DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO (CORPUS CHRISTI) B
KALAYAAN… KAIBIGAN
Tanda mo pa ba si Richie Fernando? Nadalaw ko sa Cambodia ang
kanyang bantayog. Nadaanan ko rin sa QC ang kanyang puntod, sa sementeryo ng
mga Heswita. Para sa akin, isa siyang makabagong bayani ng pananampalataya,
isang banal.
Pinoy na seminaristang Heswita
noon si Richie na naglingkod sa Cambodia kasama ang mga kabataang biktima ng
giyera, lalo na ang mga nasabugan ng bomba. Nang ang isang kabataan ay nagwala,
nagbanta itong pasasabugin ang mga kaklase sa hawak niyang granada. Agad na
nilundag ni Richie ang kabataan upang iligtas ang lahat. Sa katawan ni Richie
sumabog ang granada, at dumanak ang dugong Pinoy para sa mga kaibigang
Cambodian.
Ngayon ay pista ng kalayaan at
pagkakaibigan. Tuwing maririnig natin ang “Katawan ni Kristo” di ba madalas
iniisip natin Komunyon, sakramento, o simbahan bilang kanyang Katawan? Ang Eukaristiya
nga ang dakilang sakramento ng pagkakaisa at pag-ibig. Ang Eukaristiya ang bumubuhay
at bumubuo sa simbahan. Pero bago ang lahat para kay Hesus, ang pagbibigay ng
sarili niyang Katawan at Dugo ay tanda ng kalayaan.
Takdang mamatay sa kamay ng mga
kaaway, may pagpipilian si Hesus na tumakas, lumaban o mag-alay ng pagmamahal. Pinili
niya ang huli, nagbigay ng buong sarili, para sa kaligtasan ng mundo. Nagpasya siyang
hind maging sisidlan ng galit, takot, o paghihiganti. Sa halip, buong puso
niyang ibinigay ang natitira pa sa kanya… tulad ng lagi niyang ginagawa noong
nangangaral, nagpapagaling, nakikipag-usap at nakikilakbay pa siya sa mga tao.
Pagtanggap sa Eukaristiya,
nakikibahagi tayo sa kalayaan ito. Di ba minsan nasasabi natin: di ko na kaya…
di ko na kaya… di ko na magagawa pa? Hayaan nating palakasin tayo ni Hesus
upang sabihin: kaya ko… kaya ko… kaya ko talaga! Malaya kang maging malikhain
sa buhay mo, sa gitna man ng sakit at dusa. Malaya ka, tulad ni Hesus, na
magmahal, manalig, umasa, magalak sa lahat ng sandali ng buhay.
Tapos, ang pag-aalay buhay ni
Hesus ay tanda rin ng pakikipagkaibigan niya sa atin. Tulad ng itinuring ng Ama
na kaibigan si Abraham, ngayon naman itinuturing ni Hesus tayong mga alagad
bilang mga kaibigan niya. Nagiging kaibigan tayo kapag nakakapasok na tayo sa
isip, puso at kaluluwa ng ating kaibigan, kaya nakikita natin ang mga
bagay-bagay hindi mula sa labas. Nakikita natin ang lahat mula sa loob, tulad
niya, ka-dama niya, at karamay niya.
Sa pagtanggap ng Eukaristiya, tanggapin natin ang pakikipag-kaibigan
ni Hesus. Isamo nating mabiyayaan na umunawa, magmahal, kumalinga sa mga tao sa
paligid natin na naghihintay lamang ng kabutihan at paglingap. Ang Eukaristiya
ay hindi si Hesus-at-ako lamang. Ito rin ay pakikipagkaibigan kay
Hesus-sa-aking-kapwa.
Maligayang Pista ng Katawan ni
Kristo po! Maging malaya! Buhayin ang pakikipagkaibigan!
-->