DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO (CORPUS CHRISTI) B
KALAYAAN… KAIBIGAN Tanda mo pa ba si Richie Fernando? Nadalaw ko sa Cambodia ang kanyang bantayog. Nadaanan ko rin sa QC ang kanyang puntod, sa sementeryo ng mga Heswita. Para sa akin, isa siyang makabagong bayani ng pananampalataya, isang banal. Pinoy na seminaristang Heswita noon si Richie na naglingkod sa Cambodia kasama ang mga kabataang biktima ng giyera, lalo na ang mga nasabugan ng bomba. Nang ang isang kabataan ay nagwala, nagbanta itong pasasabugin ang mga kaklase sa hawak niyang granada. Agad na nilundag ni Richie ang kabataan upang iligtas ang lahat. Sa katawan ni Richie sumabog ang granada, at dumanak ang dugong Pinoy para sa mga kaibigang Cambodian. Ngayon ay pista ng kalayaan at pagkakaibigan. Tuwing maririnig natin ang “Katawan ni Kristo” di ba madalas iniisip natin Komunyon, sakramento, o simbahan bilang kanyang Katawan? Ang Eukaristiya nga ang dakilang sakramento ng pagkakaisa at pag-ibig. Ang Eukaristiya ang bumubuhay at bumubuo ...