DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD
SIMPLE AT MALALIM
Ang talakayan tungkol sa Diyos ay
simple. Di ba siya ay pag-ibig? Katotohanan? Pagkahabag? Pero ang talakayan sa
Santissima Trinidad ay hindi ganun kasimple. Nakakahilo. Nagdudulot ng sakit ng
ulo, pagka-sabaw, debate, duda at pagtanggi.
Walang problema sa Diyos na
simple. Nagsisimula ang problema kapag tila hindi na simple ang Diyos. Paano
magiging isa ang tatlo? Paano magiging tatlo ang isa? Paano magiging Diyos ang isang
namatay sa krus? Paano naging Diyos ang isang ibon?!
Kaydami nang nagsabi na nagpalit
sila ng relihyon kasi hindi nila maintindihan o maipaliwanag ang pinaniniwalaan
nila. Buti pa ang Iglesia ni Cristo, isang Diyos, tuldok! Buti pa ang Muslim,
isang Diyos, sapul! Ang mga walang Diyos, lalong mabuti pa – walang problema,
boom panis!
Pero ang pagsasaliksik sa Diyos ay
pagpasok sa katotohanan. At ang totoo ay laging simple. Pero ang kasimplehan ng
totoo ay dumadaan sa kalaliman ng karanasan ng tao. Kung hindi, ito ay
kasimplehan na pambata, pang-walang utak, hindi makatao, walang kuwenta. Ang katotohanan
ng Diyos ay simple pero dumaan ito sa masalimuot na mundo ng pagpapasya,
damdamin, pagtatalaga ng sarili, sakripisyo, atbp.
Ang Diyos ay Ama, pero hindi
kasing simple ng isang amang-hari na nakaupo lang sa trono. Sa halip, isang
Amang nagpasya na mahalin ang kanyang mga nilalang at ampunin ang lahat sa
kanyang puso. Ginawa niya ang lahat na mabuti pero nais niyang gawin pa silang
higit na mabuti kaya kahit hindi madali, kahit hindi simple, ipinadala niya ang
tunay niyang larawan sa mundo, ang kanyang Anak na gagabay sa atin sa kanya.
Ang Anak ay Tagapagligtas pero
hindi basta isang Kampeyon laban sa kamatayan at kasalanan dahil sa kanyang
kapangyarihan at lakas. Nagmahal din siya tulad ng Ama, kaya kahit hindi madali,
itinuring niya tayo bilang kaibigan at hindi alipin. Hindi simpleng bagay, pero
ibinigay niya ang buhay para sa atin. Sa kanyang kamatayan at pagkabuhay, isinalin
niya sa atin ang Espiritu Santo.
At ang Espiritu ay hindi isang
kakaibang ibon mula sa alapaap. Siya ang Pag-ibig ng Diyos na dumadapo sa ating
puso. Hindi siya guni-guni, ni multo kundi Espiritung namumuhay sa puso natin
ngayon. Kahit hindi simpleng gawin, matiyagang nananahan siya sa atin.
Ang kasimplehan ng Diyos, ang kanyang
katotohanan, ay hindi lubos na nauunawaan sa libro o sa classroom. Sa panalangin
at pagkakaibigan, diyan natutuklasan ang Isang Diyos na Ama, Anak, at Espiritu
Santo na nagmamahal at bumubuhay sa atin. Kapag naranasan natin siya sa
paglalakbay sa gitna ng sakit, pangungulila, galit, kataksilan, pagmamahal,
kapayapaan at kagalakan, tiyak ang Diyos ay magiging tunay at hindi
kathang-isip. Ang Santissima Trinidad ay may saysay kapag binuksan natin ang sarili
upang maranasan siya sa ating buhay.
Sa katahimikan ng panalangin, sa
banal na pakikipagkaibigan, sa pagbubukas sa kanyang kalooban, sa araw araw na
pag-aalay ng puso, doon nararanasan na simple ang Diyos – simple pero malalim! Sa
ibang salita, doon siya nagiging tototo para sa atin. Totoo nga at simple na ang
Diyos ay IIsa, at siya ang ating Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo.