LINGGO NG PALASPAS B

-->
PAGPAPAKASAKIT BILANG PASYA





Ngayong Mahal na Araw, hindi mapigilang itanong sa pagmumuni-muni natin sa harap ng Krus: bakit kailangan po kayong maghirap at mamatay, Panginoong Hesus? Ayon sa tradisyon natin, nasaktan ang Diyos sa kasalanan at nais niyang hanguin tayo dito. Subalit kailangan niya ng biktimang magdadala at magbabayad sa Diyos. Ang Panginoong Hesus lamang ang maaaring makagawa nito dahil siya lang ang may kapangyarihan at halagang walang hanggan sa harap ng Ama. May punto, tama, pero tila hindi maganda ang epekto sa ating kaisipan: sinong ama baa ng maghahangad ng kamatayan ng anak? Hindi ba ayon kay Hesus, ang kanyang Ama ay mabuti?



Maaari nating tingnan ang pagpapakasakit ni Hesus sa mas bago at sariwang paraan. Ayon sa mga guro ng pananampalataya, hindi ang Diyos ang naghangad magkaroon ng biktima. Tayo ang lagng naghahangad ng biktima. Ang lipunan ay naghahanap ng maaaring pagbintangan, sisihin at kamuhian. Laging may mga taong iniiwasan at ipinupuwera – yung mga dayo, migrante, adik, lgbt, walang pinag-aralan, may kapansanan, atbp.



Malayang inako ni Hesus ang maging biktima upang ipamukha sa atin ang ating ugaling marahas at isip na makapamuhi. Niyakap niya ang tadhana ng pasakit at kamatayan hindi dahil gusto niya ito kundi upang wakasan ito at baguhin tayo. Ang sinaunang pilosopo na si Plauto ang nagsabi daw: homo homini lupus – ang tao ay tila mabangis na aso sa kapwa tao. Di ba minsan nga mas mabangis pa ang tao kaysa sa mga hayop? Pinasok ni Hesus ang kuta ng mga mabangis na aso hindi upang maluray siya doon kundi upang maging pinuno nila sa daaan ng pagkakasundo at kapayapaan.





Inilalarawan ng mga pagbasa ang pasya ng Panginoon na akuin ang krus na may katatagan at pag-ibig para sa atin. Sinasabi ni Isaias (50) na buong pusong ininda ng Mesiyas ang hirap dahil alam niyang kasama niya ang Diyos at hindi siya iiwanan. Sinasabi ni San Pablo sa Filipos 2 na ang Panginoon ay malayang naghubad ng kanyang karangalan, nagpakababa at sumunod sa Ama. Kahit na humantong ito sa kamatayan, nagdala din ito ng pagsamba ng sangkatauhan at luwalhat ng Diyos Ama.



Maraming mga tao ngayon ang naghihirap hindi dahil gusto nila. Ito ay dahil, tulad ni Hesus, sila din ay may layunin para sa kapwa. Kabahagi si Hesus ng mga hangarin ng mga OFW natin, ng mga misyonero sa malayong lugar, ng kapamilya nating tutok sap ag-aalaga sa maysakit, matanda o bata sa bahay, mga manggagawa mula sa probinsya na lumuluwas sa lungsod. Siguro tayo din ay naghihirap ngayon dahil sa ating matimyas na pag-aalala sa mga mahal sa buhay. Hindi tayo nag-iisa. Habang pasan ang ating krus, nagpapalakas-loob din sa atin ang pangako ng Panginoong Hesus na tagumpay, kagalingan at bagong buhay!


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS