IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

HUWAG GAYA-GAYA



Biglang napasigaw ang nanay ng estudyanteng napatalsik sa pamantasan dahil siniraan at dinungisan niya sa social media ang pangalan ng mga guro niya: Hindi ba sabi kong tigilan mong gayahin yang Vice Ganda na yan? Walang maidudulot na maganda ang pagsunod at panggagaya mo sa kanya!



Isa pang kabataan ang habang pinagagalitan ng kanyang mga magulang dahil sa pagmumura sa kaibigan niya sa social media din, ang nangatuwiran: kung ang presidente nga ng Pilipinas laging nagmumura, ako pa ba ang hindi puwede?



Ang Mabuting Balita ay halaw sa bahagi ng sulat ni Mateo laban sa mga Pariseo. Ang buong kabanata 23 ay totoong marahas sa tono kaya ang unang bahagi lang ang binasa natin. Malinaw sa mga salita ng Panginoon na may paggalang siya sa katungkulan ng mga eskriba at Pariseo, na mga institusyong mahalaga noon sa lipunan. Pero pinag-iingat ng Panginoon ang mga tagapakinig niya sa halimbawa ng mga pinunong relihyoso. Ang kanilang mga turo ay tama at ayon sa tradisyon ng Israel at Hudaismo, pero ang kanilang kilos ay hindi ayon sa kanilang salita.



Mahalagang maunawaan nating ang mga nasa posisyon upang umakay at gumabay ay kapwa makapangyarihan at may impluwensya. Makapangyarihan dahil kaya nilang idikta ang ikikilos ng mga tao. Maimpluwensya dahil kaya nilang apektuhan ang iniisip at pananaw ng kanilang pinamamahalaan. Nakita ng Panginoong Hesus ang kawalan ng katapatan at ang pagkukunwari ng kanyang mga kaaway. Tandaan nating ang tagpong ito ay naganap matapos na tangkain ng mga Pariseo na siluin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtatanong na magdadala sa maling tugon. Nais ng mga Pariseo at eskriba na sirain si Hesus at upang magawa ito, nais nilang maimpluwensyahan ang mga tao na makisama sa kanilang galit at poot.



Inaanyayahan tayo ng Panginoon na huwag tularan ang mga tao, maging kaakit-akit man o kapana-panabik. Sa halip, ituon natin ang pansin sa natatangi at nag-iisang Guro, Panginoon, at Ama. Pero sa panahong nating ito, hindi ba ang dami nating idol na sinusundan sa kilos at gawa? Sino nga ba ang ating pinakikinggan, hinahangaan at sinusundan? Tama ba talagang sundan sila at tularan?



Bilang mga Kristiyano, kailangan nating sundan lamang ang mga salita at halimbawa ng Diyos na nakikita natin sa buhay at aral ng kanyang Anak na si Hesus.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS