IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA A



PUSO ANG LABANAN DITO





May panahon na ang mga Pinoy ay nabaliw sa pagsunod sa mga artista, mang-aawit, mananayaw o mag-uulat sa tv na mukhang Kano o tisoy/ tisay.



At ang iba – yung pango, kayumanggi, kulot, pandak, katutubo – puwede pa ring sumikat pero bilang komedyante, alalay ng bida, o ekstra, pero hindi bilang bida o love team.



Buti na lang ngayon, maraming Pinoy ang nakakatuklas na ang pambihirang galing, kakaibang ganda at natatanging katangian ng mga tunay na mukhang Pinoy sa tv man o pelikula tulad ni Maine Mendoza (peyborit!), Maymay Entrata, Marcelito Pomoy, Boy Abunda, Ryzza Mae Dizon at iba pa.



Sa wakas nakatawid na tayo mula sa balat patungo sa diwa ng mga tao sa paligid natin.



Mainam ito; magandang hakbang sa tamang direksyon, gaya ng ipakikita sa atin ng unang pagbasa (1 Sam 16).



Sinabihan ng Panginoon si propeta Samuel na maghanap ng bagong hari mula sa mga anak ni Jesse ng Bethlehem.



Nagpunta si Samuel at natural lang na ang unang nilapitan niya ay ang anak na mukhang kagalang-galang, matipuno, at may ibubuga bilang lider. Pero sabi ng Panginoon, hindi daw yun. May iba pang mga anak na ipinakita sa kanya, at gayundin, ayaw ng Panginoon na maging hari isa man sa kanila.



Sa wakas, sinabihan ng Panginoon si Samuel na hiranging hari ang pinakabata, na bagamat guwapo at kahanga-hanga namang tingnan, pero maging ang kanyang pamilya ay hindi nakaisip na magiging dakila siya balang araw. Hinirang ni Samuel si David na kahalili ni Saul, at kalaunan, ito ang naging pinakamagaling na hari ng Israel.



Ano ang dahilan sa kalituhan ni Samuel at sa supresa ng tadhana kay David?



Ang sabi ng Diyos: ang tao sa anyong panlabas tumitingin, pero ang Panginoon, sa puso!



Sobrang totoo yata nito ngayon a!



Mas gusto natin, di ba, na makihalubilo sa maganda, mayaman, mabango, at may pinag-aralan?



Lumalayo tayo mula sa madumi, mahirap, mukhang tanga, mukhang taga-bukid, di ba?



Iba ang pandama ng Diyos. Pakay niya ay ang puso ng tao, puso na nilikha niya para sa kanyang sarili.



Ngayong Kuwaresma, hindi pala titingnan ng Diyos kung gaano kahaba ang mga dasal mo, o gaano kalaki ang donasyon mo, o gaano kadami ang sinalihan mong prusisyon, o gaano kaganda ang ayos ng altar mo, o gaano katapat ka sa mga minanang tradisyong ng penitensya o pagsisisi.



Pero tiyak ako, hahanapin niya:

-               Ang tapat mong puso

-               Ang seryoso mong pagbabago

-               Ang pagsisikap mong magpakabuti

-               Ang tatag mong tumayo sa iyong pagkabagsak

-               Ang pagmamahal mo sa mga mahihirap at dukha

-        Ang sakit, at ang tamis ng iyong matiyagang pagpapatawad, pagtanggap, pagbabahagi



Sa Mabuting Balita, ang mga Pariseo ay nagsabi tungkol kay Hesus na “hindi yan mula sa Diyos.” Laking tawa siguro ng mga anghel sa langit sa katangahan ng mga pariseong ito.



Maaaring hindi makita ng mga tao na relihyoso ka o  madasalin o mukhang banal. Pero, kapatid, hindi iyan ang mahalaga.



Nakikita ng Diyos ang puso mo!



Ngayong Kuwaresma, ialay mo ang puso mo sa Panginoon, pusong tapat, pusong mapagpakumbaba.

(pls share...)






Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS