IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
NANG ANG BULAG ANG MAG-AKAY SA IBANG BULAG
MK 10: 46-52
Sa dinami-dami ng mga pinagaling ni Hesus, bihira na binabanggit sa Mabuting Balita ang kanilang pangalan. Alam lang natin na hinilom ng Panginoon ang “lalaking tuyot ang kamay,” ang “babaeng dinudugo,” ang “anak ni Jairo,” o ang “alipin ng senturyon.” Kaya pambihira na ngayon, sinabi ni San Marcos kung sino ang bulag na pinagaling ng Panginoong Hesus. Tadaaaaa…. si Bartimeo!!!
Bakit kaya binanggit ang pangalan ng bulag na namamalimos sa kalsada? Dahil kaya kilala ang tatay niyang si Timeo ng mga tao doon? Dahil kaya gusto ni San Marcos na sabihing hindi gawa-gawa lang ang kuwento niya? O baka naman may natatanging mensahe ang bulag na ito sa kabulagan ng mga tao sa panahong ito. Palagay ko, yung huli ang tunay na dahilan.
Nang madinig ni Bartimeo na dumadaan ang Panginoong Hesus, nagsisigaw siya: Hesus, Anak ni David, maawa ka sa akin! Hindi siya basta nagdasal; hindi bumulong ng taus-pusong panalangin. Sa halip, nagsisigaw siya nang malakas at tuloy nahiya ang mga tao at pilit siyang pinatahimik. Subalit nagtagumpay ang plano ng bulag; napansin siya ng Panginoon, ipinatawag siya, at hinilom siyang lubos.
Maaaring bulag si Bartimeo pero malinaw ang panloob niyang paningin; ang mata ng pananampalataya niya. Nakita niya kay Hesus ang tanging pag-asa. Nakita niya kay Hesus ang umaapaw na kapangyarihan. Nakita niya kay Hesus ang Diyos ng awa na lumalakad dito sa lupa. At hindi niya palalagpasin ang pakakataong ito para humingi, hindi ng abuloy, kundi ng liwanag! Nabatid ng bulag ang bukal ng liwanag at sinunggaban niya ito.
Ngayon, may isang mabisang panalanging mula sa mga Orthodox Christians na ang tawag ay “Jesus Prayer,” na halaw sa panalangin ng bulag. Inuulit nila ito: “Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos, maawa ka sa akin na isang makasalanan.” Kilala ang dasal na ito na nagdudulot ng kapanatagan kung naliligalig; ng tulog kung balisa sa gabi; ng kalayaan mula sa tukso at batikos ng demonyo. Subukan po ninyong dasalin ito dahan-dahan at taimtim, gamit ang inyong Rosaryo. Nakakatulong din ito sa akin, base sa sarili kong karanasan.
Anong kadiliman kaya ang bumabalot sa buhay mo ngayon? Alinlangan sa pananampalataya? Problemang pinansyal? Karamdaman? Panlulupaypay at takot? Family problems? Tandaan mo na kung nabubulagan tayo ng mga madidilim na puwersa ng mundong ito, nakikinig naman ang Panginoong Hesus sa tawag ng sinumang sumisigaw sa kanya. Sa kadiliman, huwag mawalan ng pag-asa. Sa kadiliman, matutong sumigaw at manalig sa puso mo; Hesus, Anak ng Diyos, maawa po kayo sa akin.”
Comments