IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
NANGHINA SI HESUS
Isang “terror” ang propesor namin
dati. Ibig sabihin, mahigpit at masungit siya sa pagtuturo, sa pagtatalakayan,
at sa pagsusulit ng mga estudyante. Ang bunga nito, nginig sa takot ang lahat. Nabubulunan,
nauutal o napipipi kapag sumasagot. Minsan,
biglaang napangiti at napatawa pa and propesor. Dahil dito, nasilip ng mga
estudyante and kanyang kubling pagkatao, at lahat ay nakitawa na. Naging mas
panatag ang klase at naging mas masugid sap ag-aaral.
Ang mga ugali at kilos natin ay
nakakaapekto sa mga tao sa mabuti man o masama. Pansin ng mga tao kung may
isang sumasalungat sa kanila. Dama din nila kung mayroon namang buo ang suporta
at pagsang-ayon. Hindi na kailangan itong sabihin o ipaliwanag; kadalasan,
nadarama lamang. Ang pagsalungat at pagsang-ayon ay may kaugnayan sa
pakiramdam, pagsasagawa at nagiging bunga ng ating mga kilos.
Batid ni Hesus na ang presensya
niya ay magdudulot ng iba’t-ibang reaksyon. Narinig niyang pinuri siya ng mga
tao. Nabasa niya ang panlilibak at pang-aaba na nakapaloob sa salita naman ng
iba. Dahil sa pagsalungat ng mga tao, hindi nakagawa ng marami pang bagay ang Panginoon
para sa kanila.
Hindi dahil walang kapangyarihan
si Hesus na gumawa ng kababalaghan. Subalit ang kanyang lakas ay higit na
gumagalang sa disposisyon, kalooban, at kalayaan ng tatanggap nito. Kung hindi
pa handa, hindi ipipilit ng Panginoon ang kanyang sarili. Maghihintay siyang
may pagtitimpi at pagtitiis hanggang mabuksan ang mga puso.
Bakit ba hindi pa natatamo ang ating
mga panalangin? Bakit ba hindi pa nangyayari ang ating inaasahan? Mabuti sigurong
manahimik at suriin ang sarili kung may bara ang mga puso natin na pumipigil sa
daloy ng biyaya niya. Alam ninyo, mismong Diyos ay apektado ng ating
pakikitungo sa kanya. Bagamat hindi nakabatay sa ating tugon ang kanyang kilos,
ginagawa naman niyang maging maapektuhan siya ng ating pag-ibig man o
panlalaban.
Mabuti rin sigurong magnilay kung
paano natin itrato ang kapwa. Nagiging panatag ba sila at maaliwalas kapag nasa
paligid tayo? O baka naman biglang naninigas at nagmamaskara sila kapag
dumaraan tayo? Tulad ni Hesus, nag-aanyaya ba tayo ng pagtanggap, pagmamahal,
pagpapatawad, at pagkakaunawaan sa ating kapaligiran?