PANALANGIN NG PAGTATALAGA NG RUSSIA AT UKRAINE SA KALINIS-LINISANG PUSO NI MARIA
PRAYER OF CONSECRATION OF RUSSIA AND UKRAINE
TO THE IMMACULATE HEART OF MARY
(Tagalog translation)
(Pope Francis, March 25, 2022)
O Maria, Ina ng Diyos at aming Ina, sa oras na ito ng pagsubok dumudulog kami sa iyo. Bilang aming Ina, minamahal at nakikilala mo kami: walang alalahanin ng aming mga puso ang natatago sa iyo. Ina ng awa, ilang beses nang naranasan namin ang mapaglingap mong aruga at ang mapayapa mong presensya! Walang tigil mong ginagabayan kami tungo kay Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Subalit nalihis kami sa landas ng kapayapaan. Nakalimutan namin ang aral na natutunan sa mga trahedya ng nakaraang siglo, ang sakripisyo ng milyong mga tao na nasawi sa dalawang digmaang pandaigdig. Nilabag namin ang aming panatang ginawa bilang pamayanan ng mga bansa. Nagtaksil kami sa mga pangarap ng kapayapaan at sa mga pag-asa ng kabataan. Lumala kami sa kasakiman, inisip lamang ang sarili naming bansa at kabutihan, nanlamig kami at nasadlak sa makasariling pangangailangan at alalahanin. Pinili naming iwaglit ang Diyos upang mapagbigyan ang aming mga ilusyon, upang lumago sa kahambugan at kabangisan, upang supilin ang mga walang malay at upang mag-ipon ng mga sandata. Tumigil kaming maging tagapag-ingat ng kapwa at katiwala ng nag-iisa naming lupa. Winasak namin ang halamanan ng daigdig sa pamamagitan ng digmaan at sa tulong ng aming mga kasalanan, siniphayo namin ang puso ng aming Ama sa langit, na nagnanais na kami ay maging magkakapatid. Hindi namin pansin ang ibang tao at ibang bagay maliban sa aming sarili. Ngayon, puno ng kahihiyan, tumatawag kami: Patawarin mo kami, Panginoon!
Mahal na Ina, sa gitna ng lunos ng aming pagkamakasalanan, sa gitna ng kaguluhan at kahinaan, sa gitna ng hiwaga ng kasalanan na kasamaan at digmaan, ipinaaalal mo sa amin na hindi kami iniiwan ng Diyos, sa halip, patuloy mo kaming sinusulyapan na may pagmamahal, laging handang magpatawad at iangat muli sa bagong buhay. Ibinigay ka niya sa amin at ginawa niyang ang Kalinis-linisang Puso mo ang maging kublihan ng simbahan at ng sangkatauhan. Sa banal na kalooban ng Diyos, palagi ka naming kapiling; maging sa pinakamagulong sandali ng kasaysayan, narito ka upang gumabay na may banayad na pagmamahal.
Dumudulog kami at kumakatok sa pintuan ng iyong puso. Kami ay mga anak mong minamahal. Sa anumang panahon, nagpapakilala ka, tumatawag ka upang kami’y magbalik-loob. Sa madilim na sandaling ito, tulungan mo kami at pagkalooban ng ginhawa. Sabihin mong muli: Hindi ba’t narito ako, ako na iyong Ina? Kaya mong kalagan ang mga buhol sa aming puso at sa aming panahon. Sa iyo kami ay nagtitiwala. Malakas ang loob naming, lalo na sa panahon ng pagsubok, hindi ka magsasawalang-bahala sa aming pagsusumamo at darating ang iyong tulong.
Ganyan ang ginawa mo sa Cana sa Galilea, nang namagitan ka kay Hesus at ginanap niya ang una sa kanyang mga tanda. Upang mapanatili ang ligaya sa kasalan, sinabi mo sa kanya: Wala na silang alak (Jn 2:3). Ngayon, O Ina, ulitin mo ang mga salitang ito at ang panalangin, dahil sa aming panahon, naubos na ang alak ng pag-asa, lumisan na ang ligaya, kumupas ang pagkakapatiran. Nakalimutan namin ang sangkatauhan at sinayang ang kaloob na kapayapaan. Binuksan namin ang aming mga puso sa karahasan at pagkawasak. Kaylaki ng aming pangangailangan sa iyong makainang saklolo!
Kaya nga, O Ina, dinggin mo ang aming dalangin.
Tala sa dagat, huwag mo kaming pabayaang maanod sa unos ng digmaan.
Kaban ng Bagong Tipan, himukin mo ang mga kilos at landas tungo sa kapayapaan.
Reyna ng Langit, panumbalikin mo ang kapayapaan ng Diyos sa mundo.
Pawiin ang suklam at ang pagkauhaw sa paghihiganti, at turuan mo kami ng kapatawaran.
Iligtas mo kami sa digmaan, pangalagaan ang daigdig mula sa banta ng mga sandatang nukleyar.
Reyna ng Rosaryo, ipaunawa mo sa amin ang pangangailangan naming magdasal at magmahal.
Reyna ng Pamilya ng Sangkatauhan, ipakita mo sa mga tao ang landas ng kapatiran.
Reyna ng Kapayapaan, kamtin mo para sa mundo ang kapayapaan.
O Ina, ang iyong nagdurusang samo nawa ang umantig sa aming matitigas na puso. Ang iyong mga luha para sa amin nawa ang magpayabong muli sa lambak na ginawang tigang ng pagkasuklam. Sa gitna ng kulog ng mga sandata, ang panalangin mo nawa ang mag-udyok sa aming isip sa kapayapaan. Ang iyong makainang haplos nawa ang magpahinahon sa mga nagdurusa at tumatalilis mula sa ulan ng mga pagsabog. Ang iyong makainang yakap nawa ang magbigay ginhawa sa mga lumisan ng tahanan at ng bayang tinubuan. Ang iyong Nagdurusang Puso nawa ang umantig sa amin sa habag at mag-udyok sa amin na magbukas ng mga pintuan at kumalinga sa aming mga kapatid na nasugatan at naisantabi.
Mahal na Ina ng Diyos, habang nakatayo ka sa ilalim ng krus, nakita ni Hesus ang alagad na katabi mo at sinabi niya: Nariyan ang iyong Ina (Jn 19:26). Sa paraang ito, ipinagkatiwala niya bawat isa sa amin sa iyo. Sa alagad, at sa bawat isa sa amin, sinabi niya: Nariyan ang iyong Ina (Jn 19: 27). Inang Maria, ninanais namin ngayong salubungin ka sa aming buhay at sa aming kasaysayan. Sa sandaling ito, ang pagod at nalilitong sangkatauhan ay kasama mo sa ilalim ng krus, ipinagkakatiwala ang mga sarili sa iyo, at sa pamamagitan mo, itinatalaga ang sarili kay Kristo. Ang mga mamamayan ng Ukraine at Rusya, na nagpaparangal sa iyo nang may dakilang pagmamahal, ay dumudulog sa iyo, habang ang puso mo naman ay tumitibok na may habag sa kanila at sa mga taong napinsala ng digmaan, gutom, kawalang-katarungan at kahirapan.
Kaya nga, Ina ng Diyos at Ina namin, sa iyong Kalinis-linisang Puso ipinagkakatiwala namin at itinatalaga ang ang mga sarili, ang simbahan, at ang sangkatauhan, lalo na ang Rusya at Ukraine. Tanggapin mo itong pag-aalay na ginaganap naming may tiwala at pagmamahal. Itulot mong humupa ang digmaan at lumaganap ang kapayapaan sa buong mundo. Ang “opo” na umusbong sa iyong puso ang nagbukas ng pintuan ng kasaysayan sa Prinsipe ng Kapayapaan. Nagtitiwala kaming, sa pamamagitan ng iyong puso, ang kapayapaan ay muling daratal. Sa iyo itinatalaga namin ang kinabukasan ng buong pamilya ng sangkatauhan, ang mga pangangailangan at inaasahan ng bawat tao, ang pagkabagabag at pag-asa ng mundo.
Sa iyong pamamagitan, nawa ang habag ng Diyos ay bumuhos sa lupa at ang banayad na saliw ng kapayapaan at manumbalik sa aming buhay. Inang nagsabi ng “opo” sa Diyos, na kinasihan ng Espiritu Santo, buuin mo sa aming ang pagkakaunawaang mula sa Diyos. Nawa ikaw, ang “buhay na bukal ng pag-asa,” and dumilig sa tigang naming mga puso. Sa iyong sinapupunan, nagkatawang-tao si Hesus; tulungan mo kaming magpayabong ng higit na pagkakaisa. Minsan kang tumahak sa mga lansangan ng aming daigdig; akayin mo kami ngayon sa landas ng kapayapaan. Amen. (own translation of this blogger)
(pls share this prayer with others so that many will join in praying for the peace between Russia and Ukraine on Mar. 25, 2022)
Comments