SAINTS OF DECEMBER: SAN ESTEBAN
DISYEMBRE 26
SAN ESTEBAN (ST.
STEPHEN), ANG UNANG MARTIR
A. KUWENTO NG BUHAY
Tila napaka-special ni San Esteban na ang kapistahan niya ay
kasunod agad ng Pasko. Kagugunita pa lamang sa pagsilang ng Panginoon sa ating
mundo, inaalala naman natin ngayon ang pagsilang ni San Esteban, hindi sa lupa
kundi sa langit, sa buhay na walang hanggan. Si San Esteban ang unang martir para sa pananampalataya kay
Hesus na Anak ng Diyos, ang unang nag-alay ng buhay dahil sa kanyang
katapatan.
Kapag ipinadiriwang ang kapistahan ng mga martir, kalimitan
ito ay nakatapat sa araw ng kamatayan niya dahil ito ang araw ng kanyang
pagiging saksi sa Panginoon, ang araw ng kanyang pagpasok sa kaluwalhatian ng
langit. Gayundin halos sa ibang mga santo, pero lalo na sa mga martir.
Sinabi ni San Agustin na mapalad talaga si San Esteban dhail
ang kuwento ng kanyang buhay ay nasasaad sa Biblia. At kung nais nating matunghayan ng kuwentong ito, basahin
nang buo sa Aklat ng Gawa ng mga Apostol, kabanata 6-7.
Nang mangailangan ang mga apostol ng katuwang sa
paglilingkod, upang hindi sila malihis sa kanilang pinakatampok na misyon na
magdasal at mangaral, pumili sila ng unang 7 diyakono (deacons).
Ang mga diyakonong ito ang siyang magiging abala naman sa pag-aasikaso sa
pangangailangan ng mga mahihirap na kasapi ng ng unang simbahan. Una sa nabanggit na pinili si San
Esteban, na puno ng pananampalataya at ng Espiritu Santo. Sa pagtutulungan ng mga apostol at ng
mga diyakono, lalong lumaganap ang bagong relihyon.
Ang salitang diyakono ay nangangahulugan na lingkod (servant). Sa panahon natin ngayon,
marami pa ring diyakono sa simbahan. Lahat ng nagiging pari ay dumadaan sa
pagiging diyakono bilang pangunahing orden na kanilang tinatanggap. Ito ay
upang ipakita na ang pari at obispo ay laging lingkod ng sambayanan kahit na
ano pa ang taas ng kanilang antas sa larangan ng pamumuno sa simbahan. Ang mga diyakono ay kapansin-pansin sa
liturhiya na syang nagpapahayag ng Ebanghelyo sa Misa at nagpapaliwanag nito,
nagbibinyag at nagkakasal, subalit hindi pa sila maaaring magmisa o
magpakumpisal.
Subalit may mga diyakono din na permanente (permanent deacons). Ibig sabihin, sila ay na-ordenahan bilang diyakono kahit
na wala silang pagnanasa na maging pari balang araw. Karamihan sa mga permanent
deacons ay may asawa at pamilya.
Habang tumutulong sila sa simbahan, maaari din silang mag-trabaho ng karaniwang
gawain nila sa araw-araw.
Ang diyakonong si San Esteban ay naging matagumpay sa
kanyang pangangaral at madali niyang natatalo ang mga taong nais makipagdebate
sa kanya. Sa kanilang galit,
sinikap ng mga kaaway ni San Esteban na siya ay pagbintangan ng kasinungalingan
at dahil dito si San Esteban ay dinakip at nilitis hanggang sa huli ay hinatulang mamatay sa
pamamagitan ng paghahagis ng mga bato sa kanya.
Nakita niya sa kaluwalhatian ang Panginoong Hesus bago siya
mamatay. At habang binabato siya ng mga kaaway, ipinagdasal niya ang mga ito at
pinatawad sila. Si San Pablo, na noon ay kilala pa sa pangalang Saulo, ay
kasama ng mga taong tumuligsa at pumatay kay San Esteban.
Ang kabayanihan ni San Esteban ay kitang-kita sa kanyang
pagmamahal sa Panginoon at kagulat-gulat man, pati sa kanyang pagmamahal sa
kanyang mga kaaway.
Sinabi ni San Agustin na malaki ang pagkakahawig ng
paglilitis at kamatayan ni San Esteban sa mismong karanasan ng ating Panginoong
Hesukristo. Talagang karapat-dapat
na siya ay magbigay ng kanyang sariling pagsaksi sa kanyang pananampalataya.
B. HAMON SA BUHAY
Kapapasok pa lamang natin sa panahon ng Kapaskuhan. Magandang paalala sa atin na ang Pasko
ay tawag hindi lamang sa pagsasaya kundi sa pagiging saksi kay Kristo sa
mundong ito. Ano bang uri ng paglilingkod sa Diyos ang nararamdaman mong
tinatawag ka ng Panginoon sa iyong buhay ngayon?
Ngayong Pasko, si San Esteban nawa ang magbigay lakas sa
atin na hangaring maging saksi para kay Kristong isinilang sa Belen.
K. KATAGA NG BUHAY
Mga Gawa 7:59-60
Nanalangin si Esteban habang binabato nila siya: “Panginoong
Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Pagkatapos ay lumuhod siya at sumigaw:
“Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.” At namatay siya
pagkasabi nito.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)