IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA K

 


NAHUMALING

LK 15: 11-32

 

 


 

Masisisi mo ba ang alibughang anak? Na-in love lang naman siya. Na-in love siya sa kung anong buhay meron sa labas ng tahanan nila. Na-in love sa yaman kaya hiningi agad ang mana niya. Na-in love sa mga babaeng akala niya ay magmamahal din sa kanya. Na-in love sa mga barkada na akala niya ay magiging tunay na kaibigan. Na-in love, o teka, mas tama yata, nahumaling! Masisisi mo ba siya?

 

Lahat tayo ay tatamaan ng mabuting balita ngayon, ang napakagandang talinghaga ng Panginoong Hesus na kung tutuusin ay ang pinaka-buod ng kanyang mga aral at gawain. Kuwento ito ng lahat ng tao – kasama tayo!

 

Lahat tayo nahuhumaling sa mga bagay ng mundo at natural lang naman iyon. Maganda ang mga tao at bagay, mga pangarap at proyekto, mga inaasam at minimithi ng puso. Tila may yaman, ligaya at kasiguraduhan doon. At gusto natin iyan lahat ngayon. Kung ituttuon natin ang pansin sa mga ito, hindi na dapat ipagpabukas pa. Gusto natin agad-agad na. Dito nagsisimula ang ating pagkahumaling, pagiging naka-kapit, naka-depende sa mga bagay at tao sa paligid natin.

 

Ang naganap sa anak ay nagaganap din sa atin. Sa malaon, nauunawaan natin na kapag sobrang humaling pala sa tao at bagay man, sa paghahabol ng mga inaasam na walang pagtitimpi, masisira ang lahat. Mawawala ang kontrol natin sa tao. Masisira ang mga ugnayang akala natin ay mama-manipula natin. Mauubos ang mga materyal na yaman. Nagulat ang anak sa talinghaga na ang tunay niya palang hinahanap ay wala sa labas ng tahanan, hindi malayo sa pamilya, wala sa malayong pakikibaka. Ang tunay pala niyang hanap ay kanya na mula pa noong una – ang pagmamahal ng Ama.

 

Sa piling ng Ama, kailangan maghintay bago ang pamana. Kailangan maging handa bago magtayo ng sariling pamilya. Kailangan matuto makisama sa kapwa, tulad ng sa kuya niya, sa mga kasambahay at kapitbahay. Kailangan muna bumitaw, magkaroon ng espasyo, lumago unti-unti sa pag-ibig at paggalang. Sa huli, ibibigay itong lahat ng Ama dahil sa pagmamahal niya sa anak at sa pagtitiyaga ng anak.

 

Ngayong Kuwaresma, tingnan natin kung gaano tayo katulad ng alibughang anak. Nagmamadali ba tayong yumaman? Masyado ba tayong nahuhumaling sa mga tao? Naghahanap ba tayo ng pagsang-ayon ng iba? Bumalik muna tayo sa yakap ng Ama, at sa piling niya, maghintay ng tamang panahon, ng pinakamainam na pagkakataon, ng itinakdang oras upang maganap lahat ang ating hangad ng puso.

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS