IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B



KAILANGAN LANG, NAISIN MO!





Si Hesus sa mga tagasunod: Handa ba kayong magbahagi ng pera sa mahihirap? 
Mga tagasunod: Opo, Panginoon! 
Hesus: Kaya ninyo bang ipamigay ang inyong ani sa nangangailangan? 
Mga tagasunod: Kayang-kay po! 
Hesus: Bukas ba kayong magpatuloy sa tahanan ng mga dayuhan at walang masilungan? 
Mga tagasunod: Buong puso, po! 
Hesus: puwede ba ninyong ibigay sa akin ang mga baboy at manok ninyo para lutuin ko at ipakain sa nasa evacuation mamayang gabi? 
Mga tagasunod, naging tahimik. 
Kaya tinanong ni Hesus ang isa: Bakit bigla kayong natahimik? 
Tagasunod: E kasi naman Lord, may baboy at manok naman kami talaga e!



Nakita ng Panginoon ang napakaraming taong naghihintay ng kanyang mabubuting salita at ng kanyang mapaghimalang kamay. Nang lumaon, nakita rin niyang may hinahanap pa silang mas materyal, kongkreto at practical – pagkain para sa kanilang kumukulong sikmura. Tantiyado ng mga apostol ang kailangan. Ayon kay Felipe, kahit malaking budget, hindi magkakasya para makakain nang mabuti ang limanglibong tao doon.



Ang dali sanang magpalusot ni Hesus. Sabihin lang niya, “Pare-pareho lang po tayong mahirap. Sorry po.” O kaya nagtawag lang sana siya ng sponsor mula sa mayayaman niyang tagahanga. O kaya nangako na lang sana siyang sa susunod, magpapakain na siya pero huwag ngayon. Pero hindi! Kumilos si Hesus at nagpasyang making sa daing ng mga tao, punuin ang kanilang pangangailangan, at solusyunan ang kanilang gutom. Di na bale kung siya man ay walang materyal na ari-ariang maibibigay. Basta ninais niyang tumulong. At dumating ang tulong… mula sa isang bata… at mula sa Ama sa itaas!



Ilang beses nating naipangako na tutulong, magbibigay, magbabahagi, sa isang kundiyon – kapay yumaman tayo, nakakuha ng pamana, pumatok ang negosyo, o kaya kapag nakaipon na at matatag na ang buhay. Pero ngayon, kailangan munang maghintay ang ating mabuting pangarap na pagkakawanggawa. Hindi natin maibigay ang ating mga baboy at manok, kasi nga, kailangan din natin iyan ngayon.



Tulad ni Hesus may mga taong nakaunawa na hindi ka kailangang yumaman para makatulong. Si Mother Teresa nabuhay araw-araw na himala ang inaasahan. Si Efren Peñaflorida dala ang library para sa batang kalye sa isang karitong kahoy. O isang mag-asawa ang nagturo sa mga anak na magtipid ng baon para makapag-sponsor sila ng iskolar sa kanilang pamayanan. Hindi kailangan maging mayaman para tumulong. Ang dami ngang mayaman na hindi naman nakakatulong sa kapwa. Ang kailangan lang ay naisin ng puso, at Diyos na ang magbabasbas ng kaganapan sa iyong pangarap na gumawa ng mabuti.



Munting pagnanasa, lahukan ng kahit maliit na kakayanan, at ng taimtim na dasal ay isang pormula na para sa isang milagro! Manalig tulad ni Hesus! Maniwala kay Hesus!
-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS