IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K



Pekeng Balita = Kalungkutan; Mabuting Balita = Kagalakan






Likas na nagta-type ka ng smiley sa iyong text o sa reaksyon mo sa isang post sa social media. Ibig sabihin ba talaga kang masaya? Kahit hindi nag-iisip, nilalagyan mo ng “haha” ang iyong sagot sa mensahe ng kaibigan o kung nagpapadala ka ng mensahe sa kanya. Tanda ba ito na tunay kang natutuwa?



Maraming paraan ngayon ng halos awtomatik na pagpapahayag ng ideya ng kasiyahan. Pero totoo ding sobrang dami ngayon ang nakikipagbuno sa depresyon, nag-iisip ng suicide, o nabubuhay na galit sa sarili o sa mundo. Ayon sa mga survey lalong nakababad ang isang tao sa social media, lalo ding hiindi siya masaya sa sarili dahil sa pagkukumpara at sa paghahanap ng atensyon at pagpapahalaga ng kapwa.



Ang mundo ng mga gadget ay kayang mameke ng saya. Ang materyal na mundo ay puwedeng mag-alay ng luho pero hindi kayang magbunga ng ligaya. Ang mundong abala sa maraming bagay ay walang panahong huminto upang damahin at tamasahin ang damdamin ng galak. Ngayong parating na ang Pasko, ang mga panlabas na anyo ay kayang magdala ng ningning sa paligid subalit hindi kayang magdulot ng kapayapaan at kapanatagan na ibayo pa sa saganang nasa pagkain at inumin, regalo at palamuti, tugtugin at mga piging.



Sa paghahanda natin sa pagdating ng Mananakop, ang mga pagbasa ay nagpapa-alala na ang Mesiyas ay naparito upang punuin ng galak ang daigdig. Ang unang pagbasa nga ay isang pagganyak sa Israel na isantabi niya ang lungkot at siphayo. Ang dumarating na Diyos ay hudyat ng pagsasaya, pagmamahal, at pagdiriwang. Sa mabuting balita, si Juan Bautista ay nagbabahagi ng sikreto ng kanyang kagalakan – Isang higit na makapangyarihan, Isang nagtataglay ng Espiritu Santo at nagpapamudmod nito sa sinumang nais tumanggap. Kay Hesus lamang matatagpuan ang tunay na kagalakan.



Napanood ko ang pagsaksi ng isang kabataang Muslim na lumaki sa pamilyang konserbatibo sa relihyon nila. Hindi niya kilala ang Panginoong Hesukristo at lalong hindi siya interesado sa Kristiyanismo. Subalit hindi niya maiwaglit sa isip ang kapayapaan at kagalakan ng mga kapitbahay niya na isang pamilyang Kristiyano. Nang magtanong siya sa mga ito ukol sa pinagmumulan ng kagalakan nila, nabuksan ang kanyang mga mata sa pananampalataya at niyakap siya ni Hesus bilang alagad. 

Mahirap patunayan ang pagkakaroon ng kagalakan, tulad din na mahirap patunayan na may Diyos sa mga hindi naniniwala dito. Ang kagalakan ay isang bagay na natutuklasan - sa panalangin, sa paboritong gawain, sa presensya ng isang mahal sa buhay. Sa mga taong lubhang naghihirap ngayong panahong ito, matatagpuan ang kagalakan kung magtitiwala tayong sa bandang huli, ang kapangyarihan ng Diyos ang magwawagi sa mundo at sa ating buhay!



Ang paghahabol sa mga bagay ng mundo ang dulot ay kalungkutan; ang paglapit kay Hesus ang dulot ay kagalakan!










Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS