IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B



IPAGPAG ANG SANDALYAS





Narinig natin ang mabuting balita tungkol sa pagsusugo ni Hesus sa kanyang mga apostol. Nagbitiw siya ng mga payo. Makikilala ang mga alagad sa kanilang pagsalalay sa biyaya, sa kanilang kapangyarihang taglay, at sa kanilang habag sa mga maysakit at naghihirap.



Tila lamang may nakaka-intrigang payo ang Panginoon: Kung hindi raw sila tanggapin o pakinggan, lumayo daw sila at ipagpag ang sandalyas bilang hudyat laban sa mga kaaway. Tila paghahanda ito sa pangyayari ng pagtuligsa at pagtataboy na magaganap sa mga alagad.



Tila wala namang alagad na sumunod sa payong ito, at hindi dahil sinuway nila ang Panginoon. Sa kanyang sariling buhay, si Hesus mismo ay hindi umurong sa anumang hamon o laban. Madiin niyang sinuong ang mga lugar na nais niyang iligtas. At kung kailangan man siyang umalis, hindi niya ipagpag ang sandalyas niya. Si Hesus ang modelo ng mga apostol sa lubos na pag-aalay ng sarili, na nagpatawad sa mga nagmatigas at umunawa pa sa mga hindi handa sa kanyang mensahe.



Kaya nga, eto ang mga apostol at ang mga sumunod sa kanila na matapang na tumanggap din ng pait ng pagtataboy at maging ng pagtuligsa habang umiwas na talikuran na lamang ang mga taong nais nilang paglingkuran. Maraming mga Kristiyano noon at ngayon ang nagdanas o dumaranas ng pagiging martir  at tumatangging suklian ng masama ang ginagawa ng kanilang mga kaaway.



Ang magiting na kilos ni Hesus at ng mga alagad ay makikita pa rin ngayon sa mga Kristiyano, bagamat iba ang situwasyon at mga pangyayari. Hindi iniiwan ng isang lalaki ang kanyang asawang nagmistulang gulay dahil sa karamdaman. Malayang pinakawalan ng isang kabataang lalaki ang kanyang mga  pangarap upang itaguyod muna ang buhay ng mga kapatid. Isang musmos na babae naman ang handang iwaksi ang kanyang pagkabata sa pagtulong niya sa nanay niyang single mother sa pag-aalaga sa mga kapatid at pag-aasikaso sa bahay. Sila rin ay hindi nagpagpag ng kanilang mga sandalyas kundi lalong hinarap ang napipintong mga pagsubok.



Sa harap ng kagipitan, nasa atin na kung maga-alsa balutan at lalayas. At minsan maaari din naman itong gawin ayon sa Panginoon. Pero tulad din niya, mas naisin natin nawa na manatili, magpunyagi at patuloy na ibahagi ang pagmamahal ng Diyos.


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS