MAY MAS OK PA SA “BFF” – ANG “BFH”


KAISA NG INTERNATIONAL FRIENDSHIP DAY!


Nang malubha ang karamdaman ng nanay ko, inanyayahan naming dumalaw sa bahay o sa ospital man, ang kanyang mga matatalik na kaibigan mula pa noong high school. Ibang uri ng ngiti, sigla, tuwa ang nababakas sa kanyang mukha tuwing may dadalaw na matalik na kaibigan. Totoo nga, ang makatagpo ng isang matalik na kaibigan, ng isang BFF, ay isang dakilang regalo ng Mabathalang Panginoon.



Kay San Francisco ng Sales natutunan ko ang turong ito: mahalin ang lahat ng tao sa paligid, pero makipagkaibigan lamang sa mga taong magdudulot sa iyo ng buhay na banal at kaaya-aya sa Diyos.



Hindi lahat ng pagmamahal ay pagkakaibigan. Kapag mahal mo ang isang tao pero hindi ka naman nito mahal, ang tawag diyan ay hindi pagkakaibigan kundi kawanggawa, charity, dahil isa lang ang nagmamahal. May tatlo daw na bahagi ang isang tunay na pagkakaibigan.



Una, mahal ng magkaibigan ang isa’t-isa bilang kaibigan. Ewan ko ba, pero hindi ba’t iba naman talaga ang uri ng pagmamahal ng kaibigan kaysa sa kapatid, asawa, at magulang o anak.



Ikalawa, dapat batid kapwa ng magkaibigan na may pagmamahal at malasakit sila sa isa’t-isa. Kung baga, hindi lihim sa kanila na magkaibigan sila. Kapag wala ang elementong ito, hindi tunay ang pagkakaibigan.



Ikatlo, may pagbabahaginan na nagaganap sa magkakaibigan, ng mga mabubuting bagay. Lalong mas mabuti ang ibinabahagi, lalong matibay ang pagkakaibigan. Kapag ang basehan ng ugnayan ay hindi mabuti kundi masama o makasalanan, hindi sila tunay na magkaibigan kundi magkatuwang lamang sa kalokohan.



Kapag natupad ang tatlong ito, lumilitaw ang tinatawag na “kaibigang espirituwal” (spiritual friend), isang “banal na pagkakaibigan” (holy friendship) dahil kapwa ginaganyak ng magkaibigan ang isa’t-isa na maging mabuting tao at tunay na anak ng Diyos. Inaakay ng tunay na magkaibigan ang isa’t-isa, hindi lamang sa kagandahan ng mundong ito, kundi sa landas patungong langit.



Nauso ang tawagan na BFF (best friends forever). Kung si San Francisco de Sales ang pakikinggan, may mas higit pa sa BFF. At iyan ay ang BFH (Best Friends for Heaven).



Nais kong pasalamatan ang Diyos sa mga BFH ng buhay ko. Hindi ibig sabihing mga relihyosong kaibigan sila na laging nagdarasal ng rosaryo at nagbabahagi ng Bible. Minsan nga, hindi kailangang maging ganito pa sa iyo ang isang BFH mo. 

Sila ang mga naroon noon pa man – sa kamusmusan, sa high school o college, sa baryong kinalakihan. Sila ang mga kasama sa masasayang ala-ala at karanasan – iyong iba ay may kapilyuhan at kalokohan pero katuwaan lamang naman. Sila ang mga hindi sumuko sa iyo noong lumubog ang barkong sinasakyan mo – patuloy na bukas ang puso, ang isip, ang sarili sa pagtulong, pakikinig, pag-unawa, pag-ganyak at pagtulong na muling tumayo at lumakad na may lakas ng loob at tiwala sa sarili.



Totoong kapag nasa ilalim tayo at nadadaganan na, doon makikilala ang tunay na mga kaibigan. Maraming nagsasabing kaibigan sila – hangga’t walang sigalot. Pero isa-isang naglalaho kapag pumangit na ang ihip ng hangin.



Ang tunay na kaibigan ay hindi maitutumba ng unos, lindol, o tsunami pa mang darating.



Sa panahong ito ng aking buhay, 22 taon ng pagtatalaga kay Kristo, sa kabila ng kahinaan, pagsisikap at pagkakatisod sa buhay, malaking biyaya sa akin ng Diyos ang mga BFH ng buhay ko. Kung wala kayo, paano ko makikita ang kagandahan ng buhay?



Higit sa lahat, ang tunay na BFH ay hagdan upang lalong mapalapit tayo sa Diyos. Kung ganito katapat ang mga  kaibigan, paano pa kaya ang Diyos sa kanyang mga anak? Kung maunawain ang mga kaibigan, paano pa kaya ang pagpapatawad at pagyakap ng Ama? Kung lalong tumitibay ang pagkakaibigan sa pagdaan ng panahon, paano pa kaya ang ugnayang dulot ng Panginoon na tagos sa panahon at lugar?



Wala nang gaganda pang pagmamahal kaysa sa dulot ng isang tunay na kaibigan. Subalit maging iyan ay patikim lamang ng pag-irog ng isang nagsabi: “Hindi ko na kayo inaaring alipin kundi mga kaibigan ko.” At siyang naghugas ng paa ng kanyang mga kabarkada. At siyang nag-unat ng kamay sa krus dahil “wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa ialay ng isang tao ang kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.”



Salamat Panginoon sa mga BFH. Higit sa lahat, taos pusong pasasalamat sa pagiging sukdulang Kaibigan ng aking buhay… mula noon at hanggang ngayon at sa dulo ng walang wakas.



Bakit hindi tayo lumuhod sa harap ng altar sa araw na ito at taos-pusong ipagdasal silang mga BFF, pero lalo na silang mga BFH, ng ating buhay?



(July 31, 2018)
-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS