SAINTS OF DECEMBER: MARIA, BIRHEN NG GUADALUPE


DISYEMBRE 12

MAHAL NA BIRHEN NG GUADALUPE



A. KUWENTO NG BUHAY

Ang paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe ay kaugnay ng paggunita kay San Juan Diego. Magkadugtong ang kasaysayan ng mga ito. Maaari nating sulyapang muli ang naisulat na tungkol kay San Juan Diego noong Disyembre 9.

Sa Europa ay may mga bantog na dambana ng Mahal na Birhen tulad sa Lourdes sa France at Fatima sa Portugal o kaya’y Our Lady of Knock sa Ireland at Nuestra Senora del Pilar sa Spain, kung saan pinaniniwalaang nagpakita ang Ina ng Diyos sa ilang mga taong napili upang magpamudmod ng mensahe ng Diyos sa Europa o “Old World”.  Sa “New World” o sa mga bagong lugar na nadiskubre ng mga Europeo sa America, Asya at Africa, maipagmamalaki ang kasaysayan ng Guadalupe bilang isang mayamang tanda ng pagmamahal ng Diyos sa kanyang bayan.

Ang pagpapakita ng Mahal na Birhen kay San Juan Diego, isang katutubong Mexicano na naakit sa pananampalataya, ay tila isang hudyat ng kagalakan ng Diyos na yakapin ang lahat ng kanyang mga anak.  Hindi lamang ang mga Europeo na may maputing kutis at matangos na ilong at may mataas na pinag-aralan o mataas na antas ng buhay ang siyang mga anak ng Diyos.

Saan mang bahagi ng mundo, maaaring ipadama ng Panginoon ang kanyang pagmamahal sa mga tao sa pamamagitan ng mga himala at hiwaga na magbubunga ng maraming biyaya.

Hanggang ngayon, ang Mahal na Birhen ng Guadalupe ay nasa puso ng milyon-milyong deboto sa buong daigdig lalo na sa buong South America at sa mga imigrante sa United States.  Karamihan sa mga deboto ay mga dukha, mga manggagawa, magsasaka, mga katutubo, mga lalaki at babaeng tila walang puwang sa mataas na antas ng lipunan.  Subalit sa puso nila, isang malaking kagalakan na ang Mahal na Birhen ay magpakita sa kanilang lupain sa anyong tulad nila – bilang isang katutubong Mexicana. Dahil dito, damang-dama nila ang presensya ng Diyos at ni Maria sa kanilang buhay.

Ang larawan ni Maria sa Guadalupe ay kakaiba din dahil sa larawang ito, si Maria ay nagdadalang-tao. Ito ang dahilan at Patron Saint ng Pro-Life movement ang Birhen ng Guadalupe.  Ang pag-aaruga ni Maria sa kanyang Anak, ang kanyang pagtanggap sa buhay na kaloob ng Ama, ang kanyang pagtatanggol sa sanggol ng kanyang sinapupunan ay inspirasyon upang mahalin at alagaan ang bawat batang isisilang pa sa mundong ito. Ang aborsyon ay isang malaking kasalanan dahil ito ay pagpatay sa inosenteng buhay na Diyos lamang ang nagbibigay bilang regalo sa sangkatauhan.




B. HAMON SA BUHAY

Mayroon ka bang inaalagaang mga mahal sa buhay na mahihina o maysakit? Sa iyo ba nakasalalay ang buhay ng iyong magulang, asawa, anak o kaibigan?  Hilingin mo sa Mahal na Birhen ng Guadalupe na gabayan ka at bigyan ng lakas upang patuloy mong mahalin ang mga taong ipinadadala sa iyo ng Panginoon.

Ngayong Adbiyento, maging mapagkalinga nawa tayo sa ating kapwa tulad ng Mahal na Birheng Maria.

K. KATAGA NG BUHAY

Lk. 1:47-48
(at sinabi ni Maria)…Nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang hamak na utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
 
(mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS