IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A



PAANO MAGMAHAL



Nagninilay tayo ngayon sa tugon ng Panginoon sa isa pang “patibong” na tanong ng mga Pariseo, ngayon naman, tungkol sa pinakadakilang utos sa batas. Ang simpleng sagot ng Panginoon – pag-ibig; ganap at buong pag-aalay ng pag-ibig na ipakikita sa dalawang paraan: pag-ibig sa Diyos at sa kapwa (Mt. 22).



Paano ba dapat umibig? Paano ba dapat ipakita ang pagmamahal? Nililinaw ng Panginoong Hesus ang bagay na ito sa pagbanggit niya ng utos na mahalin ang Diyos.



Pagnilayan natin ang paraan ng pag-ibig sa Panginoon, at sa pamamagitan niya, sa ating kapwa tao:



“nang buo mong puso”: Ang puso ang sagisag ng pag-ibig. Ang puso ang sentro ng tao, kung saan umaagos ang paglingap at kabutihang-loob. Sa Bibliya, ang puso ay hindi lamang ang pinakasentro kundi and kabuuan ng pagkatao mismo. Kaya nga, ang magmahal ay nangangahulugang maging tunay na kalahok, mula sa sentro papalabas. Dahil iisa lamang ang puso, dapat isa lamang ang tuon, direksyon at pakay ng pagmamahal. Bilang mga Kristiyano, atas sa atin na maging tapat sa Diyos. At sa ganitong katapatan din, dapat nating mahalin ang kapwa.



“nang buo mong kaluluwa”: Sa panahon ng Panginoon, at maging ngayon, ang kaluluwa ay kilala bilang siyang tagapagbigay buhay sa katawan. Kung wala ang kaluluwa, ang katawan ay patay. Kung wala ang kaluluwa, ang katawan ay lanta, hindi makakilos at kulang sa puwersa at lakas. Pero kung ang kaluluwa ang bumubuhay sa katawan, nariyan din ang kilos, galak at pagpapahayag ng sarili. Ang magmahal nang buong kaluluwa ay nangangahulugang magmahal nang buong-buo. Walang katamaran, walang pagtatago. Para bang karanasan ng pagiging in-love, at pananatiling in-love...



“nang buo mong isip”: Ang minamahal natin ang laging laman ng isip natin. Hindi ibig sabihin na dapat lagi nating iisipin ang Diyos. Sa halip, dapat lagi nating hanaping at sikaping makilala siyang lubos. Hindi natin maaaring mahalin nag hindi natin nakikilala. Pero kapag kilala at mahal natin ang isang tao, nais nating maging mas matalastas, mas kaulayaw at mas kapiling ng ating minamahal. Kaya nga, may paglago sa pag-ibig, at ang ating isip ay nakatutulong para sa bagay na ito.





Sa pag-ibig, ang puso, kaluluwa at isip ay nagsasama-sama at kumikilos bilang isa. Nagmamahal ba tayo nang buong puso (matapat), nang buong kaluluwa (aktibo at maligaya), at nang buong isip (naghahanap at lumalago)?

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS