magsalita at tawagin siya ng
Panginoon sa pangalan, lumukso ang puso niya at bumalik ang ala-ala ng mga araw
na kasama at sumusunod siya sa Panginoon, ang mga sandali sa tapat ng krus, pati
ang pag-aayos niya ng bangkay niya. Ang tinig ni Hesus ang nagsindi muli ng
pag-ibig sa kanyang puso at noon din nakita niyang malinaw ang Panginoon.
Si Juan ang minamahal na alagad
ay may mahalagang gampanin din sa Pagkabuhay. Hindi niya rin nakita agad ang
Panginoon. Pero habang nagmamatyag siya sa libingan nakita niya ang mga tela at
kayong pambalot at siya ay naniwala. Sa Bibliya, ang maniwala ay kaugnay ng
magmahal. Pag naniwala ka, ibig sabihin ay nagmamahal, nagpapahalaga at
nagtitiwala ka. Ang pag-ibig ni Juan sa Panginoon ang nagpaningas ng
pananampalataya niya sa kahulugan ng libingang walang laman. Naalala niya ang
mga salita ng Panginoon, ang mga pangako, at higit sa lahat, ang malapit na
ugnayan nila. Ang pag-ibig sa puso niya ang nagsabi sa kanyang maniwala: Wala
na dito ang Panginoon, dahil muli siyang nabuhay!
Minsan tayo’y nagtatanong: bakit
hindi napakita si Hesus sa mga Pariseo, mga lider Hudyo, kay Pilato at sa mga
kawal? Baka bigla silang manampalataya at magbago at maging mga alagad din. Pero
kung walang pag-ibig, hindi maaaring makita ang Panginoong Nabuhay Muli.
Makikita siguro, pero puno ng pagdududa, puno ng alinlangan. Nakikita ng mga
Katoliko ang Eukaristiya at sabi natin: Iyan talaga si Hesus! Nakikita rin ito
ng iba at ang sabi nila: tinapay na walang lasa lang iyan!
Bilang mga Kristiyano, hindi
natin nakikita harapan ang Panginoon ditto sa lupa subalit dahil sa pag-ibig,
nagagalak na tayo sa mga maliliit na tanda ng kanyang pagmamahal sa paligid
natin. Nakikita natin siya sa munting mga tagumpay, sa maliliit na kabutihang
tinatamasa, sa butil ng mga himalang nagaganap araw-araw. Ang Pagkabuhay ay may
saysay sa mga nagmamahal sa Panginoon dahil sa pamamagitan ng pag-ibig nagiging
kasama natin siya kahit malayo o malabo sa ating mga mata.
Ngayon ang Pasko ng Pagkabuhay! Ngayon
natin nakikita ang Panginoon sa tulong ng pagmamahal. Buksan natin ang ating
mga mata upang madama ang pagmamahal ng Diyos na kumikilos maging sa mga
maliliit na bagay. Kapag naramdaman natin ang kanyang pag-ibig sa ating puso
kaya nating ipahayag sa iba na tunay nga siya ang matagumpay laban sa kasalanan
at kamatayan.