IKA-16 NG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B



KONTING PAHINGA NAMAN



Pasyente: Doc, ano ba ang mairereseta mo sa sakit ko? Doktor: Sundin mo ito - 1 linggo sa Palawan, 3 araw island hopping, panonood ng paglubog ng araw sa baybay dagat, hiking sa bundok, chill out sa coffee shop. Balik ka matapos ang isang buwan.

Tulad ng doctor si Hesus nang magbalik ang mga isinugo niyang alagad matapos ang kanilang misyon. “Pumaroon kayo sa isang ilang na lugar at magpahinga sandali.” Namangha at nabigla sa tagumpay at kapangyarihang ibinahagi sa kanila ni Hesus ang mga alagad. Subalit higit sa lahat, ang inaalala ng Panginoon ay ang mabuting kalagayan nila. Nais niya silang mapahinga, magpalakas, makapaglimi, at higit sa lahat, makapagdasal.

Nabubuhay tayo sa panahon ng istres at sa mundong tensyonado. Nanlulupaypay ang mga bata dala ng istres. Nagluluko ang mga kabataan upang ilabas ang tensyon. Ang mga matatanda ay nakakaramdam ng pagka-upos o burn-out. Kay daming namatay na sa istres at kalumbayang di maipaliwanag o depression. Tunay ngang kailangan ng lahat ng pahinga sa nakapapasong bigat na dulot ng eskuwela, tahanan, at mga ugnayang personal natin.

Kailangang matuklasan kung paano ikasiya ang buhay. Dapat matutunang lumutang sa gitna ng mga problema. Sa halip na magupo tayo, ang mga pinagkakaabalahan at mga pakikipag-ugnayan araw-araw ay dapat magbunga ng mas masaya, mas mayaman, at mas mabuting katauhan. Habang nagreremedyo ang mga propesyunal at mga tagapayo ng iba’t-ibang programa ng therapy at wellness, ang Panginoon naman ay may handog na lunas – “ang ilang na lugar” kung saan titiwasay ang katawan, isip at kaluluwa. Ang disyertong ito ay ang panalangin at ugnayan sa Panginoon.

Makabubuti kung makadadalo tayo ng mga rekoleksyon o retreat, pero hindi madali ito para sa marami sa atin. Ang pagdarasal, kapag nakagawian, ay tunay na madaling gampanan bukod sa libre pa at walang bayad. Kailangan lamang masumpungan ang payo ni San Francisco de Sales: “Magkubli sa inyong puso paminsan-minsan, kahit pa nasa gitna ng pakikipag-usap o pakikipagtalakayan sa kapwa, at makipag-usap sa Diyos.”

Sundin ang payo ng doktor. Isagawa ang tagubilin ng counselor. Higit sa lahat, tupdin ang paghimok ni Hesus – hanapin ang ilang na lugar sa iyong puso at magpahinga sa kanya.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS