IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA K
Habang nagpapagaling ang isang tao matapos ang isang operasyon, nasabi niyang tila ang kamalasan niya ay gawa ng Diyos sa kanyang buhay. Marami daw kasing biyaya sa buhay niya na nakalimutan niyang ipagpasalamat sa Panginoon. Inuna niya ang sarili, kaya siguro ngayon, gumawa ang Diyos ng paraan para magising siya sa katotohanan.
Totoong ginagamit ng Panginoon ang mga sandali ng buhay natin upang makipag-usap sa atin at ang ating mga karanasan upang turuan tayo. Subalit babala: Hindi nais ng Diyos ang ating paghihirap, o pagkawasak, o kamatayan bilang ganti sa ating pagkalimot o kasalanan. Ganito ang larawan ng Diyos sa isip ng mga taong lumapit kay Hesus sa ating mabuting balita.
Lumapit sila upang makatiyak kung ang Diyos ba ang dahilan ng pagka-sawimpalad ng ibang tao. Pinatay ba sila ni Pilato kasi makasalanan sila? Na-aksidente ba sila dahil mas matindi ang kasalanan nila kaysa iba? Sa katunayan, ipinapahayag nila ang Diyos na nakilala nila sa kanilang puso – Diyos na mapagparusa at sa kanyang galit ay winawasak ang lahat ng hindi kaaya-aya sa kanya.
Kaya mabilis silang itinuwid ng Panginoong Hesus. Sinunggaban niya ang pagkakataon upang magsalita tungkol sa Diyos na nagsugo sa kanya, na kilala niya, na kanyang Ama. Sa talinghaga ng punong igos na hindi namumunga, isiniwalat naman ni Hesus ang larawan ng Diyos sa kanyang puso – Diyos na mapag-pasensya, mapag-timpi at matiyagang naghihintay sa pagbabalik ng makasalanan sa landas ng buhay.
Kahit nitong pandemya, maraming haka-hakang narinig mula sa mga relihyosong tao. Siguro daw ito ang parusa ng Diyos sa mundong makasalanan. Marahil daw pang-gising ito ng Diyos para magbago tayo. Subalit ang Diyos ba ang nagpaparusa sa atin? O baka tayo ang nagdudulot ng pabigat sa kapwa tao dahil sa pagka-ganid at pagka-makasarili? Kay Hesus, ang Diyos ang tunay nating kasama at nagliligtas sa lahat ng pagsubok. Nakikilakbay siya at tumutulong upang makabagtas tayo. Matiyagang pinababayaan tayong makita ang mali, ganapin ang nararapat, at kung paano ito isasagawa.
Ngayong Kuwaresma, titigan ang Krus ni Kristo. Pagnilayan din ang mga krus sa buhay mo. Nakikita mo ba ang mapagparusang Diyos dito? O nakikita mo ba ang presensya ng mapagpasensya at mapagmahal na Ama?
Comments