SAINTS OF DECEMBER: SAN AMBROSIO


DISYEMBRE 7

SAN AMBROSIO (ST. AMBROSE),
OBISPO AT PANTAS (DOCTOR) NG SIMBAHAN




A. KUWENTO NG BUHAY

Maging ang mga tanyag na tao ay may kinikilala ding mga tao na nagturo o nanghikayat sa kanila na maging magaling o mahusay o banal.  Ang dakilang banal na si San Agustin ay tumatanaw ng utang na loob sa santo ng araw na ito, dahil siya ang naging instrumento sa paglago ng buhay pananampalataya ni San Agustin. Siya ang nagbinyag kay San Agustin bilang isang Kristiyano.  Kay gandang isipin kung paano nagiging magkaka-ugnay pala ang buhay ng mga santo na ating hinahangaan.

Si San Ambrosio ay isinilang sa isang pamilyang Romano noong taong 339.  Sa Roma siya nag-aral at pagkatapos maging isang abogado, naglingkod siya sa  pamahalaan. 

Naging Obispo siya ng sikat na lungsod ngayon na Milan, Italy.  Kakaiba ang naganap na paghirang sa kanya.  Noong mabakante ang posisyong ng obispo ng Milan, nagdasal ang mga tao at nagpasya na mananatiling bukas ang pinto ng katedral ng Milan at ang unang taong papasok dito ang siyang nais ng Diyos na maging obispo. Napadaan si San Ambrosio sa harap ng simbahan at pumasok siya upang magdasal.  Laking gulat siguro niya ng magsigawan at magpalakpakan ang mga tao dahil may bago na silang obispo.  Hinirang siyang obispo kahit hindi pa nga siya nabibinyagan bilang Kristiyano noon, dahil naghahanda pa lamang siya na maging kasapi ng simbahan. Kaya, pagkatapos ng walong araw, bininyagan siya. At ang kasunod na hakbang ay ordenahan siya bilang obispo para magkabisa na at masimulan ang kanyang paglilingkod.

Hindi nabigo ang mga taga-Milan dahil sa sipag at tiyaga ng bagong obispo na talagang mapagmahal sa mga dukha at mahusay na pastol at guro sa kanyang mga pinamamahalaan.

Isa ring pantas (doctor) ng simbahan si San Ambrosio dahil sa maraming turo niya na isinulat sa salitang Latin tungkol sa Bibliya, sa pagpapari, sa mga doktrina at maging sa mga awitin.  Pati ang liturgy o Misa sa Milan ay may kaibahan sa normal nating Misa dahil sa impluwensya ni San Ambrosio. Ang tawag sa Misa doon ay “Ambrosian Rite.”

Sa pangangaral ni San Ambrosio, ang kabataang si Agustin, na noon ay naguguluhan pa sa kanyang buhay, ay nagkaroon ng bagong sigla at inspirasyon na maging Kristiyano.   Nagpabinyag si Agustin kay San Ambrosio sa katedral ng Milan.  At hanggang ngayon, makikita pa rin sa simbahang iyon ang eksaktong lugar kung saan nabinyagan si Agustin.  Pagdating ng panahon, si San Agustin ay magiging isang mahusay na obispo din at pantas tulad ng kanyang guro.  Si San Agustin din ay magiging santo tulad ng nagturo at nagbinyag sa kanya. Naisip kaya ni San Ambrosio na mangyayari ito kay Agustin? Siguro ay nag-uumapaw ang pasasalamat ni San Agustin kay San Ambrosio dahil sa impluwensyang ginawa nito sa kanyang buhay.

Namatay si San Ambrosio noong taong 397.


B. HAMON SA BUHAY

Sino ang tao na may pinakamalaking impluwensya sa iyong pagiging Kristiyano ngayon? Maging siya man ay kamag-anak o kaibigan o hindi kaano-ano, pasalamatan natin ang Panginoon para sa taong ito at ipagdasal natin siya sa panahong ito ng Adbiyento. Hilingin din natin sa Diyos na tulad ni San Ambrosio, maging tulay din tayo sa paglapit ng ating kapwa sa Diyos.

Ngayong Adbiyento, makapag-akay nawa tayo ng ating kapwa tungo sa Panginoon.


K. KATAGA NG BUHAY

Mt. 18;12
Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? 

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS