SAINTS OF OCTOBER: SAN ANTONIO MARIA CLARET
OKTUBRE 24
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa mga paborito kong bookstores ay matatagpuan sa Quezon City. Ito ay pinamamahalaan ng religious congregation na itinatag ng santo sa araw na ito. Maayos ang kolekyson ng mga aklat dito lalo na sa larangan ng spirituality at theology. Madalas din magdaos ng sale o murang pagbebenta ng mga libro sa Claretian Publications.
Ipinanganak sa isang pamilya ng mga manggagawa si San Antonio Maria Claret noong 1807 sa Catalonia sa Espanya. May angking kakayahan sa pag-aaral ang santo mula pa sa pagkabata. At dahil sanay sa hirap ang kanyang mga magulang, masipag din siya sa kanilang hanapbuhay na paghahabi ng mga tela o kayo.
Sinubukan niyang pumasok sa seminaryo at pinalad namang makatapos hanggang maging ganap na pari. Una siyang naging isang paring lingkod sa parokya. Ninais niyang maging misyonero kaya pumunta siya sa Roma.
Habang naroon ay pumasok siya sa seminaryo ng mga Heswita. Dahil sakitin si San Antonio Maria, hindi niya nakayanan ang paghubog doon. Kaya umuwi na lamang siya sa kanyang bayan.
Ibinuhos niya ang kanyang lakas at talino sa pangangalaga ng parokya. Buong sipag niyang ginampanan ang pangangaral sa malalayong lugar kahit na naglalakad lamang siya. Nagbigay din siya ng mga pagtuturo para sa mga pari. Naglathala siya ng maraming aklat. Mahigit isang daan at limampu ang mga librong naisulat niya.
Matagumpay ang mga gawain ni San Antonio Maria. Hindi mapigilan na may mga nagalit o nainggit sa kanya mula sa grupo ng mga pari. Dahil dito, muli siyang umalis para magmisyon sa Canary Islands. Matapos ang higit sa isang taon, muli siyang nagbalik sa Catalonia upang mangaral sa sarili niyang lugar.
Kasama ang ilang pari, binuo niya ang isang religious congregation para sa misyon. Nakilala ito bilang Congregation of Missionary Sons of the Immaculate Heart of Mary. Mas bantog ito sa pangalang Claretians. May presensya ang mga Claretians sa Pilipinas mula sa Quezon City hanggang sa Mindanao.
Nahirang bilang Arsobispo ng Santiago, Cuba si San Antonio Maria. Masipag siyang dumalaw sa kanyang mga nasasakupan, nangaral laban sa pang-aalipin o slavery ng mga Africans, at inayos niya ang pagsasama ng mga taong hindi pa kasal sa simbahan.
Dahil sa kanyang sipag at tagumpay sa bawat gawain, may mga nagalit na naman sa kanya. Humantong ito sa tangkang pagpatay sa kanya. Nasugatan siya subalit naligtas sa tangka sa kanyang buhay.
Pinabalik sa Espanya si San Antonio upang maging personal na tagapagpa-kumpisal sa Reyna Isabela II. Marami pa rin siyang nagawang kabutihan dahil sa impluwensya niya sa reyna. Nakatulong siya sa mga mahihirap, sa kabutihan ng simbahan at sa kapakanan ng mga grupong relihyoso.
Dahil sa isang rebolusyon, napatalsikang reyna at itinapon sa France. Kasama si San Antonio Maria dahil napapahamak din ang kanyang buhay. Pero sa France ay ipinagpatuloy niya ang kanyang masipag na pangangaral ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Nakatulong pa si San Antonio Maria sa paghahanda para sa Unang Konsilyo Vaticano (First Vatican Council). Ginugol niya ang nalalabi niyang buhay sa isang Cistercian monastery sa Fontfroide. Dito siya namatay noong 1870.
B. HAMON SA BUHAY
Tulad ni San Antonio Maria, ibuhos nawa natin ang lahat ng ating lakas sa mga bagay na makakatulong sa ating kapwa at makapagbibigay ng higit na kaluwalhatian sa Diyos, maaaring hindi sa malayong misyon kundi saanman tayo naroroon ngayon.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 12, 48b
Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.
Comments