LINGGO NG PALASPAS NG PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON
KUMAKAWAY ANG PAG-ASA
Pumapasok tayo ngayon sa espirituwal na karanasan ng isang napakalaking palaisipan sa kasaysayan – ang paghihirap at kamatayan ng ating Panginoong Hesukristo. Makulimlim ang paligid dahil madinig man o mabasa ang salaysay ng pagpapakasakit niya, tayo ay kinikilabutan. Malungkot na pangyayari, mahirap tanggapin. Maaaring magtunog na walang galang sa tainga ng mga konserbatibo, pero ngayon ang paggunita natin sa “pagkabigo” ni Hesus.
May misyon si Hesus sa kasaysayan. Atas ng Diyos sa kanya na tipunin ang kanyang bayan at ibalik sila mula sa relihyong panlabas tungo sa relihyon ng puso – isang karanasan ng palitan ng pagmamahalan ng Diyos at tao. Pero nabigo siya. Hindi nakinig ang lahat. Hindi rin sumunod ang lahat. Maraming hindi pumansin kundi nagnais pang patahimikin siya. Sa katunayan, pinatay nila ang tinig na tumatawag para sa kanilang pagbabago.
Si Hesus ang modelo natin sa pagtanggap ng kabiguan. Lahat ng tao babagsak. Lahat ng sistema ng mundo papalya. Ang mundo ay puno ng kuwento ng pagbagsak higit pa sa kuwento ng tagumpay. Nakita ito ni Hesus. Siya mismo ang nagsabing ang Israel ay tila mga kitik o sisiw na ayaw sumilong sa pakpak ng inahing manok (Lk 13:43). Siya ang nagpahayag ng kanyang sariling pagdurusa at kamatayan sa kamay ng mga pinuno (Mk 8-10).
Subalit para kay Hesus, ang kabiguan ng tao ay hindi huling salita. Maaaring bahagi ng buhay pero hindi siya susuko lamang dito bilang sukdulang karanasan. Sa halip, ang pagbagsak ay tulay tungo sa pag-asa. Kung hindi makikinig ang mga Hudyo, makikinig naman ang mga Hentil. Kung hindi magbabalik-loob ang Israel, lalapit naman sa Ama ang buong daigdig. Kahit ang krus man ay panandaliang paghahanda lamang sa Pagkabuhay, na siyang mas higit pa sa kamatayan! Iwinaglit ni Hesus ang kanyang buhay upang mabawi ito sa tagumpay at pagtutuwid ng Diyos.
Dalhin natin sa Panginoon ngayong mga Mahal na Araw ang ating personal, pampamilya, pang-negosyo, eskuwela o iba pang kabiguan. Humingi tayo ng biyayang matanggap natin kung saan tayo bumagsak at unti-unting bumangon muli. Higit sa lahat, humiling tayo ng kaloob na pag-asa na maka-aaninag sa darating na luwalhati na handog ng Diyos sa lahat ng sumasampalataya sa kanya.
Comments