SAINTS OF DECEMBER: SANTA LUCIA


DISYEMBRE 13



SANTA LUCIA (ST. LUCY), DALAGA (VIRGIN) AT MARTIR

A. KUWENTO NG BUHAY

Isa sa pinakaunang kinilalang santa si Santa Lucia; mula pa noong 6th century ay pinararangalan na siya sa simbahan sa Roma dahil sa katanyagan ng kanyang pangalan at ng kanyang buhay na nagpasalin-salin sa kuwento ng mga Kristiyano.  Tinatayang nabuhay si Santa Lucia sa taong 304, sa Syracuse, Sicily, isang lugar sa Italya.

Ayon sa kasaysayan ng kanyang magiting na pagkamatay, si Santa Lucia ay naglakbay para magdebosyon sa libingan ng isang santa, si Santa Agnes na patron saint ng Catania, Italy.  Sa daan habang papunta siya doon ay nagpakita kay Santa Lucia si Santa Agnes at nangako na sa pamamagitan ng dalisay na pagmamahal ni Lucia sa Panginoon, pagpapalain ng Diyos ang Syracuse, ang kanyang sariling bayan.

Nang umuwi si Santa Lucia, ipinamigay niya sa mga mahihirap ang salaping nakalaan para sa kanyang pagpapakasal. Nagpasya siyang maging isang birhen o dalaga (virgin) habang buhay. 

Ano ba ang kahulugan ng birhen o dalaga sa hanay ng mga banal na tao?  Siya ay isang babae na gumawa ng hakbang upang italaga ang buong buhay sa pagmamahal sa Panginoon lamang; hindi siya mag-aasawa dahil ang kanyang puso ay para lamang kay Hesus. 

Noong panahon ng mga unang Kristiyano, maraming mga dalaga ang nanatiling birhen bilang tanda ng kanilang pagmamahal at espirituwal na kasal sa Panginoon na siyang tanging esposo ng kanilang puso at kaluluwa.  Sa panahon natin ngayon maituturing na ang mga madre o babaeng namanata sa Diyos (religious women) at hindi naikasal kailanman, ay mga dalaga o birhen na ganito rin ang layunin ng buhay.

Sa desisyong ito ni Santa Lucia, nagalit ang kanyang kasintahan at isinumbong siya sa mga hukom. Ninais niyang pagsamantalahan ang kagandahan at kadalisayan ni Santa Lucia. Hindi naman ito naganap dahil sa isang himala. Naging napakabigat ng katawan ng santa at hindi nila ito mabuhat o magalaw man lamang.

Kaya nang huli ay isinailalim si Santa Lucia sa mapait na pasakit ng katawan o torture. Sa gitna ng paghihirap niya, patuloy siyang nagdasal at nagpahayag ng kanyang pagmamahal kay Hesus. Nilaslas ang leeg ng santa subalit hindi siya namatay hanggat hindi siya tumatanggap ng Huling Komunyon. Namatay si Santa Lucia sa panahon ng pagtuligsa sa mga Kristiyano sa ilalim ng emperador na si Diocletian.

Sa uri ng pahirap at kamatayan na dinanas niya, si Santa Lucia ay maituturing na isang  martir.  Sino ba ang martir sa hanay ng mga banal? Ano ang kahulugan ng pagiging isang martir?

Kapag narinig natin ang salitang martir ngayon, may negatibong kahulugan lalo na kung ibig sabihin ay isang tao na masyadong matiisin kahit alam niyang inaapi na siya. Pero sa simbahan, ang isang martir ay isang saksi (witness), isang taong nagpapatunay ng kanyang katapatan sa pananampalataya kay Hesus kahit sa gitna ng maraming pagsubok at paghihirap. Ang isang martir ay handang magbuwis ng sariling buhay para ipakita na walang mas mahalaga sa kanyang buhay kundi ang mapalapit sa Panginoon. 

May mga martir na pinagdusa sa iba’t-ibang pahirap sa katawan at dahil dito ay namatay para sa kanilang paninindigan – ang tawag dito ay “red martyrdom” dahil sa pagdanak ng kanilang dugo.  Mayroon namang martir na pinahirapan ng mga kaaway  pero hindi pinatay o hindi namatay agad – ang tawag dito ay “white martyrdom” dahil bagamat buhay siya, katakot-takot na dusa ang kanyang dinanas at walang takot na tinanggap nang alang-alang sa pag-ibig niya kay Hesus. 

Walang takot na naging saksi si Santa Lucia sa kanyang pinaniniwalaan bilang kalooban ng Diyos. Hindi hadlang ang kanyang kabataan at pagiging isang babae upang harapin niya ang mga taong tumutuligsa sa kanya at ipakita sa kanila na matapang at matatag niyang susuungin  ang anumang balakid upang matamo niya ang kanyang mga pangarap na pakikipag-isa kay Hesus.

May mga simbahan at monasteryo sa Europa na nakapangalan kay Santa Lucia. Siya ay patron saint ng mga maysakit sa mata.


B. HAMON SA BUHAY

Tinatawag tayo ni Santa Lucia na maniwala sa kakayahan ng mga kababaihan at ng mga kabataan na panindigan at ipaglaban ang kanilang pananampalataya.  Ipagdasal natin ngayon ang mga magigiting na babae sa ating pamilya na pumapatnubay sa ating buhay.  Hikayatin natin ang mga kabataan sa ating pamilya upang maging seryoso sa pagsasabuhay ng kanilang katapatan sa Panginoon.

Ngayong Adbiyento, tularan natin si Santa Lucia sa paninindigang ialay ang buong buhay sa Panginoon.


K. KATAGA NG BUHAY

Lk 10;41
Sumagot sa kanya ang Panginoon: Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.
 
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS