SAINTS OF OCTOBER: PAPA SAN JUAN XXIII ( POPE JOHN XXIII)
OKTUBRE 11
A. KUWENTO NG BUHAY
Masasabing modernong santo ang taong ito na may malaking bahagi sa kasaysayan ng simbahan at ng daigdig. Malamang na naaalala pa siya ng ating mga ilan sa ating mga lolo at lola na nakabalita ng mga kabutihang nakadikit sa kanyang pagkatao. Namatay siya noong lamang 1963 at nanatili bilang isa sa mga pinakamamahal at iginagalang na kinatawan ng simbahang Katoliko.
At kahit na marami sa mga Katoliko ang hindi na kilala ang kuwento ng buhay ni Papa San Juan XXIII, nabubuhay tayo sa ilalim ng impluwensya ng kanyang simulain na nagdulot ng maraming pagbabago sa simbahan – ang “Second Vatican Council.”
Madalas nating marinig ang mga salitang ito sa simbahan o sa pag-aaral ng ating pananampalataya. Iyong nga lang, hindi laging ipinapaliwanag mabuti sa mga tao ang kahulugan nito. Si Papa San Juan XXIII ang nagpatawag ng malaking pagpupulong na ito ng buong simbahan noong 1962, kaya malaki ang utang na loob natin sa kanyang magaling na pagpapasya para sa pagsulong at paglago ng pananampalataya sa modernong panahon.
Simpleng mga magsasaka ang mga magulang ni Angelo Giuseppe Roncalli. Ipinanganak siya noong 1881 sa Sotto il Monte sa Italy. Malapit sa isa’t-isa ang pamilyang ito na nagkaroon ng 14 na mga anak, at pang-apat dito ang ating santo. Sa pamilya, sa tulong ng kanyang tiyuhin, natuto siyang manalig sa Diyos at magdasal. Sa parokya, natuto siyang maglingkod at maging bahagi ng mas malaki pang pamilya ng Diyos.
Pumasok sa seminaryo si Angelo Giuseppe at masipag siyang nag-aral. Matapat din siya sa tinatawag na spiritual direction kung saan lumago ang kanyang espirituwalidad. Natuto siyang magsulat ng diary o journal na patuloy niyang ginawa hanggang sa kanyang pagtanda.
Nang maging ganap siyang pari, ginawa siyang private secretary ng obispo ng Bergamo. Marami siyang natutuhan sa taong ito na kanyang hinangaan. Nagbasa siya ng mga sulat nina San Carlos Boromeo at San Francisco de Sales na pawang magagaling na pastol ng kawan ng Diyos. Nakapagturo din siya sa seminaryo at humawak ng iba pang gawain.
Nahirang si Angelo na maging obispo at ginawang kinatawan ng Santo Papa sa Bulgaria. Naging malapit siya hindi lamang sa mga Katoliko doon kundi pati sa mga ibang Kristiyano. Tahimik niyang dinala sa kanyang puso ang mga sakripisyong kaakibat ng kanyang gawain sa tulong ng tiwala at pagsuko kay Kristong Nakapako sa Krus.
Nang maging kinatawan siya ng Santo Papa sa Greece at Turkey, nakilala naman niya at minahal ang mga kapatid nating Kristiyanong Ortodoso at ang mga Muslim. Noong Second World War, marami siyang natulungan na mga Hudyo na makaligtas sa kamatayan mula sa mga Nazi. Naging nuncio din siya sa France.
Sa kabila ng kanyang maraming gawain, patuloy naman siyang namuhay nang simple, madasalin, masayahin. Nahirang siyang Kardinal at arsobispo ng Venice (ang pormal na titulo ay Patriarka ng Venice). Akala niya dito na siya mapipirmi hanggang sa mamatay siya pero may ibang plano ang Diyos.
Matanda na siya, 76 taong gulang, nang mahalal siya bilang bagong Santo Papa noong 1958, isang bagay na hindi inaasahan ng marami. Ninais ni Angelo na makilala sa pangalang Papa Juan XXIII.
Kahit limang taon lamang siyang mananatili sa puwestong ito, malinaw na ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa lahat bilang larawan ng Mabuting Pastol na si Jesus. Naging aktibo siya sa paglilingkod at laging nagpapakita ng pagmamahal sa mga maliliit na tao sa lipunan.
Sa pagkagulat ng lahat, tumawag siya ng isang general Council, ang Second Vatican Council, noong 1962. Layunin ng pandaigdigang pagpupulong na ito ng mga obispo na gawing makabuluhan ang simbahan sa gitna ng maraming hamon at pagsubok sa mundo noon. Hindi niya nais na baguhin ang nilalaman ng pananampalataya kundi gawing mainam ang pagpapahayag nito sa mga tao. Ang ating simbahan ngayon ay nabubuhay sa ilalim ng diwa ng Council na ito.
Nagsulat din ng mga aral si Papa San Juan, lalo na tungkol sa pananagutan ng simbahan sa lipunan sa larangan ng kapayapaan at paglingap sa mga maliliit na tao. Maraming nabighani sa kabutihan at kababaang-loob ng santo kaya tinawag siyang “the good Pope” (ang mabuting Santo Papa).
Bagamat sinimulan niya ang Council, hindi niya ito natapos. Namatay siya dahil sa kanser sa tiyan noong 1963. Siya ang unang Santo Papa na naging “Man of the Year” ng sikat na Time Magazine sa America. Nasundan siya ni Pope John Paul II at ni Pope Francis.
Si Papa San Juan ang humirang ng unang Pilipino para maging Kardinal ng simbahan, si Rufino Cardinal Santo ng Maynila, noong 1960. Siya rin ang nagpasinaya ng pagbubukas ng Collegio Filippino, ang tahanan ng mga paring Pilipino na nag-aaral sa Roma.
Magkasabay na nadeklarang santo si Papa San Juan XXII at Papa Juan Pablo II noong 2014.
B. HAMON SA BUHAY
Maraming tao ang nagbabago ng ugali kapag naging sikat o mayaman. Tingnan natin ang halimbawa ng santong ito na laging nakalapat ang mga paa sa lupa, laging naalala kung saan siya nagmula.
K. KATAGA NG BUHAY
Juan 10: 14-15
Ako siyang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama. At itinataya ko ang aking buhay para sa mga tupa.
Comments