Makapangyarihang Nobena kay San Jose: MARSO 10-18
Pangalawa o kasunod ng Mahal na Birheng Maria, si San Jose ang pinakamakapangyarihang tagapanalangin at tagapamagitan natin sa ating Panginoong Hesukristo, dala ng kanyang malapit na kaugnayan sa Anak ng Diyos na kanyang inaruga sa lupa bilang kanyang sariling anak. Sinabi ni Santa Teresa ng Avila: Wala akong hiningi kay San Jose na hindi niya pinagbigyan. Ipagkatiwala din natin sa kanya ang ating mga hangarin at panalangin. Si San Jose ang mahal na patron ng blog na ito. Subukan mo kapatid na lumapit kay San Jose sa lahat ng iyong pangangailangan. "Ite ad Joseph." Punta ka na kay San Jose!
PANALANGIN SA NOBENA
O San
Jose, na ang pangangalaga ay lubhang dakila, malakas at mabilis sa harap ng
luklukan ng Diyos, ihihahabilin ko sa iyo ang aking mga naisin at saloobin. O
San Jose, alalayan mo ako ng iyong dakilang pamamagitan at kamtin mo para sa
akin mula sa iyong Banal na Anak ang lahat ng pagpapalang espiritwal sa ngalan
ni Hesukristong aming Panginoon. Upang kapag naranasan dito sa lupa ang iyong
makalangit na kapangyarihan, makapag-alay ako ng pasasalamat at pagsamba sa
Diyos na pinakamapagmahal sa lahat ng mga ama.
O San Jose, hindi ako nagsasawang pagnilayan ka, at si Hesus na
nahihimlay sa iyong mga bisig; nangingimi akong lumapit habang natutulog siyang
malapit sa iyong puso. Yakapin mo po siya para sa akin at halikan ang kanyang
ulo para sa akin at hilingin mong ibalik niya ang halik na ito sa sandali ng
aking huling hininga.