DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS/ BAGONG TAON K
TANGGAPIN ANG PAG-ASA,
IBAHAGI ANG PAG-ASA
Paano kaya natin masayang
isasabuhay ang taong ito upang laging manatili ang pag-asa at upang patuloy na
makapaglingkod sa Panginoon? Narito ang ilang mungkahi.
Una, magdala ng positibong diwa
sa iyong kapaligiran. Sa unang pagbasa, (Bilang 6) si Moises at Aaron ay
tumanggap ng katiyakan ng mga pagpapala ng Diyos. Mula sa kamay ng Diyos ang mga
mabubuting bagay. Mula sa kanyang mga labi, ay bendisyon. At mula sa kanyang
puso, dumadaloy ang pag-ibig at awa.
Ang mundo ngayon ay babad sa mga
salita ng galit at pagkamuhi, sa mga pagpapahatid ng pagkakahati-hati at
pag-aakusa, at sa mga katuwirang balikuko at sapilitan. Bilang Kristiyano,
ibahagi natin ang ating damdamin at isip sa paraang nakapagpapahilom at nakapagbubuklod.
Ayon sa panalangin ni San Francisco de Asis: kung saan may poot, maghasik ng
pag-ibig; kung saan may nasaktan, kapatawaran; kung saan may siphayo,
pananampalataya. Paano tayo magiging positibo? Magbasa ng Salita ng Diyos,
maglaan ng tahimik na panalangin, maging banayad sa kapwa at mapagkalinga sa
mga dukha.
Ikalawa, simulang mabuhay nang
simple. Sa gitna ng maraming naghihirap at nagdurusa sa paligid natin, ang totoo’y
napakaraming sobra o labis sa ating pamamahay – mga damit na hindi na isinusuot,
mga pinamiling hindi pa nagagamit, pagkaing malapit nang mag-expire, at iba
pang abubot. Sabi ng isang santo, ang mga bagay na ito ay hindi na natin
pag-aari kundi ng mga dukha.
Paano matutong maging simple? Linangin
ang ugali ng pagbibigay at pagbubukas-palad. Pigilin ang sarili sa paghahakot
at pag-iimbak. Mamuhay na walang kalat at may malawak na puwang para sa Diyos
at kapwa sa iyong puso.
Ikatlo, isabuhay ang mga
mumunting kabutihan. Maliban kay Hesus, maraming matututuhan sa mga karakter ng
ating mabuting balita (Lk 2), sina Maria at Jose. Mahalaga ang kanilang
tungkulin sa pagliligtas ng Diyos. Inaalala at pinararangalan sila natin sila. Pero
tingnan, at simpleng nilalang lamang sila na walang rangya at ipagmamayabang.
Ni hindi sila naging martir na
nagdanak ng dugo. Hindi rin sila nangaral sa malayong lupain. Wala silang
naitayong simbahan o paaralan. Ang tangi nilang ginawa ay sunda ang kalooban ng
Diyos sa tulong nga mga “mumunting kabutihan” na ginawa nila araw-araw. Sila ay
naging masunurin, tapat, banayad, mapagpakumbaba, payak at mabuti sa
kapitbahay. Hind mga bagay na dakila; subalit mga buhay na namutiktik sa
kabanalan dahil sa mumunting kabutihan sa Diyos at kapwa. Ang mga ito ang naging alay nila araw-araw sa Sanggol na si Hesus na ipinadala ng Diyos sa kanilang buhay. Magiging kaaya-aya rin tayo sa mata ng Diyos kung pilit nating isasabuhay ang mumunting mga gawain natin na may pag-ibig at pagtalima saan man tayo naroroon at anuman ang ating mga situwasyon.
MANIGONG BAGONG TAON SA INYONG
LAHAT!