IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA B
ANG MANIWALA SA SALITA NIYA
Nang dakpin ang Panginoong Hesus, isa sa mga bintang sa kanya ay ang kanya daw pagsasabing kapag giniba ang Templo, itatayo niya ito sa loob ng tatlong araw lamang. Ang Templo, para sa mga Hudyo, ang pinakamahalagang gusali. Ito ang taluktok ng pananahan ng Diyos sa mundo at ang kanyang natatanging lugar tagpuan sa kanyang bayan. Apatnapung taon bago ito naitayo, kaya sino nga ba ang mapangahas na magsasabing itatayo ito sa loob ng tatlong araw lamang?
Siyempre, ang tinutukoy naman ng Panginoon ay ang tunay na Templo, ang kanyang Katawan. Sa kamatayan, mawawasak nga ito pero sa Pagkabuhay, matapos ang tatlong araw, itatayo muli ito! Nang sabihin ito ni Hesus, hindi agad nahagip ng pang-unawa ng mga alagad. Sabi sa Mabuting Balita, naniwala sila matapos na siya ay muling nabuhay na. naniwala sila noong nagkatotoo na ang mga sinabi ni Hesus.
Higit sa propeta si Hesus. Siya ang mismong Salita ng Ama, ang huling Salita ng Diyos para sa sangkatauhan. Hindi siya taga-ganap lamang ng utos ng Diyos. Ang kanyang buhay, ang kabuuan nito, ay ang kilos ng Diyos sa mundo. Subalit lubhang babad ang mga alagad sa kanya kaya hindi agad sila makapaniwala. Kailangan pang lumipas ang ilang panahon, matapos ang Pagkabuhay, bago magningas ang pananampalataya. Kaya ang tawag sa pananampalataya ng mga alagad ay “Resurrection” o “Easter faith” kasi nagsimula matapos masaksihan si Kristong muling nabuhay.
Habang naglalakbay tayo sa Kuwaresma, talaga nga bang masasabing mong nananampalataya ka kay Hesus? Naniniwala ka ba kapag sinabi niyang pinatatawad ka niya… tutulungan at pagagalingin ka niya… iaadya ka niya sa masama at pagpapalain… gagabayan ka sa gitna ng unos at pangangalagaan?
Ang Kuwaresma ay panahon upang maniwalang muli kay Hesus. Ito ang hilingin nating biyaya, ang tunay at matibay na pananampalataya sa Panginoon sa ating buhay. (paki-share sa kaibigan. Salamat po sa internet sa photo sa itaas)
Comments