ANG PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOONG HESUS
-->
KAILANGANG MANGYARI
ITO
Isang Fil-Am na komedyante and
nakapanayam sa tv tungkol sa saya at sigalot ng kanyang trabaho. Dahil madalas
niyang ginagamit na materyal ang mga kuwento tungkol sa kanyang nanay at anak,
tinanong siya kung hindi ba nagrereklamo ang anak na nadadawit siya sa mga biro
ng ama. Sinabi ng komedyante na walang magagawa ang anak kundi pumayag kung
gusto nitong mag-aral ng kolehiyo, bumili ng sneakers, magkaroon ng budget sa
bakasyon o layaw. Kailangan itong mangyari kahit hindi madali para sa buhay ng
isang bata!
Kung masusunod ang mga alagad,
tiyak ayaw nila umalis pa muli si Hesus. Naranasan na nilang tatlong araw
mawala ang Panginoon at nagulo ang kanilang buhay. Nariyan ang pighati, ang
pagkawala, ang lungkot nang kunin sa kanila ang Panginoon. Ngayong nagbalik
siya bilang Nabuhay at Nagtagumpay, nais nila tiyak na makapiling siya habang
buhay. Bakit maigsi lang ang pagbabalik niya? Bakit hindi na siya puwedeng
maging bahagi ng tropa?
Ang Pag-akyat sa langit ay
mahirap din para sa Panginoon. Oo nga at sabik siyang magbalik sa Ama. Masaya siyang
tapos na ang misyon. Pero dito sa lupa nagkaroon siya ng magandang ugnayan sa
mga taong sumunod sa kanya. Maligaya siya sa kanilang piling. Nalibang siya sa
kanilang mga kuwento. Minahal niya ang kanilang mainit na pagkakaibigan. Pagbalik
mula sa kamatayan, hindi kaya naisip din niyang mainam sigurong magtagal nang
kaunti pa upang maibahagi sa kanila ang kanyang bagong buhay? Pero, ang
Pag-akyat sa langit ay nangangahulugan kay Hesus, ng pagkawalay na muli sa mga
minamahal.
Kailangang maganap ang Pag-akyat
upang magpatuloy at mamunga ang Gawain ng Pagliligtas. Ang Pagkabuhay ay hindi
victory party or reunion ng barkada. Ang hiwag ng buhay ni Hesus ngayon ay
dapat magbigay-daan sa patuloy na hiwaga ng iba pang kaloob ng Diyos, lalo na
ang kaloob na Espiritu Santo. Kung hindi aalis ang Panginoon, hindi rin
darating ang Espiritu Santo. At siya na ang kukumpleto sa Gawain ni Hesus sa
puso ng mga alagad at ng mga magigi pang mga alagad. Ang Pag-akyat sa langit
ang sakripisyong dapat mangyari kay Hesus at sa mga alagad upang ang bayan ng
Diyos ay yumabong sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.
Sa ating buhay, nagtataka tayong
bakit natatapos pa ang magagandang bagay. Nagtatanong tayo bakit kailangang may
kapalit ang isang minamahal na bagay. Bakit hindi puwedeng sabay na lang nating
itago ang lahat ng gusto natin? Dapat umalis pa-abroad ang magulang para mabuhay
ang pamilya. Kailangang lisanin ang paaralan para habulin ang pangarap sa
buhay. Dapat mamatay ang isang ka-pamilya para magkasundo-sundo ang lahat. Kailangang
magtapos ang ugnayan para lumago ang bawat isa.
Ipanalangin natin sa Diyos ang
biyaya ng Pag-akyat sa Langit ni Hesus. Matanggap nawa natin ang mga kailangang
mangyari sa ating buhay upang makamtan natin ang mga biyayang nakalaan pa
lamang.