UNANG LINGGO NG KUWARESMA K

 


LUMABAN SA TULONG NG MGA SALITA NIYA

LK 4: 1-13

 


 

 

Napabalita noong 2019 ang pagpapalit ni Pope Francis ng mga salita ng “Ama Namin” sa Italyano. Sa lumang pormula, sambit ng mga Italyano: “non ci indurre in tentazione, ma liberaci dal male” (huwag mo kaming ipahintulot sa tukso…), halos tulad nang sa Tagalog. Subalit sa bagong salin ito ay magiging “huwag mo kaming pabayaang mahulog sa tukso.” Ang dahilan dito ay ang sa lumang pormula, tila ang Diyos pa ang nagtutulak sa atin sa kasalanan.

 

Ano ba ang ginagawa ng tukso na nanghihina tayo sa harap nito? Ang isang nakatutuksong mungkahi ay sumusunggab sa ating pansin na tumutok lamang sa isang bagay – sa ganda, sarap, ginhawa, at buting dulot ng mungkahing ito sa atin. Natutulala ang isip na hindi na nito naiisip ang epekto, hindi nito maaalala ang iba, hindi na naisasaalang-alang ang bukas. Ang pansin ay tutok lang sa pang-aakit ng sandali. Kapag nawili na ang puso sa patibong ng tukso, sumusunod na lang ito sa utos ng inaakala ay mabuti o kaaya-ayang bagay.

 

Pumapasok tayo sa Kuwaresma kalakip ang aral tungkol sa tukso ng buhay. Dahil tayo ay mga nilalang, hindi tayo perpekto. Sabi ng Panginoong Hesus: “Ang espiritu’y nakahanda ngunit ang laman ay mahina” (Mt 26:41). Kaya nating magsisi at magbalik-loob pero hindi pa rin tayo ligtas sa virus ng tukso at kasalanan. Sa mabuting balita, nakita natin ang Panginoon mismo ay humarap sa tukso. Natukso siya ng kasarapan, kapangyarihan, at katanyagan. Subalit matagumpay niyang naiwasan ang mahulog sa anumang tukso ng kaaway.

 

Paano nagawa ito ng Panginoon sa disyerto? Ano ang mensahe ng kanyang tagumpay para sa ating pakikibaka laban sa kahinaan, masamang gawi at pagkamakasarili? Narinig at nakita ni Hesus ang ganda ng pangako ng mundo na inilahad sa kanya bilang mabuti at tama. Subalit hindi niya hinayaan ang isip niya ay mahumaling dito. Sa halip, sa kanyang isip at puso binalikan niya ang Salita ng Diyos. Inalala niya ang mga salita ng Kasulatan at ginamit ang mga ito upang ituon ang buong atensyon at pananaw sa kagustuhan ng Ama.

 

Kahanga-hanga kung paano gamitng ng Panginoong Hesus ang mga salita ng Kasulatan laban sa mga tukso. Hindi sa pakikipagdebate sa demonyo o pakikipag-kuwentuhan dito. Sa halip, ihinagis niya sa mukha ng kaaway upang labanan ang kasinungalingan ng tukso. Sa pamamagitan nito, naging matatag si Hesus laban sa tukso; naging makapangyarihan siya laban sa masamang alok.

 

Tila magandang aral ito sa atin na maging mapagmahal din sa Salita ng Diyos. Tila magandang paanyaya ngayong Kuwaresmang ito. Damputin muli ang Bibliya, basahin, unawain, pagdasalan at isapuso ito. Sa tulong ng Salita ng Diyos, ng mga turo ni Hesus, malalabanan at mapagtatagumpayan natin ang anumang tukso sa buhay.

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS