IKA-29 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

ISANG PATIBONG LAMANG

Sa kasaysayan nakikita nating ang mga Kristiyano ay nalilito sa ugnayan ng pananampalataya at ng karaniwang buhay, ng pananalig at pangangatwiran, ng katapatan sa pamahalaan at katapatan sa simbahan. Sa mabuting balita ngayon (Mt 22) dinadalaw natin ang napapanahong paksang ito. Sabi ng Panginoong Hesus sa mga alagad ng mga Pariseo: Ibigay kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos!

Ang Cesar o emperador ang kumakatawan sa makalupang kapangyarihan na sumakop sa Israel. Malinaw na sinasabi ng Panginoon na dapat mag-ambag ang mga tao sa ikabubuti ng lipunan. Kung kailangang magbayad ng buwis, na gagamitin sa kapakanan ng lahat, dapat itong sundin. Ang mga tagasunod ni Kristo ay makikilala bilang mga tagapagtaguyod ng anumang mabuti sa pakikipag-ugnayan ng mga tao sa pamayanan at lipunan. Mula pa sa panahon ng mga apostol, ang pananampalataya ang nagsasabi sa atin na maging asin at ilaw ng daigdig, nabubuhay sa mundong ito bilang lasa at halimuyak na kaaya-aya.

Pero hindi doon nagtatapos ang payo ng Panginoon, sa pakikiisa sa layunin ng mga nasa kapangyarihan. Sinasabi din niya na dapat ibigay sa Diyos ang nararapat sa Diyos. At ano nga ba ang saklaw ng Diyos na dapat nating isuko sa kanya? Ang sagot ay – lahat! Lahat-lahat ng nasa atin ay kaloob ng Diyos kaya dapat nating ipagpasalamat at ialay pabalik sa kanya. Kung ang Cesar ang lehitimong kapangyarihan na dapat igalang at sundin para sa kapakanan ng lipunan, ang Diyos naman ang pinakamataas na kapangyarihan na dapat luhuran ng lahat, sa langit man o sa lupa (Fil 2:10), maging ng Cesar o emperador man.

Naririnig natin ngayon ang mga pulitiko, tagapagbalita, at pati ang taga-kalat ng “maling” balita na tumatalakay sa pagkakaiba at pagkakahiwalay ng simbahan at gobyerno. Sinasabi ng ilan na hindi dapat makialam sa desisyon ng pamahalaan ang mga mananampalataya; na walang puwang sa pang-relihyon at pang-moral na aspekto sa larangan ng pulitika at pamamahalang panlipunan. Pero ito ay “fake” na paliwanag. Hindi magkatunggali ang langit at lupa. Tandaan nating nang itanong ito sa Panginoon, hindi ito tunay na paghahanap ng katotohanan. Sa halip, ito ay patibong ng mga Pariseo na nais magsalita ng maling katuwiran ang Panginoong Hesus. At dito sila nabigo!

Kaya nga, ibigay kay Cesar ang para kay Cesar. At ibigay sa Diyos, ang lahat-lahat!

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS