SAINTS OF DECEMBER: SANTO TOMAS BECKET
DISYEMBRE 29
SANTO TOMAS BECKET,
OBISPO AT MARTIR
A. KUWENTO NG BUHAY
Maganda ang simula ng buhay ni Santo Tomas Becket na
isinilang noong taong 1118. Ipinanganak siya sa London
sa England at pagkatapos ay nag-aral
sa Paris sa France. Sa edad na 25
nagsimula na siyang maglingkod sa ilalim ng Arsobispo ng Canterbury at pagkatapos ay pinalad na makapag-aral naman sa Roma
at Bologna sa Italy at muling pumunta sa France
para mag-aral ng abogasya.
Naging chancellor
siya sa ilalim ng Hari ng England na si
Haring Enrique (Henry) II at naging maganda ang relasyon niya sa haring ito sa
loob ng pitong taon. Nakasali siya sa giyera ng England laban sa France
at buong tapang na ipinakita niya ang kanyang pagiging magiting na alagad ng
kanyang hari.
Noong 1162, naging isang ganap na pari si Santo Tomas at
siya ang unang nagdiwang sa England ng Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo
o Santissima Trinidad (Most Blessed
Trinity).
Nang mahirang siya bilang Arsobispo, kapansin-pansin na
nagbago ang kanyang ugali at naging mas madasalin at mas mapag-sakripisyo si
Santo Tomas Becket. Sino ba ang
isang obispo sa ating simbahan?
Ang isang obispo ay kahalili sa tungkulin na ibinigay ng Panginoon Hesus
sa kanyang 12 alagad. Bawat obispo ay saksi sa dalisay at tunay na mensahe ng
kaligtasan mula sa Panginoong Hesukristo.
Habang napapalapit si Santo Tomas sa Panginoon, unti-unti
namang nagiging pangit ang relasyon niya sa hari lalo pa at may isang obispo,
si Foliot ng London, na nagsulsol sa hari upang higit na mainis sa kanya.
Nang nais ng hari na kontrolin ang mga ari-arian ng simbahan
at pati na rin ang pagkilos ng mga pari, tumanggi si Santo Tomas Becket na pumirma
sa dokumento. Alam niyang magkakaroon ng maraming limitasyon ang simbahan kung
tatanggapin niya ang dokumento ng hari. Pinagbintangan siya ng pagsuway sa hari
at dahil dito ay itinapon siya sa France
sa loob ng 6 na taon.
Noong 1170 nakabalik siya sa England dala ang mga dokumento ng pag-suspindi laban sa mga
obispong nagsulsol sa hari at ang dokumento ng pagkakatiwalag mula sa Simbahan
ng obispong si Foliot ng London.
Sobra ang galit sa kanya ni Foliot at ng obispo ng Salisbury
kaya inayos nilang patayin si Santo Tomas Becket ng apat na sundalo ng hari.
Gusto ng mga pari na ipagtanggol si Santo Tomas Becket sa pamamagitan ng
pagbarikada sa mga pintuan ng katedral pero tumanggi ang santo at buong tapang
na sinabi: “Handa akong mamatay sa ngalan ni Hesus at para ipagtanggol ang
simbahan.”
Pinatay ng mga sundalo si Santo Tomas Becket sa loob ng
kanyang katedral, sa altar ng
Mahal na Birhen at ni San Benito. Noong 1172, nagsisi ang hari sa pagpatay na
ginawa sa santo sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo at nagbalik-loob siya sa
simbahan.
Isa na namang martir o saksi ni Kristo ang santong ito na
matapos alagaan ang bayan ng Diyos ay nagbuwis pa ng kanyang sariling buhay
para sa kanyang pananampalataya.
B. HAMON SA BUHAY
Para kay Santo Tomas Becket, walang pagkakahati-hati ang
kanyang puso. Iisa lamang ang
kanyang susundin, at iyan ay walang iba kundi ang Panginoon. May pagkakataon sa ating buhay na dapat
tayong mamili kung ang mga hari ba ng mundong ito ang ating susundin o ang
tunay na Hari ng ating kaluluwa.
Ipagdasal natin na lagi nating sundin lamang ang tinig ni Kristo sa
ating buhay.
Ngayong Pasko, si Santo Tomas nawa ang maging gabay natin sa
pagiging masugid na lingkod ng Panginoon.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 16: 25
Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang
mawawalan nito ngunit ang nawawalan ng sarili alang-alang sa akin ang
makakatagpo nito.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)