MAKAPANGYARIHANG NOBENA NG BANAL NA BALABAL NI SAN JOSE (THE HOLY CLOAK OF ST. JOSEPH)
PALIWANAG:
Ang nobena sa karangalan ng
Balabal ni San Jose (ang balabal o "cloak" sa Ingles ay tanda ng kanyang proteksyon, paglingap at pagtulong sa mga
deboto sa kanya) ay isang natatanging paraan upang makamtan ang pamamatnubay ng
dakilang si San Jose at upang parangalan din siya.
Darasalin ito nang sunud-sunod na
30 araw bilang paggunita sa 30 taon na kapiling ni San Jose ang ating
Panginoong Hesukristo, ang Anak ng Diyos. Kung dahil sa anumang kadahilanan ay may
araw na malaktawan o maliban, maaaring bumawi sa pamamagitan ng ilan mang beses
na pagdarasal ng nalaktawang araw or mga araw sa susunod na panahong maaari na
muling ituloy ito.
Ang kahanga-hangang mga biyayang
nakakamit sa panalanging ito ay hindi mabilang. Sa katunayan, ayon kay Sta.
Teresa ng Avila – “Kung talagang nais ninyong maniwala dito, patunayan iyan sa
pagdarasal ng nobena, at ikaw ay tiyak na mapapaniwala.”
Upang lalong matulungan sa
pagtanggap ng kahilingan, makabubuting mangako ng isang handog para sa
pagpapalaganap ng debosyon kay San Jose. Mabuti rin kung mag-aalay ng
panalangin para sa mga Kaluluwa sa Purgatoryo.
Tulad ng ating malasakit upang
pawiin ang mga luha ng mga kaluluwang naghihirap, gayun din, papawiin ni San
Jose ang mga luha ng ating pangangailangan. Sa paraang ito, ang Banal na
Balabal ni San Jose ay ilalambong sa atin at magsisilbing kalasag laban sa mga
panganib na kinakaharap natin upang balang araw, sa biyaya ng Diyos, marating
natin ang mga pintuan ng kaligtasan.
Batiin nawa tayo ni San Jose ng
matimyas na ngiti at basbasan tayo.
MGA PANALANGIN SA NOBENA SA KARANGALAN NG BANAL NA BALABAL NI SAN JOSE
Sa ngalang ng Ama, at ng Anak, at
ng Espiritu Santo. Amen.
Hesus, Maria at Jose, sa inyo ang
puso ko’t kaluluwa. (sundan ng 3 Luwalhati
sa Ama…, bilang pasasalamat sa Santissima Trinidad sa pagbibigay kay San
Jose ng mataas na katungkulan at karangalan.)
A.
PAG-AALAY
I
O maluwalhating Patriarka (ama)
San Jose, pakumbabang naninikluhod ako sa iyo. Nagsusumamo ako sa Panginoong
Hesus, sa iyong Kalinis-linisang Kabiyak ng puso, ang Mahal na Birheng Maria,
at ang mga anghel at mga santo sa kalangitan, upang samahan ako sa aking
debosyon. Iniaalay ko sa iyo ang mahalagang balabal na ito, habang nangangako
ng aking pananalig at pagmamahal. Nangangako akong gagawin ang lahat sa aking
kapangyarihan na pararangalan ka sa aking buong buhay upang patunayan ang aking
pagsuyol sa iyo.
Tulungan mo ako, San Jose.
Alalayan mo ako ngayon at sa buong buhay, lalo na sa sandali ng aking
kamatayan, tulad ng ginawa sa iyo ni Hesus at Maria, upang makapiling kita
balang araw sa langit at doon ay parangalan ka magpakailanman. Amen.
II
O
maluwalhating Patriarka San Jose, naninikluhod sa harap mo at ng iyong
Banal na Anak, si Hesus, iniaalay ko sa iyo, lakip ang buong pusong debosyon,
ang mahalagang kabang-yaman ng panalangin, taglay sa isip ang marami mong
mabubuting katangian. Sa iyo, O maluwalhating Patriarka, natupad ang panaginip
ng sinaunang Jose, na tila ipinadala ng Diyos sa lupa upang ihanda ang iyong
pagdating. Sa katunayan, hindi lamang ikaw napapalibutan ng maningning na sinag
ng araw na si Hesus, kundi marangya ding nababanaagan ka sa maliwanag na buwan,
ang Mahal na Birheng Maria. O maluwalhating Patriarka, kung ang halimbawa ni
Jacob na siyang dumalaw sa kanyang itinatanging anak na itinanghal sa Ehipto,
ang nagdala sa buo niyang angkan doon, hindi kaya lalong ang halimbawa ni Hesus
at Maria, na nagparangal sa iyo na may lubhang paggalang at tiwala, ang siyang
magdala naman sa akin, ang iyong abang lingkod, upang maghandog sa iyo nitong
mahalagang balabal bilang pagpaparangal? Itulot mo, O dakilang San Jose, na
gawaran ako ng mahabaging sulyap ng Makapangyarihang Diyos. Kung paanong hindi
itinakwil ng sinaunang Jose ang mga kapatid niyang malulupit sa kanya at sa
halip tinanggap silang may pagmamahal at pagkalinga at iniligtas pa sa gutom at
kamatayan – nagsusumamo ako, O maluwalhating Patriarka, sa pamamagitan mo,
huwag nawa akong pabayaan ng Panginoon dito sa lupang bayang kahapis-hapis. Itulot
mong ituring ako ng Diyos na isa sa iyong mga lingkod na nananahan sa lilim ng
iyong banal na balabal. Palagi nawa akong mabuhay sa iyong pangangalaga, sa
lahat ng araw ng aking buhay at sa sandali ng aking huling hininga.
B.
MGA
PANALANGIN
I
Aba, O maluwalhating San Jose,
ikaw ang pinagtiwalaan ng walang kapantay na yaman ng langit at lupa at
ama-amahan ng mismong nangangalaga sa lahat ng nilalang. Ikaw, kasunod ni
Maria, ang santo na higit na karapat-dapat sa aming pagmamahal at debosyon. Ikaw
lamang, higit sa lahat ng mga santo, ang pinili para sa mataas na karangalan na
magpalaki, gumabay, mangalaga at yumakap pa sa Mesiyas, na siyang hangad
masulyapan ng mga hari at propeta.
San Jose, iligtas mo ang aking
kaluluwa at kamtin para sa akin mula sa dakilang awa ng Diyos ang kahilingang
ipinagdarasal ko.
At para sa mga banal na kaluluwa
sa Purgatoryo, pagkalooban mo sila ng kaluwagan at lunas sa kanilang mga
pagdurusa. (sundan ng 3 Luwalhati sa Ama…)
II
O makapangyarihang San Jose,
ipinahayag kang Patron ng pandaigdigang simbahan, kaya nga, tumatawag ako sa
iyo, higit sa lahat ng mga santo, bilang ang pinakadakilang tagapagtanggol ng
mga nabibigatan, at nag-aalay ako sa iyong pusong mapagbigay, laging handang tumulong
sa anumang pangangailangan.
Sa iyo, O maluwalhating San Jose,
lumalapit ang mga balo, ulila, iniwan, nabibigatan at naaapi. Walang anumang
dalamhati, hinagpis o kapaitan ang hindi mo kayang lunasan. Naisin mo, dalangin
ko, na gamitin mo para sa akin lahat ng kaloob ng Diyos sa iyo, hanggang ako
din ay makasumpong ng tugon sa aking mga kahilingan.
At kayo, mga banal na kaluluwa sa
Purgatoryo, ipanalangin ninyo ako kay San Jose. (sundan ng 3 Luwalhati sa Ama…)
III
Hindi mabilang ang mga nauna na
sa aking manalangin sa iyo na tumanggap ng ginhawa at kapayapaan, biyaya at
tugon. Hindi mapahinga ang aking pusong malungkot at nagdurusa, sa gitna ng
pagsubok na ito na aking kinakaharap. O dakilang San Jose, batid mo ang lahat
ng aking pangangailangan bago pa man ako magdasal. Alam mo kung gaano kahalaga
sa akin ang kahilingan ito. Naninikluhod ako habang humihikbi sa bigat ng
suliranin. Wala akong malapitan upang ibahagi ang aking pagdurusa; at kung
mayroon man akong masumpungang malalapitan, tiyak akong hindi niya ako lubos na
matutulungan. Ikaw lamang ang makatutulong sa aking pagdurusa, San Jose, at
nagmamakaawa akong dinggin mo ako. Hindi ba’t naisulat ni Santa Teresa sa isa
niyang liham – malaman nawa ng buong mundo “anuman ang hiingin ninyo kay San
Jose, ito ay inyong makakamtan.”
O San Jose, tagapagpalubag ng mga
nabibigatan, mahabag ka sa aking pagdurusa a sa mga kaawa-awang kaluluwa na sa
iyo umaasa at nananalangin. (sundan ng 3 Luwalhati
sa Ama…)
IV
O mabunying Patriarka San Jose,
dala ng iyong ganap na pagtalima sa Diyos, magdalang-awa ka sa akin.
Dala ng kabanalang ng iyong
buhay, puno ng biyaya at lugod, pakinggan mo ako.
Dala ng matamis mong pangalan,
tulungan mo ako.
Dala ng iyong mapagbigay na puso,
alalayan mo ako.
Dala ng iyong mga banal na luha,
paginhawahin mo ako.
Dala ng iyong pitong dusa,
mahabag ka sa akin.
Dala ng iyong pitong kalagalakan,
aliwin mo ako.
Mula sa lahat ng pinsala sa
katawan at kaluluwa, iadya mo ako.
Mula sa lahat ng panganib at
sakuna, iligtas mo ako.
Alalayan mo ako ng iyong
makapangyarihang panalangin at kamtim para sa akin, sa tulong ng iyong
kapangyarihan at awa, lahat ng kinakailangan para sa aking kaligtasan, lalo na ang
inilalapit kong tulong na kailangang-kailangan ko ngayon. (sundan ng 3 Luwalhati sa Ama…)
V
O maluwalhating San Jose, hindi mabilang ang mga biyaya at tugon sa panalangin na kinamtan mo para sa mga nabibigatang kaluluwa. Anumang karamdaman, sinumang naaapi, tinutuligsa, pinagtaksilan, pinagkaitan ng kaluwagan at lugod, maging ang mga nangailangan ng kanilang kakainin sa araw-araw – lahat ng lumuhog sa iyong makapangyarihang panalangin ay binigyang lunas mo sa gitna ng kanilang kahirapan.
O maluwalhating San Jose, hindi mabilang ang mga biyaya at tugon sa panalangin na kinamtan mo para sa mga nabibigatang kaluluwa. Anumang karamdaman, sinumang naaapi, tinutuligsa, pinagtaksilan, pinagkaitan ng kaluwagan at lugod, maging ang mga nangailangan ng kanilang kakainin sa araw-araw – lahat ng lumuhog sa iyong makapangyarihang panalangin ay binigyang lunas mo sa gitna ng kanilang kahirapan.
Huwag mong itulot, O
pinakamamahal na San Jose, na ako lamang ang kaisa-isang lumapit sa iyo na
pagkakaitan mo sa aking pakumbabang pagsusumamo. Ipakita mo sa akin ang iyong
kagandahang-loob at pagka-mapagbigay, upang maipahayag ko na may pasasalamat “Luwalhating
walang hanggan sa iyo Banal na Patriarka San Jose, aking tagapangalaga sa lupa
at tagapagtanggol ng mga banal na kaluluwa sa Purgatoryo.” (sundan ng 3 Luwalhati sa Ama…)
VI
Diyos Amang nasa langit, sa
pamamagitan ng bukal ng biyaya ni Hesus at Maria, hinihingi kong ipagkaloob ang
aking kahilingan. Sa ngalan ni Hesus at Maria, naninikluhod ako sa iyong
harapan at nagmamakaawang tanggapin ang aking pagsusumamong puno ng pag-asa na
patuloy na magsumikap sa pananalangin upang mapabilang ako sa madlang nabubuhay
sa lilim ng patnubay ni San Jose. Iunat mo sa aking ang pagbabasbas sa lubhang
mahalagang mga panalangin na ngayon ay iniaalay ko sa kanya bilang tanda ng
aking debosyon. (sundan ng 3 Luwalhati sa
Ama…)
K. MGA PAGSUSUMAMO SA KARANGALAN NG BUHAY
NI SAN JOSE SA PILING NI HESUS AT MARIA
San Jose, ipagkaloob mong pumasok
si Hesus sa aking puso at pabanalin ako.
San Jose, ipagkaloob mong pumasok
si Hesus sa aking puso at akayin akong magmahal.
San Jose, ipagkaloob mong pumasok
si Hesus sa aking isip at liwanagan ako.
San Jose, ipagkaloob mong gabayan
ni Hesus ang aking kalooban at patatagin ito.
San Jose, ipagkaloob mong ituwid
ni Hesus ang aking mga kaisipan at padalisayin ito.
San Jose, ipagkaloob mong gabayan
ni Hesus ang aking mga naisin at ituwid ito.
San Jose, ipagkaloob mong masdan
ni Hesus ang aking mga gawain at basbasan niya.
San Jose, ipagkaloob mong pag-alabain
ako ni Hesus sa pagmamahal sa kanya.
San Jose, kamtin mo mula kay Hesus na matularan ko ang iyong kabutihan.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na magkaroon ako ng tunay na kababaang-loob.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na maging maamo ang aking puso
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang kapayapaan ng aking kaluluwa.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na magkaroon ako ng banal na pagkatakot.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na asamin ko ang kabanalan.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na maging banayad ang aking pagkatao.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na ang puso ko’y maging dalisay at mapagbigay.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na taglayin ko ang banal na pagtanggap sa paghihirap.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na magkaroon ako ng marunong na pananampalataya.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang pagpapalang magsumikap ako sa paggawa ng mabuti.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang lakas upang pasanin ang aking mga krus sa buhay.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus na hindi mapako ang puso ko sa mga materyal na bagay.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang biyayang makalakad ako sa makipot na landas tungkol langit.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang biyayang lumayo sa mga magdadala sa kasalanan.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang banal na pagnanasa sa kalangitan.
San Jose, kamtim mo mula kay
Hesus ang biyaya ng banal na pagsisikap hanggang kamatayan.
San Jose, huwag mo akong
pabayaan.
San Jose, itulot mong ang puso ko
ay huwag magsawang mahalin ka at ang labi ko ay laging purihin ka.
San Jose, dala ng iyong pagmamahal
kay Hesus, ipagkaloob mong matutunan kong mahalin din siya.
San Jose, malugod na tanggapin mo
ako bilang iyong tapat na lingkod.
San Jose, ibinibigay ko sa iyo ang
aking sarili; tanggapin mo ang aking pagsusumamo at dinggin ang aking mga
panalangin.
San Jose, huwag mo akong pabayaan
sa oras ng kamatayan.
Hesus, Maria at Jose, sa inyo ang
aking puso at kaluluwa.
(sundan ng 3 Luwalhati sa Ama…)
D. MGA PAGTAWAG KAY SAN JOSE
I
Alalahanin mo, O malinis na
kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria, aking tagapangalaga San Jose, na
kailanman ay hindi narinig na sinumang humingi ng iyong pangangalaga at ng
iyong panalangin, ay nabigo. Lakas-loob akong naninikluhod sa iyo at marubdob
na humihiling ng iyong panalangin para sa akin. O ama-amahan ng aming minamahal
na Tagapagligtas, huwag mong siphayuin ang aking kahilingan, bagkus sa iyong
awa, dinggin at tugunin mo ako. Amen.
II
Maluwalhating San Jose, kabiyak
ng puso ng Mahal na Birheng Maria at malinis na ama-amahan ni Hesus, masdan mo
ako at bantayan; dalhin mo ako sa landas ng biyayang nagpapabanal; dinggin ang mahalagang
pangangailangang na hinihiling kong balutin mo sa lilim ng iyong maka-amang
balabal.
Alisin mo ang mga hadlang at
balakid sa aking panalangin at ipagkaloob mo ang maligayang tugon sa aking
kahilingan upang mapaglingkuran ko ang higit na dakilang kaluwalhatian ng Diyos
at ang aking kaligtasan.
Bilang tanda ng aking
walang-patid na pasasalamat, nangangako akong ibabalita ang iyong kaluwalhatian
habang nagpapasalamat sa Panginoon sa pagbabasbas niya sa iyo ng kapangyarihan
at lakas sa langit at sa lupa.
E.
LITANYA
KAY SAN JOSE
Panginoon, kaawaan mo kami
Kristo, kaawaan mo kami
Panginoon, kaawaan mo kami
Kristo, pakinggan mo kami
Kristo, pakapakinggan mo kami
(itutugon: kaawaan mo kami)
Diyos Ama sa langit
Diyos Anak, Manunubos ng daigdig
Diyos Espiritu Santo
(itutugon: ipanalangin mo kami)
Santa Maria
San Jose
Pinagpalang anak ni David
Liwanag ng mga Patriarka
Kabiyak ng puso ng Ina ng Diyos
Malinis na tagapangalaga ng Mahal
na Birheng Maria
Tagapag-alaga sa Anak ng Diyos
Tagapagtanggol kay Kristo
Pinuno ng Banal na Mag-anak
O San Jose, lubhang tapat
O San Jose, lubhang malinis ang puso
O San Jose, lubhang tama sa
pagkilos
O San Jose, lubhang
makapangyarihan
O San Jose, lubhang masunurin
O San Jose, lubhang matapat
Salamin ng Pagtitiyaga
Mapagmahal sa pagdaralita
Huwaran ng mga manggagawa
Ama ng tahanan
Tagapagtanggol ng mga birhen
Lakas ng pamilya
Tagapagpanatag ng nabibigatan
Pag-asa ng maysakit
Pintakasi ng mga namamatay
Sindak ng mga demonyo
Tagapangalaga ng simbahan
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng
mga kasalanan ng sanlibutan, patawarin mo kami, O Panginoon
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng
mga kasalanan ng sanlibutan, dinggin mo kami, O Panginoon
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng
mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.
Manalangin tayo:
Panginoong Hesus, sa pamamagitan
ng mga kabutihan ng tapat na kabiyak sa pusong iyong mahal na Ina, tulungan mo
kami, hiling naming, na anumang hindi naming makayanang kamtin sa sariling
lakas, ay pagkalooban ng pananalangin ng lubhang banal na Patriarka, San Jose. Ikaw
na naghahari kasama ng Diyos Ama, sa pagkakaisa ng Espiritu Santo, ngayon at
magpasawalang hanggan. Amen.
G. PANGWAKAS
NA PANALANGIN NG BANAL NA BALABAL NI SAN JOSE
O maluwalhating Patriarka, San
Jose, ikaw na pinili ng Diyos higit sa lahat ng tao upang maging pinuno sa lupa
ng pinakabanal na pamilya, nagsusumamo ako sa iyong tanggapin ako sa lilim ng
iyong banal na balabal, nang maging tagapangalaga at katiwala ka ng aking
kaluluwa.
Mula sa sandaling ito, pinipili
kitang ama, tagapangalaga, tagapayo, pintakasi, at hinihiling kong ilagay mo sa
iyong kandili ang aking katawan, kaluluwa, ang buong kong pagkatao, lahat ng
aking pag-aari, ang buhay ko at kamatayan.
Tunghayan mo ako bilang isa sa
iyong mga anak; ipagtanggol mo ako sa kataksilan ng aking mga kaaway, nakikita
man o hindi; tulungan mo ako sa lahat ng sandali sa aking mga pangangailangan;
aluin mo sa kapaitan ng aking buhay, at lalo na sa sandali ng kamatayan. Sambitin mo lamang ang isang salita para sa
akin sa Dakilang Mananakop na pinagindapat na yakapin mo sa iyong mga bisig, at sa Mahal na Birheng Maria, na iyong
dalisay na kabiyak ng puso. Ipagkaloob mo sa akin ang mga pagpapalang magdadala
sa akin sa kaligtasan. Isama mo ako sa piling ng mga lubhang nagmamahal sa iyo
at sisikapin kong patunayang karapat-dapat din ako sa iyong pagkalinga. Amen.
ISINALIN SA TAGALOG NG "OURPARISHPRIEST" BLOG
MULA SA CASA EDITRICE, PIA UNIONE DEL TRANSITO DI SAN GIUSEPPE (SAN GIUSEPPE AL TRIONFALE, ROMA)
ISINALIN SA TAGALOG NG "OURPARISHPRIEST" BLOG
MULA SA CASA EDITRICE, PIA UNIONE DEL TRANSITO DI SAN GIUSEPPE (SAN GIUSEPPE AL TRIONFALE, ROMA)