KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK
PAUWI SA TAHANAN
Matapos ang matagal na hindi
pagkikita, nagtagpo din kami ng isang kaibigan. Mahirap pala ang kanyang
pinagdaanan. Pinagtaksilan ng mga kaibigan, pinahirapan ng mga kaaway, at
itinatwa ng kanyang amo. Matapos ang pagtatalaga ng buhay sa trabaho, dama niya
ang pagiging talo at walang pag-asa. Nagulantang siyang ang mga pinagtiwalaan
pala ang sisira sa kanyang buhay.
Subalit sa gitna ng pag-uusap, isang
mahalagang aral ang natanim sa kanyang isip. Naalala niyang tanging ang pamilya
niya ang maaasahan sa mga panahon ng kapaitan at dusa. Dumating sila upang
suportahan siya, makiisa sa kanya at punuin siya ng lugod at pagmamahal.
Habang nagdiriwang tayo ng
Kapistahan ng Banal na Mag-anak, saksi tayo sa tatag ng pamilya nina Hesus,
Maria at Jose. Narito at buo sa harap ng Diyos, at dahil doon, matatag sila sa
katapatan sa Diyos at sa isa’t-isa. Ang pagdadala ni Jose at Maria kay Hesus sa
templo ay pagbibigay halimbawa sa bata ng kanilang pananampalataya at pagtalima
sa Diyos ng Israel. At ang pag-aalala naman ng mga magulang na ito sa pagkawala
ng kanilang anak, ay nagsilbing aral kay
Hesus kung paano magpakita ng paglingap at pagkalinga sa kapwa, lalo na sa
isang mahal sa buhay.
Ang Batang Hesus ay unti-unti
ngunit tiyak na natuto sa kahanga-hangang ugali ng kanyang inang si Maria at
ama-amahang si Jose. Sa kanyang batang isip, alam niyang nais niyang ialay ang buong
buhay sa Ama sa langit. Nakintal din sa kanyang murang isip ang pagnanasang
hanapin at ibalik ang nawawala at napabayaan sa lipunan. Mapalad si Hesus sa
kanyang mga magulang. Mapalad si Jose at Maria na nag-aruga sa Anak ng
Kataas-taasang Diyos.
Walang pamilyang perpekto ngayon
sa mundo. Laging may dapat ayusing bagay o ugnayan. Laging may taong dapat
tanggapin, unawain, patawarin, hamunin at mahalin nang may pagpapasensya.
Sa gitna ng mga pagsubok sa
pamilya, lumapit tayo sa Diyos at hindi sa Facebook (kung saan tila lahat ng
pamilya ay masaya at buo). Kumapit tayo ng mas mahigpit sa isa’t-isa, hindi sa
ating mga cell phone. Ang panalanging pampamilya at suporta ng pamilya ang susi
ng kaligtasan para sa marami sa atin, o para sa lahat sa atin!
Isang ina ang nakabatid na
naliligaw ng landas ang anak niya sa pananampalataya nito at sa buhay pamilya
nito. Nagkulong sa kuwarto ang ina nang dalawang araw upang magdasal at
mag-ayuno para magbalik loob ang anak sa Diyos at sa kanyang mga mahal sa
buhay. Nang ikalawang araw, nag text ang anak na katatapos lang niya
magkumpisal at handa na siyang umuwi sa pamilya niya. Sana maging mapagtalima
tayo sa Panginoon at sa ating mga pamilya tuwina!