SAINTS OF DECEMBER: SANTA JUANA FRANCISCA DE CHANTAL


DISYEMBRE 12

SANTA JUANA FRANCISCA DE CHANTAL (ST. JANE FRANCES DE CHANTAL), NAMANATA SA DIYOS (RELIGIOUS)

A. KUWENTO NG BUHAY

Kakaibang landas ang tinahak ng ating santa para sa araw na ito. Si Santa Juana Francisca de Chantal ay isinilang sa France noong 1572. Matapos ang kanyang ika-20 taon, ikinasal siya sa isang lalaking may mataas na antas sa lipunan, ang maginoong may katungkulan na kilala bilang Baron de Chantal.  Nagbunga ng anim na anak na lalaki ang kanilang pagmamahalan subalit apat lamang ang nabuhay.  Sa kanyang mga anak, ibinahagi ni Santa Juana Francisca ang pagmamahal sa Diyos, sa kapwa at sa simbahan.   Hindi nagtagal ang buhay ng asawa ni Santa Juana Francisca at yumao ito sa mundo matapos ma-aksidente sa pangangaso. Kapapanganak pa lamang niya sa bunsong anak noon.



Bilang isang biyuda, itinuon ni Santa Juana Francisca ang kanyang pansin sa pag-aaruga sa kanyang mga anak. Naging mabuti siyang ina sa kanila. Gayundin, naging bahagi ng buhay niyang magpakita ng pag-aaruga sa mga maysakit at sa mga mahihirap. Sinikap niyang makatulong sa mga ito.

Nakilala ni Santa Juana Francisca si San Francisco ng Sales, isang banal na obispo na noon ay nangangaral sa Dijon, France. Naging magkaibigan sila at humingi ng gabay si Santa Juana Francisca upang lumago ang kanyang buhay panalangin. Maraming mga sulat ng dalawang banal na ito sa isa’t-isa ang hanggang ngayon ay naitago at maaari pang basahin.  Isang halimbawa ng banal na pagkakaibigan (holy friendship) ang ugnayan nilang dalawa.

Pagkaraan ng ilang panahon, nagpasya si Santa Juana Francisca na lisanin din ang daigdig upang maging isang madre bilang bahagi ng isang grupo ng mga madre na nais itatag ni San Francisco ng Sales.



Ano nga ba ang isang madre? Ang isang madre (“religious sister” o “nun” sa Ingles) ay isang babaeng namanata ng kanyang buong buhay sa Diyos. Dahil dito, iniiwan niya ang kanyang pamilya upang maglingkod, kasama ng iba ding mga madre, sa iba’t-ibang paraan sa Panginoon sa pamamagitan ng mga gawaing pang-relihyon. May mga madre na nasa loob ng monasteryo (tinatawag ding “mongha”) upang magdasal at magsakripisyo. May mga madre naman na may natatanging misyon sa mundo tulad ng pagtuturo, pagtulong sa mahihirap, pag-aalaga ng maysakit atbp.

Paano nagawa ito ni Santa Juana Francisca gayong siya ay may mga anak?  Una niyang tiniyak na maayos ang katayuan ng buhay ng kanyang mga anak. Kaya hindi naman niya pinabayaan sila. Pagkatapos lamang na makasiguro siyang maganda ang kinabukasan ng mga anak, saka lamang pumasok sa buhay-madre ang ating santa.

Nang mamatay ang kanyang kaibigang si San Francisco, inilathala ni Santa Juana Francisca ang mga sulat nito. Nagkasakit siya nang matagal na panahon at namatay matapos makaranas ng maraming mga pagsubok na espiritwal.

Pumanaw si Santa Juana Francisca noong Disyembre 13, 1641 pero ngayon ang kanyang kapistahan dahil ang Disyembre 13 ay nakatalaga na kay Santa Lucia.




B. HAMON SA BUHAY

Mula sa isang masayang asawa, naging biyuda at nang huli ay nag-madre pa ang ating santa. Minsan sa buhay ay tila pabago-bago ang ihip ng panahon. Pero sa lahat ng pagbabago sa buhay niya, nakita ni Santa Juan.a Francisca na naroon ang Diyos at hindi siya nagbabago sa pagmamahal sa atin. Kaya, anuman ang nangyari, patuloy siyang nagtiwala at naglingkod. Hanapin mo ang presensya ng Diyos sa mga pagbabago sa buhay mo ngayon.

Ngayong Adbiyento, tulad ni Santa Juana Francisca, maging bukas nawa tayo sa gabay ng Diyos


K. KATAGA NG BUHAY

Mt. 6;24
Walang makakapagsilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapababayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS