IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY B



HUWAG MAGTABOY



Bagamat maayos, maligaya at maunlad ang buhay may-asawa ng isa sa aking pinsan, matagal na silang walang anak. Minsan gusto, pero minsan takot silang mag-ampon. Matapos ang matagal na paglalaan ng panahon, talakayan, at panalangin, sa wakas nagpasya na sila. Ilang araw ang nakalilipas nang mag-ampon sila at ipakilala nila ang bata sa madla sa pamamagitan ng pagbibinyag. Tiyak na malaking pagbabago ang magaganap sa kanilang pamilya.

Malaking suliranin ang hinaharap ng mga unang Kristiyano. Mga bagong situwasyon. Mga bagong tanong. Isa sa mga problema ay tungkol sa mga kasapi. Sino ba ang tinatawag maging bahagi ng bagong pamayanan ng pananampalataya? Hindi ba dumating si Hesus para iligtas ang mga Hudyo? Pati ba mga Hentil (yung hindi Hudyo) ay maaaring papasukin sa pagkakaisa ng bagong bayan ng Diyos?

Habang nagdarasal si Pedro (Gawa 10) nagpakita ang Diyos ng pangitain, at pagkatapos nito, ay nagbigay ng mahalagang pang-unawa. Itinutulak ng Diyos ang simbahan mula sa makipot na limitasyon patungo sa mas malawak na direksyong patutunguhan. Si Pedro at mga kasama ang dapat mangunang buksan ang trangkahan at patuluyin ang lahat – babae, lalaki, matanda, bata, alipin, malaya, dukha, mayaman, Hudyo at Hentil. Sa pagtanggap kay Cornelio at pamilya nito, niyakap na ni Pedro ang paninindigan na “walang itinatangi ang Diyos” at lahat ng naniniwala ay kapwa tatanggap ng mayamang pagbubuhos ng Espiritu Santo. Sa Pagkabuhay, ang puso ng Diyos ay walang iba kundi isang pusong bukas sa lahat!

Sa mga simbahan ngayon, patuloy ba ang mensahe ng Pagkabuhay tungkol sa pagbubukas-loob at pagtanggap sa kapwa? Maraming mga mahihirap ang pakiramdam na tila hindi napapahalagahan at nabibilang dahil sa kanilang situwasyon. Sa ibang lugar, napapabayaan ang mga kabataan dahil daw maiingay, walang disiplina at tila kalat ang mga ito. Minsan din, ang mga ugali ng mga pinuno sa simbahan ang nagtataboy papalayo sa mga tao dahil sa kayabangan, kasakiman at pagkamakasarili na nadarama ng mga taong lumalapit sa mga namumuno. Kaygandang banggitin ang mga salitang awa at habag pero nasaan na ang pagsasabuhay nito sa pang-araw-araw na buhay ng simbahan ngayon?

Bilang mga miyembro ng simbahan, manalangin tayo at magsumikap na maging tapat sa inspirasyon ni Pedro. Simulan natin sa pamamagitan ng pagsalubong sa mga bagong kasapi, sa pagmamahal sa mga walang lumilingap, at sa pag-aabot ng kamay sa mga taong hindi natin nais lapitan. Tulad natin, sila din, ay itinuring na kaibigan ng Panginoong Hesus, at para sa kanila, inialay niya ang kanyang buhay.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS