IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO K
Pekeng Balita = Kita;
Mabuting Balita = Propeta
Pinangangatawanan ni San
Lukas ang pagiging mananalaysay. Hindi kasing sopistikado ang
kasaysayang alam niya kung ihahambing sa modernong pananaliksik at
paghahalungkat ng mga detalye sa panahon natin. Ang nais niyang
ilahad ay hindi basta balita kundi kasaysayan ng kaligtasan, ang
pakikilahok ng Diyos sa buhay ng kanyang mahal na bayan.
Sa ikalawang Linggo ng
Adbiyento, mababasa natin ang mga pangala ng mga pinunong pamilyar sa
mga Hudyo nang panahon ng paglitaw ni Juan Bautista. Sino nga ba ang
mga taong ito?
Si Tiberio ay ampon at
kahalili bilang emperador ng Roma ng kanyang ama-amahang si Augusto.
Nasa ikalabing-limang taon ng panunungkulan niya nang dumating si
Juan Bautista. Ito ang tanging batid nating petsa sa buhay ng
Panginoong Hesus. Walang natatalang direktang interes sa pamamahala
sa Palestina si Tiberio. Si Herodes naman ay pinuno ng Galilea
(subalit sa ilalim ng emperador) at naging bantog sa pagpatay sa mga
inosenteng sanggol sa Betlehem, isang malagim na tagpo na akma sa
marahas niyang panunungkulan at pagkapit sa kapangyarihan.
Si Felipe na kapatid ni
Herodes ay pinuno ng Iturea at Traconia. Matapat siya sa Roma kung
saan siya nag-aral. Mukhang payapa ang panunungkulan niya. Ang lugar
na Cesarea Filipos ay ipinangalan niya sa emperador (Cesar) at sa
kanyang sarili (Filipos). Asawa niya si Salome na anak ni Herodias,
ang babaeng nagpapatay kay Juan Bautista. Si Lisanias naman ay lider
na mukhang hindi kilala maliban sa pagbanggit ni San Lukas.
Si Annas ang punong
paring higit na makapangyarihan at patunay nito ang paghalili sa
kanyang puwesto ng kanyang limang anak at ng manugang niyang si
Caifas. Si Annas ang kapural sa planong pagpatay kay Hesus. Si Caifas
naman ang unang nagmungkahi na mas maiging mamatay si Hesus kaysa
magkagulo pa ang bayan.
Hindi naman lahat ng mga
pinunong ito ay masasama, subalit walang sinuman ang nagdala sa mga
tao ng katuparan ng kanilang pinakamalalim na kalooban at
pinakamatimyas na pangarap. Maging emperador man, o munting pinuno o
lider relihyoso, isang bagay lang ang sinikap nilang itatag para sa
sarili at sa kanilang pamilya – ang kita na katumbas ng kanilang
panunungkulan. Kumita sila ng yaman, kapangyarihan, at seguridad ng
kanilang angkan.
Ang mga tao naman ay
hindi interesado sa kita ng kanilang mga pinuno. Ang puso at isip
nila ay naghahangad ng kalayaan at kahulugan; nagnanasa silang
makatagpo muli ng mensahero ng Diyos na matagal nang hindi
nagpapakita. Hindi kita, kundi propeta, ang nais nilang magbahagi ng
salita ng DIyos at magturo ng landas na tatahakin.
Binuhay ni Juan Bautista
ang presenya ng propeta sa Israel. Dumating siyang balot ng kapayakan
at kalinisan ng puso, upang iabot sa madla ang mensahe ng Diyos at
gisinging muli ang katapatan at debosyon ng mga tao sa Panginoon.
Bilang propeta, nagsalita siya kahit sa ikapapahamak ng kanyang
buhay, upang buksan ang landas ng kaligtasan na darating na sa
katauhan ni Hesus.
Ilan kaya ngayon ang
nagpapanggap maglingkod pero sa katunayan ay nais lamang ang kita?
Ang mga pulitikong may hindi maipaliwanag na pag-angat sa buhay at
walang kahihiyang magsinungaling, manira ng kapwa, at pumatay ng tao.
Ang mga pastor na ang pangaral ay tungkol sa pagpapayaman at mabuting
pakiramdam lamang. At tiyak na may mga pari ding ginagawang
hanap-buhay ang kanilang bokasyong banal. Naaamoy ng mga tao at
isinusuka ang mga ganitong pinuno.
Salamat sa Diyos at may
dumarating din paminsan-minsan na mga kahawig ng propeta, mahina at
walang laban subalit puspos ng Espiritu ng Diyos at nag-aalab sa
pag-ibig sa kapwa. Kaamoy sila ng mga pinaglilingkuran. Dala nila ay
pag-asa at tapang. Nag-uudyok sila sa pagbabago. Ipinakikita nila ang
mukha ni Kristo. Ganito palagay ko si Bishop Ambo David ngayon.
Ngayong
Adbiyento, ipagdasal nating makilatis ang pekeng balita ng kita at
madama ng mabuting balita ng propetang ipinadadala ng Diyos sa atin.