IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
TARA NA SA KASALAN!
Mas simple ngayon ang mga
kasalan kaysa noong una na buong baryo at lahat ng kamag-anak ay
inaasahang dadalo kahit walang imbitasyon. Noon, kapag hindi dumating
ang kamag-anak o kapitbahay, sumasama pa ang loob ng mga ikinasal.
Pero ngayon nag-aatubili tayong pumunta kasi baka hindi tayo kabilang
sa listahan ng mga panauhin na karaniwang limitado na sa
pinakamalalapit na tao.
Ang Mabuting Balita
ngayon (Mat 22) ay naglalarawan ng Kaharian ng Diyos gamit ang imahen
ng isang marangya, masagana at pang-lahat na piging sa mga probinsya
noong dati. Nagpadala ang hari ng susundo sa mga panauhin. Sumama ang
loob niyang hindi makararating ang iba. Pagkatapos, inanyayahan niya
ang lahat ng matagpuan niya. Nang magsisimula na ang handaan,
napansin ng hari ang kakulangan ng kahandaan ng ilang mga tao.
Pinarusahan niya ang mga ito.
Ang talinghaga ay tungkol
sa pagmamatigas at pagtanggi ng mga tao sa paanyaya ng hari, na
makikita sa hindi pagdalo o hindi pagiging handa sa okasyon. Magarbo
ang kasalan, umaapaw ang pagkain at inumin, kumpleto ang kasiyahan at
paglilibang. Pero ang tanong: Bakit dedma pa rin ang mga tao? Bakit
ang ilan naman sa mga dumalo ay hindi nakabihis nang maayos?
Bilang mga Katoliko,
ina-alayan tayo ng Diyos ng piging ng kanyang Kaharian sa ating
lingguhang Eukaristiya. Bawat Misa ay piging-kasalan ng Anak ng ating
Hari. Nakabukas ang mga pinto ng Kaharian at lahat ay tinatawagang
dumalo. Pero tulad sa talinghaga, nasaan ang mga Katoliko pag Linggo?
Sa lahat ng lugar siguro – sa pamilihan, sa mall, sinehan, at mga
pasyalan – maliban sa simbahan. Totoo nga na masaya na ang marami
na matawag na Katoliko kahit hindi ipinahahayag ang pananampalataya
sa pamamagitan ng panalangin at pagsamba kasama ang pamayanan ng
magkakapatid.
At silipin naman natin
ang mga nagsisimba ngayon. Marami sa atin ang narito dahil sa
nakaugalian lang o natatakot na makagawa ng kasalanan, o kaya dahil
nahila tayo ng asawa, magulang o among pinagtatrabahuhan. Tulad ng
mga panauhing hindi maayos ang bihis, maraming mga Katolikong
nagsisimba ang hindi handa para sa Misa dahil wala ang puso sa
ginagawa nila. Pakinggan natin ang mga laman ng isip natin ngayon:
Saan kaya makapunta pagkatapos ng Misa? May aabutan pa kaya akong
tinda sa talipapa? Ang haba naman ng sermon ng paring ito. Inip na
ako. Naku, sana puwede na akong mag text.
Habang ipinagdarasal
natin ang mga wala rito na sana minsan ay makapiling natin sila sa
Misa, tutukan din natin ang mga dahilan kung bakit tayo naririto.
Nawa mapahalagahan natin ang Eukaristiya bilang masayang pakikitagpo
natin sa Panginoon linggo-linggo. Party-party kasama si Kristo!