SAINT OF OCTOBER; PAPA SANTO JUAN PABLO II ( POPE JOHN PAUL II )

 

OKTUBRE 22

 



 

A. KUWENTO NG BUHAY

 

Kung tutuusin, tila hindi na dapat pang ipakilala ang santong ito.  Halos kilala pa siya ng lahat ng mga nabubuhay sa mga unang taon ng milenyo 2000.  Kailan lamang siya pumanaw, 2005, at dahil dito sariwa pa ang kanyang ala-ala. Dalawa pa lamang ang kanyang kahalili bilang Santo Papa at parehong malakas at aktibo pa ang mga ito (Pope Emeritus Benedict XVI, na nagbitiw sa puwesto, at Pope Francis) sa panahon ng pagsusulat ng aklat na ito.

 

Dahil sa tagal ng kanyang paglilingkod bilang Santo Papa, mula 1978 hanggang 2005 (26 taon), napakarami niyang naiwang larawan, aklat, at impluwensya sa ating daigdig. Kalat sa mga bookstores at sa internet ang kanyang mga salita at gawa noong nabubuhay pa siya.  Hanggang ngayon ay hindi pa tapos na pagnilayan ang mga hamon niya sa ating lahat.

 

Isinilang ang bunsong si Karol Jozef Wojtyla sa Poland noong 1920.  Ang kanyang ama ay si Karol at ang kanyang ina ay si Emilia. Maaga siyang naulila sa ina (taong 1929). Hindi rin nagtagal ang buhay ng dalawa niyang mga kapatid, si Olga na namatay sa pagkabata at ang kanyang kuyang si Edmund, isang doktor (namatay, 1932). Tanging kasama na lamang niya sa buhay ang kanyang ama pero hindi nagtagal ito. Namatay ang kanyang ama, na dating sastre o mananahi at dating sundalo, noong 1941.

 

Una siyang nag-aral sa Wadowice na kanyang bayan. Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa pamantasan ng Krakow, ang Jagiellonian University. Nang dumating ang mga Nazi sa Polang noong World War II, nagtrabaho si Karol bilang simpleng manggagawa upang hindi siya mai-deport at upang suportahan ang kanyang ama.

 

Mabuting Katoliko ang pamilyang Wojtyla. At maagang naging deboto ng Mahal na Birheng Maria si Karol.  Naging aktibo siya sa kilusan ng mga kabataan sa kanilang simbahan. Nag-aral at nagbasa siya ng kanyang pananampalataya na unti-unting lumalim at nagbunga bilang paghahanda sa maraming sakripisyo ng kanyang buhay. Mahilig din siya sa teatro at gumanap siya bilang isang aktor sa mga pagtatanghal, kahit noong panahon ng digmaan.

 

Una siyang nag-aral sa isang sikretong seminaryo noong panahon ng giyera at ipinagpatuloy niya ito noong malaya na ang kanyang bansa mula sa mga Germans.  Nang maging pari siya ay ipinadala siya sa Roma upang mag-aral ng Pilosopiya sa Angelicum University.

 

Pagbalik sa Poland, naglingkod siya sa parokya, nagturo sa unibersidad, at naging chaplain ng mga estudyante. Nagturo din siya sa seminaryo. Subalit maagang naging katuwang na obispo at Arsobispo ng Krakow si Karol. Hindi nagtagal at hinirang siyang maging isang Kardinal. Mahirap ang kanyang posisyon dahil noon ay hawak naman ng mga Komunista ang buong bansa kaya marami siyang pakikipagtunggali sa mga awtoridad.

 

Nakadalo at nakapag-ambag siya ng talino at galing sa Second Vatican Council. Dinala niya ang mga bunga ng council na ito sa kanyang bayan. Masipag siyang nagturo, humubog at gumabay sa kanyang mga pinaglilingkuran.

 

Isa siya sa pinakabatang naging Santo Papa noong 1978 at kinuha niya ang bagong pangalan na Pope Juan Pablo II. Siya din ang una sa matagal na panahon na humalili sa puwesto ni San Pedro na hindi isang Italyano. Pagkamatay niya ay hindi na muling naluklok ang isang Italyano bilang Santo Papa (si Pope Benedict ay German at si Pope Francis naman ay Argentinian).

 

Napakaraming paglalakbay ang ginawa ni Papa Juan Pablo II sa loob ng Italya (146) at sa buong mundo (104). Sa katunayan, dalawang beses siyang nakarating sa Pilipinas (1981 at 1995). Ang kanyang pagdalaw noong 1995 ay naging pinakamalaking pagtitipon ng mga tao sa buong kasaysayan ng pagtanggap sa isang Santo Papa noong panahong iyon. Napamahal sa puso niya ang ating bansa at lubos din natin siyang minahal.

 

Napakaraming naisulat ang santong ito bilang pagtuturo at pagganyak sa pananampalataya. Napakarami niyang idineklarang mga santo at beato. Nagtawag siya ng maraming pulong ng mga obispo at mga layko para sa kabutihan ng simbahan.

 

May nagtangka sa kanyang buhay noong 1981 subalit dahil sa tulong ng Mahal na Birhen, naligtas siya matapos ang pamamaril sa kanya. Inialay niya ang bala na pumasok sa kanyang katawan sa dambana ng Mahal na Birhen ng Fatima sa Portugal. Pinatawad at dinalaw niya sa kulungan ang bumaril sa kanya. Sa Pilipinas noong 1995 ay natutop din ang isang balak ng mga terorista na patayin si Papa Juan Pablo.

 

Napakaraming mga pagdiriwang ang sinimulan niya para sa kasiglahan ng mga Katoliko. Isa na dito ang sikat na sikat na World Youth Day. Mapalad din siya na salubungin ang taong 2000 sa pamamagitan ng Great Jubilee Year. sobrang dami ng mga tao, sikat man o simple, ang nakaharap o nakakita kay Papa Juan Pablo. Hindi ko makakalimutan na dinala ako ng yumaong Jaime Cardinal Sin ng Maynila upang makatagpo ang Santo Papa noong 1998. Nalathala sa isang sikat na pahayagan ang kuwento kong ito. Kinausap ako ng Santo Papa at binigyan ng isang Rosaryo para sa aking nanay. Nagkaroon pa kami ng panahon na kaming dalawa lamang ang naiwan sa opisina kung saan kami nagkatagpo. Para akong nasa langit sa mga oras na iyon!

 

Pahina nang pahina ang Santo Papa sa mga huling taon ng kanyang buhay dala ng kanyang sipag, katandaan at epekto ng pamamaril sa kanya. Namatay siya noong 2005 sa Kapistahan ng Divine Mercy, na paborito niyang kaganapan at siya rin ang nagpasikat ng pistang ito. Parang tumigil ang buong mundo nang ilibing siya, isang pangyayari na dinaluhan ng halos lahat ng mga lider ng mga bansa (pati mga Muslim, Komunista o magkaka-away na bansa), at ng mga lider ng iba’t-ibang relihiyon.

 

Noong 2011 ay nadeklara siya bilang Blessed at noong 2014, bilang Santo.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Ang santong ito ay bahagi ng ating buhay bilang mga Pilipino. Palagi siyang gumagamit ng mga salitang Tagalog o Cebuano sa pagbati sa atin. Salamat sa Diyos at nakilala natin siya. Malaki ang pagmamahal at paghanga niya sa ating pananampalataya.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Jn 6; 19-20

 

Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, napansin nilan naglalakad si Jesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: Ako siya; huwag kayong matakot.

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS