IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


SERBIS O NO SERBIS?

Mk 10:35-45 or 10:42-45

 

 

fr tam nguyen

 

Isang paborito kong ala-ala sa pagkabata ay ang kuwentuhan naming magpipinsan tungkol sa aming mga ambisyon. Sabi ng isa gusto daw niya maging tulad ng tatay niya; nakaupo sa opisina, ang mga kamay sa likod ng ulo at nakataas ang paa sa lamesa! Boss agad bago mag-empleyado!

 

Sa Mabuting Balita, ang mga apostoles ay buking na naghahangad ng posisyon. Gusto ni Juan at Santiago na maging secretary of defense at secretary of finance sa gabinete ng Panginoon. Buti na lang at hindi sumabog ang galit ni Hesus. Sa halip, banayad at may pasensyang kinausap niya ang mga alagad tungkol sa tunay na kahulugan ng kanyang misyon na “maglingkod at hindi paglingkuran at ibigay ang buhay para iligtas ang marami.”

 

Bihirang magkasundo ang lahat ng pagbasa sa Misa ng Linggo pero ngayon kay Isaias matatagpuan ang tema ng nagdurusang Lingkod ng Diyos, at sa Ebreo naman inilalarawan si Hesus na Punong Pari na nagdusa ng kahinaan at tukso sa mundo (subalit hindi nahulog sa kasalanan). Naghirap ang Panginoon upang matupad ang misyon niyang ialay ang sarili sa paglilingkod sa Ama at sa ating mga kapatid niya.

 

Hindi pa naman sikat ang salitang serbis ngayon. Ang habol ng tao ay kayamanan, tagumpay, posisyon, at seguridad, dala din ng pandemya. Ang serbis e maririnig na lang sa gasolinahan at sa spa. Ay oo nga pala, paboritong salita din ito ng isang grupo ng mga tao at gasgas na ang gamit nito sa kanila – ang mga pulitiko. Hayagan nilang pangako ang maglingkod pero hanggang kampanya lamang. Praktikal ang mundo ngayon. Paano ka nga naman maglilingkod kung may career na kailangang marating, pamilyang kailangang pakainin, mga bayarin na kailangang matapos?

 

Habang may ilang taong pinipili ang buhay paglilingkod, paalala ng Panginoong Hesus na lahat ay dapat magkaroon ng diwa ng paglilingkod. Hindi sa Africa o sa Marawi. Maglingkod kung saan ka naroroon; kung saan ka kailangan; kung saan angkop ang iyong talino at lakas. At siyempre, maglingkod ng tahimik. Uso kasi ngayon yung tumutulong sa mga mahihirap pero may kasunod na kamera para sa youtube – poverty porn ang tawag – ginagamit lang ang mga dukha para sumikat o kumuha ng suporta at maraming views. Hindi madaling maglingkod na hindi napapansin, hindi napapasalamatan, hindi hinahangaan.

 

Pinaglingkuran ng Panginoong Hesus ang plano ng Ama. Bilang mga alagad, ipangako nating maglilingkod sa Panginoon. At gagawin ito nang may pagmamahal, kabutihan, pagtitiyaga at katahimikan.

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS