IKA-LIMANG LINGGO NG KUWARESMA A



PAGLUPIG SA KAMATAYAN





Isang simpleng pamilya ang dinalaw ng hinagpis sa kamatayan ng isa sa mga anak ng mag-asawa.



Nanaginip ang nanay isang gabi na sinasabi ng anak niya na buhay ito sa libingan, at uhaw na uhaw daw ito at gustong makaalis sa puntod.



Kinaumagahan, hinukay ng ina ang malambot na lupa sa sementeryo, iniahon ang katawan ng anak, iniuwi sa bahay at itinuring na buhay muli. Buti na lang nakialam ang mga health officials ng kanilang bayan at naiwasan ang paglaganap ng sakit sa paligid.



Nakagugulo talaga ng buhay itong kamatayan. Sino ba sa ating ang hindi natitigatig ng kamatayan, maliban siguro sa pinakamatatag, pinakabanal, at pinakamahinahong tao sa mundo?



Nakikipagbuno tayo sa ideya ng kamatayan. Naghihimagsik tayo sa pagdating ng kamatayan. Isinusuka natin ang pait na dulot ng kamatayan sa buhay ng tao. Kaya nga sobrang alarma ang dulot nitong covid19 ngayon sa buong mundo.



Gusto nating talunin ang kamatayan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa buhay. Sayang lang at hindi natin kayang gumawa ng hininga ng tao!



Sa Banal na Kasulatan, nababasa nating ang plano ng Diyos ay buhay para sa mga nilalang niya – masagana, masaya, mahabang buhay – hanggang naganap nga ang kasalanan at karupukan na nagdulot ng pagkabulok at kamatayan.



Pero klaro ito, ang Diyos ay para sa buhay, hind para sa kamatayan. Siya ay totoong pro-life!



Gagawin ng Diyos ang lahat upang magtagumpay ang buhay. Tulad ng naghihinagpis na magulang sa naunang kuwento, huhukayin din niya ang lupa upang palayain ang nalibing sa kamatayan. Na-imagine mo na bang gagawin talaga ito ng Diyos?



Ito ang mensahe ng unang pagbasa (Ezek 37) na inilalarawan sa atin. Nagbubungkal siya ng mga puntod, bumubuhay sa yumao na, at pinauuwi muli sila sa kanilang mga tahanan. Magkakagulo ang mga health officials ng bawat barangay niyan!



Pero ito ay malikhaing pagpapahayag lamang ng malalim na kagustuhan ng Diyos para sa kanyang mga anak. Nais niya ang maligaya at nag-uumapaw na buhay. Kapag namagitan ang kamatayan, pangako niya ay muling buhay, bagong buhay, ang Pagkabuhay.



Kaya nga ang mga pagbasa ngayon ay nakaturo sa Muling Pagkabuhay, una ni  Hesus na Anak ng Diyos, at pagkatapos, lahat ng mga tumatanggap sa kanya bilang Panginoon at Diyos.



Sa Mabuting Balita, si Hesus, tulad ng Ama, ay matagumpay laban sa kamatayan. Talagang ginawa niya ang inilahad sa unang pagbasa. Tumungo siya sa puntod ni Lazaro, umiyak doon, binuhay itong muli, at ibinalik sa kanyang pamilya at tahanan.



Inihahanda tayo ng panahon ng Kuwaresma para sa dakilang himalang ito ng Diyos sa kasaysayan at sa ating sariling buhay. Sa dulo ng Kuwaresma ay naroon ang panahon ng Pagkabuhay, kung saan ang kapangyarihan ng kamatayan ay winasak, ang sumpa nito ay pinaglaho, at ang kalumbayan nito ay pinangalat sa hangin.



Nilulupig pa rin ng Diyos ang kamatayan ngayon. Ang Pagkabuhay ng mga namatay ay tiyak na magaganap isang araw… para sa mahal nating mga yumao at para din sa ating sarili.



Ngayon, lahat ng uri ng kamatayan ay talunan na sa harap ng Panginoon – maging ito man ay kamatayan ng emosyon, ng pag-iisip, ng kaluluwa, ng ugnayan, ng pinansyal - pati ang kamatayang dulot ng takot sa corona virus na hinaharap natin...



Ano kayang bahagi ng buhay mo ngayon ang naghihingalo na… o bumulagta na sa lupa… o namatay nang tuluyan?



Tumawag sa Panginoon. Magtiwala sa kanya. Ipahayag sa kanya ang pananampalataya mo sa kanyang kapangyarihan na igawad sa iyo ang buhay, ang bagong buhay! 

pls share...




Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS