IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
-->
HAHANAP NG LANDAS ANG
PAG-IBIG
Ang Mabuting Balita ngayon ay
makulimlim. Kuwento ito pagtataksil, larawan ito ng karahasan, pagpapahayag ito
ng pagkamuhi, at binalak ito ng kasakiman. Ang mabuting may-ari ng ubasan ay
bigla na lamang namulat sa kasamaan ng kanyang mga manggagawa. Ayaw nilang
ibahagi ang ani sa kanya; tumanggi silang makinig sa mga mensahero;
kinasuklaman nila ang Anak at hindi nila iginalang ang kagandahang-loob ng
Panginoon.
Sinong may-ari ng lupain ang
hindi magtatanggol ng sarili? Sinong ama ang hindi magnanasang gumanti? Sinong
tao ang hindi susumpang huwag nang magtiwala sa kapwa?
Ang mga pinuno ng Israel na
sinasagisag ng mga manggagawa, ay kumilos nang tahasang pagsalungat sa kalooban
ng Diyos, ang may-ari ng ubasan. Upang sirain ang plano ng Diyos, kinailangan
pa nilang iligpit ang Anak, bilang malakas na mensaheng nagpapasakit ng
kalooban ng Ama.
Subalit lubhang malawak ng
pananaw ng Diyos, dakila ang kanyang Espiritu, isang dagat ng habag, kaya’t
hindi pinagsisihan ng Diyos ang kanyang naunang plano ng pagliligtas. Hindi
siya nagsarado ng pinto at tumigil mangalaga sa mga tao. Oo, tinanggihan siya,
pero lalo niyang sinikap makahanap ng mga taong tatanggap ng kanyang tawag.
Nasaktan nga ang Ama, nagalit at
nasiphayo. Subalit hindi siya natalo o nagpatalo. Humanap ng bagong landas ang
pag-ibig niya na lampas sa mga taong tumanggi sa kanya. Si Hesus na tinanggihan
ng mga Hudyo ay tatanggapin ng mga Hentil. Ang kamatayan ni Hesus sa kamay ng
mga kaaway niya ay magbubunga naman sa kamay ng mga alagad niya.
Sa ating kahinaan, hindi tayo
laging matapat sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng situwasyon. Tulad ng mga
lider Hudyo, tumatanggi tayo at ipinagkakanulo natin ang Panginoon sa
pamamagitan ng kasalanan at pagmamatigas. Sa kabila nito, patuloy na
magtatagumpay si Hesus sa puso ng mga nakakatuklas sa kanyang buhay at
pagmamahal. Maging tayong mga makasalanan na nais magbalik-loob ay tatanggap pa
rin ng kapayapaan at katiyakan na kailangan natin sa ating pagpasok sa bagong
yugto ng pakikitungo sa Panginoon.