SAINTS OF DECEMBER: NIÑOS INOCENTES
DISYEMBRE 28
MGA BANAL NA SANGGOL
NA WALANG KAMALAYAN
(THE HOLY INNOCENTS),
MGA MARTIR
A. KUWENTO NG BUHAY
Kilala sa Pilipinas ang araw na ito bilang araw ng pagbibiro
o panloloko. Karaniwang tawag dito ay ang pangalang Espanol ng kapistahan – ang
Ninos Inosentes. May mga
nanloloko na hihiram kunwari ng pera at kapag siningil ay ayaw magbayad dahil
ang nagpahiram ay tila tatanga-tanga kaya madaling naisahan ng nanloko sa
kanya. At marami pang ibang uri ng pagbibiro ang nagaganap sa araw na ito.
Pero ano nga ba ang tunay na diwa ng mga batang santo ng
araw na ito?
Nasa Bibliya ang naganap sa mga Banal na Sanggol na walang
kamalayan (the Holy Innocents) sa Mabuting
Balita ayon kay San Mateo (2:13-18).
Nang mabalitaan ni Haring Herodes mula sa mga pantas na isinilang ang
Mesiyas na hinihintay ng mga Hudyo, napuno siya ng takot na mawawala siya sa
kapangyarihan. Sa kanyang
pagnanais na iligpit o alisin ang kanyang magiging katunggali o ka-kumpitensya
sa kanyang trono, ipinahanap niya ang Sanggol na si Hesus subalit upang
makasigurado siya, lahat ng mga batang lalaki ang kanyang ipinapatay.
May pagbabalik-tanaw sa karanasan ng mga Hudyo ang tagpong
ito dahil sa pagpatay din sa mga batang lalaki sa Ehipto noong sanggol pa si
Moises, dahil sa takot ng Paraon (Pharoah)
na lumaganap ang lahi ng mga Hudyo.
Paano naging mga martir ang mga sanggol na ito? Nagbuwis ng buhay ang mga sanggol para
sa Mesiyas na si Hesus. Sila ang humarap sa kamatayan upang makaligtas si Hesus
sa poot ni Herodes, kaya si Hesus ay nakatakas dala ni Jose at Maria patungo sa Ehipto.
Hindi sa pamamagitan ng salita o sa pamamagitan ng gawa
naging saksi ang mga sanggol. Naging saksi sila sa pagdanak ng kanilang
dugo. Hindi pa sila maaaring
magsalita. Hindi pa sila maaaring
gumawa ng anumang bagay. Pero ang kanilang kamatayan ang naging alay nila para sa
pagdating ng pag-asa ng buong mundo.
Kung si San Esteban ang unang martir para sa Panginoong
Muling Nabuhay, ang mga sanggol na ito ang mga unang martir para sa Panginoong
Bagong Silang. Naging regalo sa
kanila ng Diyos na magkaroon ng kahulugan ang maikli at munting buhay nila para
sa katuparan ng pangako ng Diyos at ng inaasam ng mga tao.
Malaking sakripisyo din ang ginawa ng kanilang mga pamilya
na nag-alay ng kanilang mga anak. Tamang-tamang alalahanin ngayon ang mga
batang pinapaslang ng dahil naman sa modernong pagiging martir ng mga inosenteng
sanggol – ang aborsyon.
B. HAMON SA BUHAY
Tanungin natin ang ating sarili kung paano ba natin
nagagamit ang ating buhay upang papurihan ang Diyos. Hindi tayo pinalad na
magkaroon ng madugong pagsaksi kay Kristo pero tinatawag tayo na mag-alay din
ng mga maliliit na sakripisyo para parangalan ang Diyos araw-araw. Ipagdasal
din natin na matigil na ang aborsyon at maging bukas ang puso ng lahat tungo sa
buhay na regalo sa atin ng Panginoong Hesus.
Ngayong Pasko, maging tunay nawa tayong saksi kay Kristo sa
pamamagitan ng ating buong pusong pag-aalay ng sarili sa kanya, tulad ng mga
batang santo.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 2;16
Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan
siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa
Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa,
batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas.